Skip to main content

    Ethiopia: Ang mga tao sa rural Tigray ay apektado ng krisis at ng humanitarian neglect

    Translator Tedros gives instructions to women waiting with their children for a medical consultation at a mobile clinic in the village of Adiftaw, in the northern Ethiopian region of Tigray.

    Ang tagasalin ng Doctors Without Borders na si Tedros ay nagbibigay ng mga tagubilin sa mga babaeng naghihintay kasama ang kanilang mga anak para sa isang konsultasyong medikal sa isang mobile clinic sa nayon ng Adiftaw, sa hilagang rehiyon ng Tigray sa Ethiopia. © Igor G. Barbero/MSF

    Nang nakarating ang isang maliit na Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) mobile team sa Adiftaw sa kauna-unahang pagkakataon sa kalagitnaan ng Marso, nakita nila na nanakawan ang health post at may nasirang bahagi nito. Ang mga medical files, sirang kagamitan at mga pinunit na pakete ng gamot ay nakakalat sa sahig ng bawat silid. Walang kutson ang mga kama, at walang medical staff doon.  

    Ang Adiftaw ay isang pamayanan sa rehiyon ng Tigray sa Ethiopia. Tatlong oras ang layo nito mula sa hilaga ng Axum at ang daanan ay bulubundukin at mabato.

    Sa bawat pagpunta nila sa isang bagong lugar sa Tigray, paulit-ulit lang ang nararanasan ng team mula silangan hanggang kanluran, mula hilaga hanggang timog.

    A damaged room in the health post at Adiftaw, northern Ethiopian region of Tigray

    Isang nasirang silid sa health centre sa Adiftaw, isang nayon sa rehiyon ng Tigray, Ethiopia, na nasalanta. Matatagpuan ito tatlong oras sa hilaga ng Axum, sa isang lugar na maraming burol at di sementado ang mga kalsada. Masisilayan ang mga dalisdis ng Eritrea na ilang kilometro ang layo. Noong unang nakarating ang Doctors Without Borders mobile team sa Adiftaw noong kalagitnaan ng Marso, natagpuan nila ang health post na nanakawan at bahagyang nawasak. Ang mga medikal na file, sirang kagamitan at punit na mga pakete ng gamot ay kinalat sa sahig ng bawat silid. Tinanggal sa mga kama ang may kutson at walang mga kawani ng medikal na naroroon. © Igor G. Barbero/MSF

    Mula pa noong Nobyembre, ang 10,000 taong nakatira sa Adiftaw at sa paligid nito ay hindi na nakapagpatingin sa doktor o naisasangguni sa mga ospital para sa pangangalaga ng espesyalista. Matapos malinisan ng Doctors Without Borders team ang health post at magbukas ng pansamantalang mobile clinic, dose-dosenang tao ang dumating mula sa iba’t ibang direksyon. 

    Karamihan sa kanila ay mga nanay na may bitbit na anak sa kanilang likod. Pero mayroon din namang iba. May mga kabataang tulong-tulong na ipinasok ang isang silya kung saan nakaupo ang isang matandang lalaking may malaria. Ang silya ay nakakabit sa stretcher na ginawa lang nila. May mga ilang matatandang babae rin na sumasakit ang katawan dahil sa chronic conditions. Pero hindi lahat ay nakakuha ng kinakailangan nilang tulong. Ang medical staff ay nakatuon sa mga bata, nagdadalang-tao at mga taong nangangailangan ng emergency care.

    Mga isang oras pagkatapos simulan ang triage, kailangang ianunsyo ng Doctors Without Borders staff na hindi na sila makatatanggap ng mga pasyente sa araw na iyon, dahil ang mga medics ay wala nang kapasidad na magdagdag pa ng titingnan sa loob ng tatlong oras na nakalaan para sa konsultasyon. 

    (Ang oras ng pagtatrabaho ng isang mobile clinic ay maaaring magkakaiba. Sa kasong ito, maikli ang oras dahil sa layo ng biyahe at sa limitasyon ng mga oras ng curfew sa Tigray.)

    Mobile clinic in the village of Adiftaw, Ethiopia

    Naghahanda ang Doctors Without Borders mobile team ng mobile clinic sa nayon ng Adiftaw, hilagang rehiyon ng Tigray ng Ethiopia, malapit sa hangganan ng Eritrea. © Igor G. Barbero/MSF

    Malubhang epekto ng karahasan

    Ayon sa mga nakatatanda sa komunidad, bukod sa pangangailangang pangkalusugan, kailangan ding pagtuunan ng pansin ang mga tao rito na lubhang naapektuhan ng karahasan. May ilang mga sakahan na okupado pa rin ng mga sundalo. Ang gilingan ng pamayanan ay di gumagana at sira ang kanilang pinagkukunan ng tubig, matapos sinadyang barilin ang mga water pump. Dahil dito, kailangang maglakad nang ilang oras ang mga residente para mag-igib mula sa ilog ng tubig, na ayon sa kanila’y nagiging sanhi ng mga sakit gaya ng diarrhoea. 

    Noong bumisita ang Doctors Without Borders team, mahigit sa 100 na bahay ang nasunog o nasira dahil sa shelling at iba pang karahasan, at marami sa nakatira roon ay namatay o nawawala, at ang ilan sa kanila’y pinaniniwalaang nagtatago sa kabundukan. Nitong mga nakalipas na linggo, may mga residenteng bumalik para lang makita na ang kanilang bahay ay natupok na. Ang mga taong mula sa ibang bahagi ng Tigray, tulad ng Humera at Sheraro sa kanlurang bahagi ng rehiyon, ay lumipat na doon pagkatapos nilang mapuwersang tumakas mula sa kanilang mga tahanan.

    Noong dumating kami sa Tigray noong huling bahagi ng 2020, nakita namin na ang sistemang pangkalusugan ay halos nakalugmok na. Pagkatapos naming simulan ang pagsusuporta sa mga ospital sa malalaking bayan tulad ng Adigrat, Axum at Shire, naging mahalaga rin na maabot namin ang mga mas liblib na lugar kung saan mas malaki ang mga pangangailangan ng mga tao.
    Tommaso Santo, emergency coordinator

    Nitong mga nakaraang buwan, unti-unting pinalalawak ng Doctors Without Borders emergency teams ang sakop ng kanilang mga aktibidad sa mga lugar na nasa labas ng Tigray. Sa ngayon, regular na nagpapatakbo ng mobile clinics ang Doctors Without Borders sa 50 na magkakaibang lokasyon.

    “Tuwing makakakuha kami ng access sa isang bagong lugar, nagpapadala muna kami ng maliit na team na makapagbibigay ng kaunting serbisyong medikal,” sabi ni Santo. “May mga taong walang access sa tubig na maiinom at sa pinamimigay na pagkain. Dahil sa sarado ang mga palengke, karamihan sa kanila ay hindi makapagtinda o makapagnegosyo. Marami sa kanila ay nabubuhay nang may pangamba dahil sa sitwasyong walang katiyakan.”

    People from Adiftaw waiting for a consultation at the Doctors Without Borders mobile clinic

    Nakapila ang mga babae kasama ang kanilang mga anak, naghihintay ng konsultasyong medikal sa mobile clinic ng Doctors Without Borders sa nayon ng Adiftaw, sa hilagang rehiyon ng Tigray ng Ethiopia. © Igor G. Barbero/MSF

    Nakakita ang Doctors Without Borders teams ng mataas na bilang ng mga nagdadalang-tao na nakararanas ng kumplikasyong medikal. Ang ilan sa kanila ay malnourished, ito’y maaring maging dahilan na sila’y magkasakit o mamatay habang buntis o nanganganak. Bagama’t ang child malnutrition ay nag-iiba-iba sa bawat lugar, tumataas ang bilang ng kaso ng moderate acute malnutrition sa Tigray nitong mga nakaraang buwan, sabi ni Santo, dahil sa pagbaba ng kalidad at dami ng pagkaing maari nilang makuha. Karamihan sa mga pamilya ay nabubuhay nang isang beses lang kumakain sa isang araw, at kadalasan pa’y tinapay lang.

    Ang ibang mga lugar, tulad ng mga nasa labas ng siyudad ng Shire at sa Sheraro, ay may mga kaso ng severe acute malnutrition na mas mataas ang bilang kaysa emergency threshold. Ngayong malapit nang magsimula ang tag-ulan, ang itinatayang mangyayari sa mga susunod na buwan ay hindi kaaya-aya, dahil ang mga bukid ay hindi mapuntahan ng mga magsasaka dahil sa mga sagupaan o di kaya nama’y wala silang kakayahang magtanim.  

    consultations on pregnant women, children, emergency cases, Adiftaw, in the northern Ethiopian region of Tigray

    Karga ng Doctors Without Borders staff member ang isang bata habang ang nanay ay tinitimbang sa mobile clinic sa nayon ng Adiftaw, sa hilagang rehiyon ng Tigray sa Ethiopia. © Igor G. Barbero/MSF

    Ang mga dating gumaganang rural clinics ay sira-sira na ngayon 

    Bago nagkaroon ng alitan, ang Tigray ay mayroong sistemang pangkalusugan na maayos at may sapat na kagamitan. Isa ito sa pinakamahusay sa Ethiopia. Tinutugunan ng mga health centres at health posts sa mga rural areas ang mga pangunahing pangangailangan ng mga tao, at konektado ang mga ito sa mga pangunahing ospital sa pamamagitan ng pulutong ng mga ambulansya na nagdadala sa mga pasyenteng nangangailangang magpagamot sa espesyalista.

    Isa sa mga rural health centre na ito ay nasa bayan ng Sebeya, malapit sa hangganang Eritrean, pero sa bandang silangan. Mula sa labas, kahanga-hanga ang itsura ng building complex na ito, na nagsisilbing catchment area ng mga 17,600 na tao, dahil sa mga matatag na konkretong gusali nito, na may sapat na espasyo sa mga pagitan, at ilang demarcated areas.
     

    Mahuhusay ang mga serbisyo rito dati. Dito ko ipinanganak ang aking apat na anak. Kung ang health staff ay may di kayang gawin, ipapadala ka nila sa Adigrat. Hindi pa ako kinailangang pumunta roon, pero may ibang mga pasyenteng dinala roon ng ambulansya ng health centre.”
    Fatimah*, babae mula Sebeya

    Pagkatapos niyang sabihin ito’y makikita sa mukha niya ang pagkadismaya. Paano kasi, nawawala ang ambulansiya, at si Fatimah, na pitong buwan nang nagdadalang-tao, ay di maaaring manganak sa ika-limang pagkakataon sa health centre na ito. Habang naghihintay siya ng antenatal consultation sa mga Doctors Without Borders medics, ilang metro mula sa kanya ang delivery room ng health centre, kung saan dating nanganganak ang 40 hanggang 50 mga babae. Ngayon, ito’y giba-giba na.

    Sa kalagitnaan ng Nobyembre, habang naglalabanan, may mga rockets na tumama sa delivery room at sa isang gusali para sa administrasyon. Ang dalawang kama para sa mga nanganganak at ang radiant warmer para sa mga bagong panganak ay natabunan na ng mga alikabok, plaster at mga pira-pirasong kahoy. Nagkalat sa sahig ang mga papeles, mga sirang pressure gauges, mga putol-putol na kubyertos at maruruming damit. Tumatagos ang liwanag ng araw sa malaking butas sa pader at sa maraming maliliit na butas sa kisame.

    Sa bahay na lang nanganganak ang mga babae ngayon. Kahit na maayos ang panganganak, may panganib na mamatay ang sanggol. Ang mga tao naman na may chronic na kondisyon tulad ng HIV, TB o diabetes ay nahihirapan dahil sa naantala nilang pag-inom ng gamot. May mga batang namamatay dahil sa pulmonya at malnutrisyon.
    Solomon,* health worker
    Destroyed delivery room at the health centre in Sebeya, Tigray, Ethiopia

    Sinusuri ng isang kawani ng Doctors Without Borders ang delivery room ng health centre sa bayan ng Sebeya, sa hilagang rehiyon ng Tigray sa Ethiopia. Ang silid ay nasira sa simula ng salungatan, nang matamaan ito ng mga rocket. © Igor G. Barbero/MSF

    Mga pangamba at ang kawalan ng kabuhayan 

    Para sa mga residente ng Sebeya, ang pagbabalik ng kaunting serbisyong medikal sa pamamagitan ng mobile clinic ay maaari ituring na positibong hakbang, ngunit ito’y maliit lamang na patak sa isang dagat ng pangangailangan. Karamihan sa mga tao rito’y nawalan ng kabuhayan at ilang buwan nang nakararanas ng malulupit na kondisyon, kung hindi man ng tuwirang karahasan.

    Ako’y isang negosyante bago nagkaroon ng krisis. May tindahan ako noon kung saan nagbebenta ako ng kape, asukal, at mga kagamitang panglinis. Pero ngayon, nagsara na ito. Ninakawan ito pagkatapos naming umalis sa bayan upang magkubli sa nayon ng aking biyenan. Apat na buwan akong nagtago, at hanggang ngayon ay pansamantala lang akong naririto. Dati, masaya ang buhay ko at ang inaalala ko lang ay kung paano ko pauunlarin ang aking negosyo. Hindi sumagi sa aming isipan na maaapektuhan kami ng isang sagupaan. Hindi ko naisip na darating ang araw na wala akong makakain at kailangan ko pang magtago.
    Mariam*, pasyente

    Halos 300 konsultasyong medikal ang isinagawa sa Sebeya at Adiftaw noong mga araw na iyon ng Doctors Without Borders’s mobile clinic teams. Bukod sa sexual at reproductive health issues, ang mga pinakaraniwang kondisyong nakita namin, lalo na sa mga bata, ay ang malnutrisyon, pulmonya, diarrhoea at mga sakit sa balat. Ang lahat ng ito’y kaugnay ng kondisyon ng kanilang kapaligiran at ang kakulangan ng malinis na tubig. 

    Vaccinations and antenatal consultations in the health centre of Sebeya, Tigray, Ethiopia

    Binabaknahan ng isang Doctors Without Borders staff member ang bata sa mobile clinic sa health centre sa Sebeya, sa hilagang rehiyon ng Tigray sa Ethiopia. © Igor G. Barbero/MSF

    Hindi sapat na tulong sa labas ng mga bayan at siyudad

    “Sinusubukan naming bigyan ng prayoridad ang mga lugar kung saan kami dapat magpatuloy sa pagtugon,” sabi ni Santo. “Sinusubukan din naming dagdagan ang mga serbisyong aming ibibigay. Maaaring kasama rito ang family planning, antenatal consultations, pagbabakuna at iba pang serbisyo. Ang lahat ng ito’y ilang buwan nang hindi nila nakukuha.” 

    Malinaw ding may pangangailangan sa mga rural areas ng paggamot at pangangalaga para sa survivors ng karahasang sekswal, isa sa mga paulit-ulit na nangyayari dahil sa sagupaan. Nitong mga nakaraang buwan, ang mga ospital sa siyudad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ay nakakatanggap ng tumataas na bilang ng mga kababaihan na naghahanap ng tulong upang makayanan ang trauma ng kanilang mga naranasan at wakasan ang mga unwanted pregnancies.

    Marami pa ang kailangang gawin upang mapalawak ang access ng mga tao sa mga mahahalagang serbisyo. Bagama’t ang mga humanitarian organisations ay nagpadala ng mga teams sa Tigray, mula pa noong Pebrero, ang pagtugon sa mga mismong lugar ay lubhang limitado dahil nakatuon lang ito sa malalaking bayan. 

    “Kadalasan, walang natatanggap na tulong ang mga rural areas. Nitong mga nakaraang linggo, ang mga humanitarian organisations ay pinipigilang magkaroon ng access sa ibang lugar sa Tigray,” paliwanag ni Santo. “May kagyat na pangangailangan para sa karagdagang humanitarian assistance na mas malawak ang sakop.” 

    Sa kasalukuyan ang Doctors Without Borders ay magpapatakbo ng mga proyektong medikal sa mga siyudad at bayan sa Tigray tulad ng Adigrat, Axum, Adwa, Abi Adi, Shire, Sheraro, Humera at Dansha. Mula noong simula ng 2021, pinalawak ng Doctors Without Borders mobile teams ang kanilang mga aktibidad upang maabot ang rural towns, mga bulubunduking lugar, at mga bahagi ng rehiyon kung saan ang sistemang pangkalusugan ay di gumagana. 

    Nitong mga nakaraang buwan, binisita ng Doctors Without Borders mobile teams ang mahigit isandaang lugar kung saan sila’y nagpatakbo ng pansamantalang mobile clinics, nagbigay ng mga supplies sa mga health centres na nanakawan, at nagsanay ng mga health staff. 

    May mga rural areas pa rin sa Tigray na hindi naaabot ng Doctors Without Borders, o ng kahit anong organisasyon. Ipinagpapalagay ng Doctors Without Borders na ang mga taong nakatira sa lugar na ito ay walang access sa pangangalagang pangkalusugan. 

    *Pinalitan ang mga pangalan para mapanatili ang kanilang anonymity

    Categories