Ethiopia: “Pumihit ako at nagsimulang tumakbo, at sa sandaling iyon, binaril ako.”
Ang syudad ng Adwa, sa kalgitnaan ng Tigray, hilagang Ethiopia. © Igor Barbero/MSF
Ito ay ayon sa mga sugatang pasyenteng ginagamot ng Doctors Without Borders. Dalawampung sugatan ang dinala sa Kidane Meheret Hospital ng Adwa. Labindalawa sa kanila ay kritikal ang mga tinamong sugat, kaya’t inilipat sa ospital sa di-kalayuang bayan ng Axum. Ang dalawang ospital ay suportado ng Doctors Without Borders.
Ayon sa mga pasyente, tuloy-tuloy ang pamamaril ng mga sundalo sa iba’t ibang direksyon nang walang pinipiling puntiryahin. Isa sa mga nabaril ay isang tatlumpung taong gulang na tagalinis ng sapatos sa istasyon ng bus sa Adwa.
“Nang nagbukas ako ng puwesto noong umagang iyon, may narinig akong mga usap-usapan na may mga sundalong padating. Ilang beses ko nang narinig ang gano’ng bali-balita, pero wala namang nangyayari, kaya’t di ako umalis. Tapos, bigla na lang may mabilis na padating na trak ng militar. Isang bajaj* na galing sa kabila ng kalye ang humarang sa daan. Agad na nagsimula ang mga sundalong mamaril. Nagsigawan ang mga tao at nagtakbuhan sa iba’t ibang direksyon. Pumihit ako, at nagsimulang tumakbo. At sa sandaling iyon ay nabaril ako. Tatlong beses akong tinamaan sa likod, isa sa kanang balikat, at isa uli sa kaliwang kamay. Natumba ako. Mga sampung minuto pang nagpatuloy ang pamamaril. Pag-alis nila,may mga lumapit na sa akin upang tumulong. Narinig kong sinabi nila na may mga namatay. Tinulungan nila akong takpan ang mga tinamaan ng bala sa aking katawan, at pagkatapos ay sinakay ako sa isang bajaj na nagdala sa akin sa Kidane Meheret Hospital."
Isang 22 taong gulang na babae naman ang nagkuwento sa Doctors Without Borders staff na nabaril siya habang nasa biyahe kasama ang isa pang babae patungo sa palengke kung saan bibili sana siya ng dahon ng tsaa para sa kanyang tindahan.
“Nakasakay kami sa bajaj papuntang palengke nang marinig namin ang mga putukan. Wala akong makita at di ko malaman kung saan nangyayari ang pamamaril, nang bigla akong tinamaan sa kanang balikat. Iyong babaeng kasabay ko, tinamaan sa tiyan. Marami nang nawawalang dugo sa akin, buti na lang may dalawang lalaking tumulong sa akin at tinakpan ang sugat ko. Dinala nila ako sa Kidane Meheret Hospital. Di ko alam kung ano ang nangyari doon sa isang babae. Wala siya dito sa ospital.”
Isang 75 taong gulang na lalaki naman ang pauwi na noong narinig niya ang putukan mula sa istasyon ng bus, isang kaguluhang dala ng mga sundalong nakasuot ng uniform ng hukbong sandatahan ng Eritrea.
“Nakita ko ang tatlong sasakyang puno ng mga sundalo—mga sampu sa kanila ang nasa ibabaw—na papunta kung saan ako naroroon.Napakabilis ng mga pangyayari. Biglang may tama na ako. Bago nangyari iyon, ordinaryo lang naman ang umaga. Araw-araw akong dumadaan sa lugar na iyon; wala namang mga sundalong nagagawi roon dati. Namaril sila sa iba-ibang direksyon, at walang piniling tao. May nakita akong natumba at di na gumalaw.”
* traysikel
Ang walang pakundangang pamamaril ng mga tao, malayo sa frontline ng anumang armadong labanan, sa isang pampublikong lugar na nasa isang malaking bayan na tulad ng Adwa, sa oras kung kailan maraming tao, ay kagimbal-gimbal. Hinihimok namin ang lahat ng armadong grupo na sangkot sa hidwaang ito na protektahan at irespeto ang buhay ng mga tao.Maricarmen Viñoles, emergency unit