Skip to main content

    Isang taon pagkatapos ng pagsalakay sa Dasht-e-Barchi maternity: Paano suriin ang ganitong trahedya?

    Entrance to the main office in the compound.

    Pagpasok sa pangunahing tanggapan sa compound ng ospital ng Dasht-e-Barchi. Afghanistan 2020. © Frederic Bonnot/MSF

    Isang taon na ang nakalipas, paano mo naaalala ang nangyari sa Dasht-e-Barchi maternity?

    Naalala ko noong mga unang araw, ganito ang pagkakaintindi namin sa pangyayari. Sinadya ng mga sumalakay ang sistematikong pagpatay sa mga ina sa kanilang mga kama, inisa-isa sila. Wala pang ganitong kahindik-hindik na pangyayari sa ilang taon namin sa Afghanistan o sa 50 taong kasaysayan ng Doctors Without Borders. Hindi namin maisip na may mga taong kayang gawin ang ganitong karahasan sa mga babae, sa sandaling sila’y pinakamahina: habang sila’y nanganganak. May simbolismong makikita sa karahasang ito.

    Kasunod nito’y ang ilang araw at ilang linggo ng matitinding aktibidad. Sinubukan namin, sa abot ng aming makakaya, na magbigay suporta--maging sa kalusugan ng kaisipan--sa mga nasugatan, sa mga pamilya ng mga biktima, at sa aming staff. 

    Pagkalipas ng ilang linggo, kinailangan naming gumawa ng isang napakahirap na desisyon: ang umalis sa Dasht-e-Barchi. Alam naming may maiiwan kaming malalaking pangangailangan. Para sa maraming babaeng taga-roon, napakalaking tulong ng aming maternity ward. Noong 2019 lang, 16,000 ang naganap na panganganak doon. Pero di namin maisip na magpatuloy pa pagkatapos ng insidenteng iyon.

    Bakit nagpagawa ang Doctors Without Borders ng fact-finding exercise?

    Unang-una, ito’y bahagi talaga ng mga kailangan naming gawin pagkatapos ng kahit anong pangyayari kung saan nakompromiso ang aming kaligtasan. Kailangan naming subukang mailarawan ang tamang pagkakasunod-sunod ng mga naganap at ang eksaktong nangyari sa pagsalakay. Dito rin namin masusuri ang mga elemento sa sitwasyon na nagpahintulot na mangyari ito, at kung ano ang sana’y nagawa para maiwasan ang ganoong pangyayari. Tinasa namin ang aming kapaligiran at ang aming posisyon sa ibinigay na konteksto, at pinag-aralan din namin kung paano ginawa ang security risks assessment at management. Ang pagsasanay na ito’y ginawa, hindi para magbalik-tanaw sa aming desisyong lisanin ang Dasht-e-Barchi, kundi upang magamit para sa ibang mga aktibidad ng Doctors Without Borders sa Afghanistan.

    Isa pang dahilan ay dahil sa tingin namin, mahalaga, at masasabing tungkulin naming gawin ito para sa mga biktima, sa mga survivor, at sa staff namin sa Afghanistan. Tungkulin naming kahit paano’y subukang intindihin ang nangyari.

    Kaya naman, kahit na alam naming di masasagot lahat ng aming mga katanungan, mahalaga at kinakailangang gawin ang pagsasanay na ito.

     

    Dasht-e-Barchi hospital

     © Frederic Bonnot/MSF

    Ano ang mga nakapaloob sa fact-finding exercise?

    May mga panayam ang mga staff ng Doctors Without Borders, pati na rin ang ibang mga saksi na naroon din sa mismong ward o sa mga katabi nitong bahagi ng ospital. Kinunan din ng pahayag ang mga pambansa at pandaigdigang external stakeholders na may kaugnayan sa nangyari. Lahat-lahat, 38 na saksi at 45 external stakeholders at eksperto ang nakapanayam ng Doctors Without Borders.

    Pinag-aralan din namin ang ibang mga elemento ng pangyayari: material, factual, at pati ang mga elementong alam ng publiko, tulad ng mga ipinahayag sa media at sa social media. 

    Paano ito nakatulong sa inyo? 

    Una, nakakalap kami at nasuri namin ang ilang elemento, isang prosesong napagtanto naming kumplikado noong mga unang linggo pagkatapos ng pagsalakay. Nakumpirma rin namin ang mga impormasyong ito: 24 na tao ang pinatay, ayon sa mga opisyal na ulat, at kasama doon si Maryam, ang isa naming komadrona. Kasama rin sa mga pinaslang ang 16 na nanay, at dalawang bata, edad 7 at 8. 6 na staff ng Doctors without Borders, isang sanggol na bagong panganak, at isang katiwala naman ang nasugatan. Nakumpirma rin ng aming pagsisiyasat na ang mga security protocol ay nakatulong na malimitahan ang bilang ng mga nasawi at nasugatan na mga pasyente at staff ng Doctors Without Borders. Higit sa 90 na tao ang nakapagtago sa mga ligtas na silid ng maternity ward. 

    Ngunit para sa ilang mahahalagang katanungan, partikular na ang kung sino ang mga may pakana nito, at kung ano ang kanilang motibo, wala kaming sagot na nakuha mula sa aming pagsasanay.

    Ngayon, may nalalaman na ba kayo tungkol sa mga gumawa nito, at kung ano ang kanilang motibo? 

    Wala pa ring umaako ng responsibilidad para sa karahasang ito. Pagkatapos na pagkatapos nitong mangyari, sinumbatan ng mga awtoridad ang Taliban--o ang Islamic Emirate of Afghanistan--na kinontra naman at kinondena ang akusasyon. Samantala, inakusahan naman ng mga kinatawan para sa media ng ibang bansa ang Islamic State Khorasan province (ISK-P), ngunit wala naman silang ebidensiyang isiniwalat sa publiko upang masuportahan ang kanilang alegasyon. Simula noon, ang tanging nakarating na balita na lang sa Doctors Without Borders ay ang sabi-sabi na patuloy na iniimbestigahan ng Afghans ang trahedya.

    Ang proseso o pagsasanay nami’y di nagbunga ng kaalaman sa kung sino ang mananagot para sa nangyari, at kung ano ang kanilang mga motibo.

    Pero, ang pinakaposibleng totoo sa mga haka-haka ay na ang pagsalakay ay ginawa ng dalawa o higit pang mga miyembro ng armadong grupo ng mga kabilang sa ISK-P. May mga nagbanggit din na sinuportahan sila ng ibang mga armadong grupo, ngunit wala kaming kumpirmasyon tungkol dito.

    Kahit na di namin alam kung sino ang may gawa nito, may mga lumabas na posibleng dahilan ng karahasang ito. Maaaring ito raw ay paghihiganti sa awtoridad ng Afghanistan. Batay sa teoriyang ito, maaaring pinuntirya ang mga nagdadalang-tao dahil isang linggo bago nangyari ito, tatlong babae (at dalawa roon ay nagdadalang-tao), ang napatay sa isang pagkilos ng mga puwersang militar ng Afghanistan laban sa ISK-P. Maaari rin daw na ito’y dahil ang mga kababaihan at ang kanilang mga anak ay inaresto ng mga awtoridad dahil sa kanilang pagsuporta sa ISK-P.

    Naroon din ang posibilidad na ang mga babaeng pinaslang ay naging biktima dahil sa pagiging miyembro nila ng komunidad ng mga Hazara. Sa mga nakaraang taon, nagkaroon na ng sunod-sunod na karahasan laban sa minoryang ito, partikular na sa Dasht-e-Barchi.

    Entrance to the mother's room

    Papasok ng kwarto para sa mga nanay sa maternity ward. Afghanistan 2020 @ Frederic Bonnot/MSF

    Target ba ng pagsalakay ang Doctors Without Borders? 

    Walang indikasyong lumitaw sa aming pagsasanay na ang Doctors Without Borders, bilang isang institusyon, ay ang target ng karahasan. Pero, hindi rin namin ikinakaila na ang presensiya ng Doctors Without Borders sa maternity ward na ito ay maaaring may kinalaman sa pagpili nila rito.

    Anuman ang totoo, ang unang pinuntirya ng pag-atake ay ang mga nagdadalang-tao at nanganak, na nasa maternity ward na pinapangasiwaan namin. Alam naming dumiretso agad sa maternity ward ang mga masasamang-loob, at pinatay ang mga nagdadalang-tao at kakapanganak lang na naroon. Dalawang batang naroon din para lang magpabakuna at isang katiwala ang binaril din at napatay. May napatay rin at may mga nasugatan sa aming healthcare staff.

    Kung hindi kayo ang target, bakit di na magpapatuloy ang Doctors Without Borders sa Dasht-e-Barchi maternity? 

    Hindi kami makapagtatrabaho nang maayos sa isang lugar kung saan nagiging target ng karahasan ang mga pasyente at medical staff, at kung saan di namin mapipigilang maulit ang pagpatay sa napakaraming tao.

    Malinaw na ang pakay nila ay ang mga nagdadalang-tao sa isang maternity ward na pinapatakbo ng Doctors Without Borders. At kinumpirma ng aming pagsasanay na wala sa iba’t ibang grupong nakikipag-ugnay sa amin sa Afghanistan ang nakapagbigay sa amin ng babala tungkol dito.

    Ano ang magiging implikasyon nito para sa Doctors without Borders sa Afghanistan?

    Ang pagtatrabaho namin sa Afghanistan ay udyok ng mga matitinding pangangailangang medikal ng mga taga-Afghanistan. Lalo itong nagiging malinaw sa konteksto ng pandemyang dulot ng COVID-19, at sa panahon kung kailan nagwakas na ang dalawampung taon ng pandaigdigang presensya ngg militar, at nag-iiba na ang kalagayan ng pulitika sa bansa. Ngunit makapagpapatuloy lang ang aming trabaho kung matitiyak namin ang kaligtasan ng aming mga pasyente at staff.

    Nang bumalik ang Doctors Without Borders sa Afghanistan noong 2009--matapos naming umalis noong 2004 dahil sa pagpatay sa lima naming kasama--alam naming isa ito sa pinakamapanganib na bansang mapagtatrabahuhan. Noong panahong iyon, ang nasa isip nami’y posible namang maglaan ng ligtas na lugar para sa amin, sa pamamagitan ng muling pakikipag-ugnay sa iba’t ibang grupo sa bansa. Pero pagkatapos ng karahasan sa ospital sa Kunduz, at ang pagdanak ng dugo sa Dasht-e-Barchi maternity, napagtanto naming di sapat ang aming pakikipag-ugnayan. Sa dalawang insidenteng ito, 66 na tao ang napatay. Ito ang pinakamataas na bilang ng mga napatay sa aming mga proyekto sa iba’t ibang bahagi ng mundo nitong nakaraang anim na taon. Hindi namin matatanggap na ang pagkawala ng aming mga staff at pasyente ay bahagi lang ng aming trabaho. Nasa amin pa rin ang kalayaang lumisan at tumigil sa aming mga ginagawa kung sa tingin nami’y masyadong mataas ang kabayaran sakaling maulit ang ganitong pangyayari.

    Kahit na magkakaiba ang antas ng seguridad at ang mga kondisyong pulitikal sa bawat bahagi ng bansa, ang presensiya namin sa Afghanistan ay limitado sa ngayon. Ipinagpapatuloy namin ang aming ginagawa sa mga piling lugar kung saan maaari kaming magtrabaho nang ligtas, sa pamamagitan ng pagsusuri sa konteksto at mga insidenteng kaugnay ng seguridad, pagbawas ng pagkakalantad sa aming staff, partikular na sa Kabul, at pagpapatibay ng aming ugnayan sa lahat ng lokal na grupo na makikipag-usap sa amin. 

    Ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho sa Afghanistan mula pa noong 1980. Sa kasalukuyan, may pinapatakbo itong limang proyekto sa limang probinsiya: sa Kandahar, Khost, Kunduz, Helmand at Herat. Noong 2020, ang Doctors Without Borders teams ay nakapagbigay ng 112,453 emergency room consultations, nakatulong sa 37,898 na panganganak, at nagsagawa ng 5,669 na major surgical interventions. Ang Doctors Without Borders ay nagbibigay ng libreng pangangalagang medikal. Ang kanilang mga gawain sa Afghanistan ay pinopondohan ng mga pribadong indibidwal o grupo  at hindi sila tumatanggap ng salapi mula sa kahit anong pamahalaan. 

    Categories