HIV/AIDS sa DRC: Sa likod ng pag-unlad, may matitinding hamon pa rin
Eto ang iba-iba'ng gamot na maaaring inumin araw-araw ng taong may HIV. Nasa larawan sa kaliwa ang gamot para sa first-line treatment. The Nasa gitna ang second-line therapy, para sa mga kaso kung saan hindi naging epektibo ang first-line therapy. Sa larawan sa kanan ang third-line therapy , para sa mga pasyente na hindi na pwede sa first- at second-line therapies. DR Congo, 2022. © Michel Lunanga/MSF
Noong 2002, binuksan ng Médecins Sans Frontières (MSF) ang kauna-unahang outpatient treatment centre na magbibigay ng libreng pangangalaga sa mga taong nabubuhay nang may HIV sa Kinshasa, ang kabisera ng Democratic Republic of Congo (DRC). Pagkalipas ng dalawampung taon, bagama’t kinakitaan ng pag-unlad ang bansa sa pagharap sa suliraning ito, may mga malalaking puwang pa rin sa testing at sa paggamot nito—mga puwang na nagdudulot taon-taon ng libo-libong kamatayang maaari namang mapigilan.
Nang binuksan ang mga pinto ng Doctors Without Borders treatment centre noong Mayo 2002, kritikal na ang sitwasyon: mahigit sa isang miyong lalaki, babae at mga bata ang nabubuhay nang may HIV sa DRC, ngunit ang antiretroviral (ARV) treatment ay bihira at mahal sa bansa. Ayon sa UNAIDS, noong kasisimula pa lang ng mga taong 2000, itinatayang 50,000 hanggang 200,000 na tao ang namamatay sa DRC dahil sa virus na ito.
Para sa maraming tao, ang pagkakaroon ng HIV ay katumbas ng pagkakaroon ng taning sa buhay. Dahil sa mataas na presyo ng antiretroviral treatment, hindi ito kayang mabili ng karamihan sa mga pasyente. Maging ang Doctors Without Borders, noong mga unang buwan ng centre, ay walang mga ARV. Ang nagagawa lamang ng team namin noon ay gamutin ang mga sintomas at mga opportunistic infection. Napakahirap.Dr. Maria Mashako, Medical Coordinator
Si Clarisse Mawika, 60, ay nagpositibo noong 1999. Tandang-tanda pa niya ang hirap na pinagdaanan ng mga pasyenteng tulad niya noong panahong iyon.
"Ayoko nang balikan ang nakaraang iyon," sabi niya. "Noong nakuha ko ang resulta ng blood test, ang naisip ko’y kailangan ko nang maghanda para sa kamatayan. Sa kabutihang-palad, nag-ambag ambag ang aking pamilya upang mapadalhan ako ng mga gamot mula sa Europe. Pero dumating rin ang punto kung kailan di na nila kayang gastusan ito, at kinailangan kong tigilan ang paggamot nang ilang buwan. Nagsimulang lumala ang aking kondisyon. Hanggang sa isang araw, may kakilala akong nagkuwento sa akin tungkol sa Doctors Without Borders.”
Doctors Without Borders, nagsusulong ng pag-unlad ng pakikibaka sa HIV/AIDS
Bilang unang pasilidad pangkalusugang nagbibigay ng libreng ARV para sa mga pasyente sa Kinshasa, hindi nagtagal ay napuspos ang treatment centre ng Doctors Without Borders sa sobrang dami ng nangangailangan ng lunas.
"Hindi mabata ang sitwasyon," kuwento ni Dr. Mashako, na bagong doktor pa lamang noon. “Nagsisimula ang mga konsultasyon sa pagsikat ng araw, at gabi na kami natatapos. Napakaraming pasyente.”
Upang maparami ang mabibigyan ng pangangalaga at lunas, sinuportahan ng Doctors Without Borders ang ibang mga sentrong pangkalusugan at mga ospital sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng screening test, gamot at pangangalaga. Sa Kinshasa pa lang ay halos 30 pasilidad pangkalusugan na ang nakinabang sa suportang binigay ng Doctors Without Borders nitong nakaraang dalawang dekada.
Itinaguyod din ng aming mga team ang isang pilot model of care o ehemplo ng pangangalaga na maaaring sundan ng iba. Sa modelong ito, pinahihintulutan ang mga nars na magtakda ng paggamot at sundan ang mga kaso ng nagpositibo sa HIV. Mahalaga ito dahil iilang doktor lang sa bawat probinsiya ang pinapayagang gumawa nito.
Matagal na'ng nagsasanay sa mga health professional ang Doctors Without Borders' Kabinda Hospital Center. Bawat taon, 15 na Congolese na doktor ang tinatanggap ang para sa isang buwan ng pagsasanay sa espesyalisasyon. Mula noong 2013, nag-oorganisa rin ang Doctors Without Borders ng taunang klinikal training sa advanced HIV at tuberculosis para sa mga doktor at nars. 145 na health professionals na ang lumahok. DR Congo, 2017. © Kris Pannecoucke
Sa loob ng 20 taon, ang suportang ito’y nakatulong sa pagsasanay ng napakaraming mga health worker, at sa halos 19,000 na pasyenteng nakatatanggap ng libreng ARV treatment sa Kinshasa.
"Bagama’t lubhang kailangan ang suportang medikal, hindi ito sapat," sabi ni Dr. Mashako. "Kailangan naming tiyakin na di magsisiksikan sa mga pasilidad pangkalusugan habang binibigyang daan ang mga pasyenteng makakuha ng lunas. Ito ang dahilan kaya kami nakipagtulungan sa mga iba’t ibang patients’ associations upang ilunsad ang ARV distribution posts, na direktang pinangangasiwaan ng mga pasyente."
Si Clarisse ang isa sa mga nagbunsod ng paglulunsad ng mga community-based distribution post, na kilala sa tawag na "PODI" sa DRC.
"Noong inilunsad ang unang dalawang post sa Kinshasa noong 2010, wala pang 20 ang mga pasyenteng nabibigyang-lunas nito," alala ni Clarisse. "Ngayon, may 17 PODIs sa walong probinsiya, at mahigit 10,000 pasyente ang pumupunta roon upang kumuha ng mga gamot."
Dahil sa tagumpay ng pamamaraang ito’y ginamit din ito para sa pambansang stratehiya o plano kaugnay ng HIV/AIDS.
Sinasalamin ng advanced HIV ang mga malalaking puwang
Malaki ang iniunlad ng pakikibaka ng DRC sa HIV/AIDS, at malayo na ang kasalukuyang sitwasyon sa kalagayan nila noong 2002: higit na marami na ang nabibigyang lunas at nitong nakaraang sampung taon, ang bilang ng mga bagong kaso ay kalahati na lang ng unang bilang.
Gayunpaman, ang mga ginagawa ng Doctors Without Borders sa bansa’y palaging napapalibutan ng kakulangan ng mga kinakailangang pambansang at pandaigdigang resources para magtagumpay laban sa HIV/AIDS at tiyaking ang lahat ay maaaring mabigyang-lunas at pangangalaga.
Nang itinayo namin ang isang inpatient unit noong 2008 para sa pangangalaga ng mga mayroong advanced HIV, hindi namin inakala na pagkatapos ng mahigit isang dekada’y puno pa rin ito ng mga pasyente. Sa mga nagdaang taon ay dinoble namin ang kapasidad nito, pero kailangan pa rin naming magtayo ng mga tolda upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga pasyente. Sa mga ganitong pangyayari natin nakikita ang mga matitinding hamon sa laban kontra HIV/AIDS sa DRC.Dr. Maria Mashako, Medical Coordinator
Mula nang ito’y nagbukas, mahigit 21,000 na pasyente na ang tinanggap sa advanced HIV care unit ng Doctors Without Borders sa Kinshasa.
"Ayon sa UNAIDS, noong 2021, itinatayang may ika-limang bahagi ng 540,000 na indibidwal na nabubuhay nang may HIV sa DRC ay walang paraan upang makapagpagamot, at 14,000 na tao na ang namatay sa bansa dahil sa HIV," sabi ni Dr. Mashako. "Bilang isang doktor, nadismaya ako sa walang saysay na pagkawala ng napakaraming buhay."
Ang pagbunsod ng aksyon ay mahalaga at kagyat na pangangailangan
Sa kabuuan, ang DRC ay umaasa lamang sa tulong na ibinibigay ng mga international donor sa kanilang pakikibaka sa HIV/AIDS. Ngunit di ito sapat upang maharap nila ang matitinding hamon.
"Ito ay isang realidad na ilang taon na naming binabatikos," sabi ni Dr. Mashako. "Ang kakulangan ng inilalaang pondo ang dahilan ng kakulangan ng libreng boluntaryong testing, ng kakulangan ng pagsasanay para sa mga nagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan, ang palagiang kakulangan ng gamot, at ng di-pantay pantay na serbisyong makukuha kaugnay ng HIV sa iba’t ibang probinsiya."
Sina Jean at Angelique ay parehong naospital sa Kabinda Hospital Center (CHK). Tulad ng higit sa 80% ng mga pasyenteng na-admit sa pasilidad na ito ng Doctors Without Borders na dalubhasa sa advanced na pangangalaga sa HIV, nagawa ng mag-asawang ito na lumabas sa pintuan, at muling napatunayan na ang advanced na HIV ay hindi kasingkahulugan ng kamatayan. Sa kasamaang palad, marami pa ring pagkukulang sa DRC pagdating sa paggamot sa mga pasyente sa mga advanced stages ng HIV, lalo na dahil sa kakulangan ng pondo. DR Congo, 2017. © Kris Pannecoucke
Ayon sa Congolese National AIDS Control Programme, tatlong probinsiya lang ang may sapat at angkop na kagamitan upang masukat ang viral load ng isang pasyente. Ito ang susi upang mapag-aralan ang ebolusyon ng impeksyon at ang bisa ng mga gamot. Ang mga naging sagabal sa pakikibaka sa HIV/AIDS ay nakumpirma nitong mga nakaraang taon. Halimbawa, ang mga aktibidad--tulad ng pagsasagawa ng testing sa mga nagdadalantao at pagbibigay sa kanila ng gamot--na naglalayong bawasan ang mga pangyayari kung saan naipapasa ng nanay sa kanyang anak ang HIV, ay di na gaanong ginagawa. Isang-kapat ng mga anak ng mga babaeng nagpositibo para sa HIV ay di makakuha ng paediatric prophylaxis sa kanilang kapanganakan, at kabilang sa mga dahilan nito’y ang kakulangan ng paediatric ARV. At dalawang-katlo ng mga batang nabubuhay nang may HIV ay hindi nakatatanggap ng ARV treatment.
"Hindi mapupuksa ang HIV sa DRC kung di pag-iibayuhin ng mga stakeholders ang kanilang mga pagkilos," sabi ni Dr. Mashako. "Kung mayroon lang akong isang kahilingan, iyon ay sa loob ng dalawampung taon, hindi na kakailanganin ang Doctors Without Borders dito upang gamutin ang pagkarami-raming pasyenteng may HIV."
Ngayong 2022, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang Ministry of Health sa kanilang pagbibigay ng pangangalaga at serbisyo para sa mga nabubuhay nang may HIV/AIDS sa Kinshasa at sa anim na probinsiya sa DRC (North Kivu, South Kivu, Maniema, Ituri, Kasai Oriental at sa Kongo Central). Ang suportang ito’y ipinapaabot sa pamamagitan ng tuwirang pangangalaga sa mga pasyente, pagsasanay ng mga tagapabigay ng pangangalagang pangkalusugan, at pagbibigay ng kinakailangang gamot at medical supplies.