DRC: Pinatamaan ng mga putok ng baril ang himpilan ng Doctors Without Borders sa bayan ng Masisi, isang staff member ang nasa kritikal na kondisyon
Ang pagdaloy ng mga taong nawalan ng tirahan sa Masisi General Referral Hospital, na sinusuportahan ng Doctors Without Borders. Ang mga tao ay tumatakas mula sa mga labanan ng mga taong nag-aaway away sa teritoryo ng Masisi. Democratic Republic of Congo, Enero 2025. © MSF
Isang miyembro ng staff ng pandaigdigang organisasyong medikal na Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon matapos tamaan ng mga putok ng baril ang himpilan ng Doctors Without Borders sa bayan ng Masisi, sa lalawigan ng North Kivu sa Democratic Republic of Congo noong umaga ng Pebrero 20. Isang batang nagpunta sa Doctors Without Borders compound kasama ang kanyang pamilya ay nasugatan dahil sa pamamaril. Mariin na kinokondena ng Doctors Without Borders ang pamamaril, na sumasalungat sa prinsipyo ng pagprotekta sa mga aid worker at sa mga pasilidad na humanitarian sa panahon ng digmaan.
"Nitong umaga lang, isa sa aming mga kasamahan na nasa himpilan ng Doctors Without Borders sa Masisi ay lubhang nasaktan dahil sa isa sa maraming balang tumama sa aming paligid nitong mga nakaraang linggo,” sabi ni Stephan Goetghebuer, ang Head of Programmes. “Sa kasamaang palad, nalagay sa panganib ang kanyang buhay. Dahil din sa pamamaril, isang bata na sumilong sa aming himpilan ay nagtamo ng kaunting pinsala dahil sa isang bala."
Simula noong umpisa ng Enero, ang lugar sa loob at paligid ng bayan ng Masisi sa timog na bahagi ng lalawigan ng North Kivu ay halos araw-araw na kakikitaan ng mga labanan ng mga mandirigma ng VDP/Wazalendo (mga kakampi ng Congolese army) at ng M23/Alliance Fleuve Congo (AFC). Ang mga labanang ito ay nauwi sa pagdating ng maraming sugatan – karamihan sa kanila’y mga sibilyan – sa Masisi General Referral Hospital, na sinusuportahan ng Doctors Without Borders, habang libo-libong tao naman ang naghanap ng kaligtasan sa himpilan ng Doctors Without Borders at sa hospital compound.
"Noong Huwebes, isang matinding labanan kung saan malalakas na armas ang ginamit ang naganap sa mismong bayan na kontrolado ng M23/AFC mula pa noong kalagitnaan ng Enero," sabi ni Goetghebuer. "Ang labanan ay naganap sa pagitan ng himpilan ng Doctors Without Borders at sa pamilihan sa harap ng ospital, kung saan libo-libong tao ang ilang araw nang namamalagi.”
Mariin naming kinokondena ang pinakahuling insidente ng karahasan, na tuwirang nakaapekto sa pasilidad humanitarian na dapat ay pinoprotektahan mula sa pamamaril.Stephan Goetghebuer, Head of Programmes
Mula noong nag-umpisa ang Enero, ang Masisi Hospital, ang himpilan ng Doctors Without Borders at ang paligid nito ay pinangyarihan ng ilang seryosong insidente.
Noong Enero 16, dalawang sibilyan ang binaril sa harap ng Masisi Hospital; isa ang napatay. Noong Enero 19, ang ospital at ang himpilan ng Doctors Without Borders ay pinatamaan ng bala, at dalawang Doctors Without Borders staff ang nagtamo ng pinsala nang may rocket na tumama sa garahe ng Doctors Without Borders sa tabi ng ospital. Noong Enero 28, isang babae ang nabaril at napatay sa mga labanang naganap sa pagitan ng himpilan ng Doctors Without Borders at ng opisina ng Doctors Without Borders sa di kalayuan. Noong Pebrero 16, isang staff ng Ministry of Health ang nasugatan ng isang ligaw na bala na nakalusot papasok sa ospital.
"Ang mga marahas at paulit-ulit na insidenteng ito ay hindi katanggap-tanggap," sabi ni Goetghebuer. "Sa kabila ng paulit-ulit naming pag-apela sa mga magkalabang panig na protektahan ang mga humanitarian at pangkalusugang pasilidad, ang kaligtasan ng mga pasyente at mga medical at humanitarian staff ay malinaw na hindi nila isinasaalang-alang. Ang batas humanitarian ay hindi nila iginagalang. Kailangang tigilan nila ito.”
Ang Masisi Hospital, na sinusuportahan ng Doctors Without Borders mula noong 2007, ay tumanggap ng dose-dosenang sugatan dahil sa digmaan nitong mga nakaraang araw. Dahil sa mga paulit-ulit na insidente ng karahasan na nakaaapekto sa ginagawa ng Doctors Without Borders sa bayan ng Masisi, pinag-aaralan ngayon ng organisasyon kung paano nila gagawing akma ang kanilang mga aktibidad sa rehiyon kung saan ang mga medikal at humanitarian na pangangailangan ng mga tao ay napakalaki.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.
Related articles