Kinondena ng Doctors Without Borders ang pagbabawal sa mga babaeng magtrabaho para sa mga NGO at ang pagbura sa kanila sa pampublikong pamumuhay sa Afghanistan
Women sitting in the waiting area outside Doctors Without Borders’ Ambulatory Therapeutic Feeding Centre (ATFC) in Kandahar. Afghanistan, 2022. © Tasal Khogyani/MSF
Kabul, 29 Disyembre, 2022 – Matapos ang ilang buwan ng tuloy-tuloy na pagbabawal sa mga kababaihan ng Afghanistan, ng mga limitasyong ipinapataw sa kanilang pang-araw araw na pamumuhay, sa kanilang edukasyon, at ngayon, maging sa kanilang karapatang magtrabaho sa mga non-governmental organisations, mariing kinokondena ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang ginagawa ng Islamic Emirate na pagbura sa mga kababaihan mula sa kanilang lipunan.
Mahigit sa 51% ng aming medical staff ay mga babae. Ang pinag-uusapan dito ay halos 900 na mga doktor, nars, at iba pang mga propesyonal na nagsusumikap araw-araw na mabigyan ang libo-libong mga Afghan ng pinakamahusay na pangangalaga. Hindi makakakilos ang Doctors Without Borders kung wala sila. Itong pinakabagong direktiba ay isa na namang hakbang sa kanilang sistematikong pagtanggal sa mga kababaihan mula sa lipunan, na hindi mabuti para sa lahat.Filipe Ribeiro, Country Representative
Sa isang bansa kung saan ang karamihan ay umaasa lang sa humanitarian aid at humaharap sa laganap na kahirapan na bunga ng kawalan ng trabaho, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa paghahatid ng humanitarian assistance at mga serbisyong para sa pangangalagang pangkalusugan. Walang organisasyon, maliit man o malaki, ang makapaghahatid ng tulong sa mga nangangailangan kung walang partisipasyon ang mga kababaihan.
Ang lubhang maaapektuhan ng pinakahuling direktiba ay ang pinakamahihinang grupo, tulad ng mga babaeng pasyente at kanilang mga anak. Magiging mahirap para sa kanila, o baka imposible, ang magpatingin sa doktor. Sa ngayon, lahat ng aming ginagawa ay napapanatili dahil ang mga babaeng katrabaho namin ay patuloy na nagtatrabaho nang walang hadlang sa mga pasilidad pangkalusugan na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Doctors Without Borders at ng Ministry of Health. Dapat ay hindi ito magbago, ang pagbabawal sa mga babaeng makapagtrabaho ay makahahadlang rin sa kanilang pagkuha ng pangangalagang pangkalusugan.
"Mahigit sa 90% ng aming medical staff sa Khost Maternity Hospital ay babae. Tumutulong sila sa kapanganakan ng 1,800 na sanggol buwan-buwan. Kapag ang patakaran na ito ay ipinatupad, mas maraming ina ang haharap sa karagdagan, at baka di- malalampasang hadlang sa mga serbisyong prenatal at postnatal. Wala silang mapupuntahan," sabi ni Ribeiro.
Pagkatapos ng pagsasara ng mga paaralang sekundaryo noong Marso 2022, ipinahayag din ng Ministry of Higher Education ang desisyon na di payagan ang mga babaeng pumasok sa mga pribado at pampublikong unibersidad. Tiyak na mapapalala nito ang sitwasyon sa pangmatagalan. "Ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa Afghanistan ay kasalukuyang nahihirapan sa pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan ng mga tao. Kung ngayon pa lang ay di na kayang magamot ang lahat ng pasyente, paano pa sa hinaharap, ngayong kalahati sa mga posibleng pumasok sa larangan ng medisina ay di pinahihintulutang makapag-aral?" tanong ni Ribeiro. "Sa Khost, isang hamon na ang makahanap ng mga taong akma sa aming kinakailangan, tulad ng mga gynaecologist, na bibihira na lang sa buong rehiyon. Kailangang madagdagan ang mga babaeng doktor, hindi mabawasan."
Ang pagsasantabi sa mga babae sa ganitong paraan ay salungat sa bawat prinsipyong makatao at sa medical ethics na gumagabay sa mga propesyonal sa larangan ng medisina.
Kapag pinigilan ang mga babaeng magtrabaho sa mga pasilidad pangkalusugan, at kung ang mga babae ay maaari lamang magpatingin sa kapwa babae, magiging imposible para sa kanilang makakuha ng pangangalagang pangkalusugan. Walang healthcare provider, maging ang Doctors Without Borders, ang makapaghahatid ng serbisyong medikal sa Afghanistan.Filipe Ribeiro, Country Representative
Upang mabigyan ng kinakailangang serbisyo ang lahat ng kasarian, kailangan itong ibigay ng lahat ng kasarian. Kaya naman ang Doctors Without Borders sa Afghanistan ay patuloy na naninindigan sa paglilingkod sa lahat ng nangangailangan ng pangangalagang medikal, sa pamamagitan ng pagpapanatili ng aming mga kasalukuyang team.
Doctors Without Borders in Afghanistan
Ang Doctors Without Borders ay nagpapatakbo ng pitong proyekto sa Helmand, Kunduz, Herat, Khost, Kabul, Kandahar at Bamiyan na nakatuon sa paghahatid ng sekundaryong pangangalagang pangkalusugan. Mahigit 1,700 medical professionals ang nagtatrabaho para sa organisasyon sa Afghanistan, 894 sa kanila ay mga babae at 835 ay lalaki. Nitong 2022, naisagawa ng mga Doctors Without Borders team ang mahigit sa 250,000 outpatient consultations, 42,000 inpatient admissions, 71,000 emergency room admissions, 11,000 surgical interventions,at 35,000 deliveries. 5,000 na bata ang naipasok sa mga ambulatory therapeutic feeding centre, habang 7,000 naman ang tinanggap sa mga inpatient therapeutic feeding centres, 9,500 na pasyenteng may tigdas o measles ang ginamot, 22,000 na konsultasyon ang ginawa para sa mga may drug-sensitive tuberculosis, 2,000 na pasyenteng may drug-sensitive tuberculosis ang sinimulan nang gamutin habang 80 naman ang nakatala sa paggamot.