DRC: Pagkatapos ng ilang linggo ng karahasan, kailangan ng tulong ng mga taong umaalis at nananatili sa Goma
Sa kampo ng Bulengo na katabi ng Goma, kung saan nakatira ang mga taong nawalan ng tirahan sa kanilang sariling bayan, napakarami sa kanila ang umaalis sa kampo, habang ang iba nama’y nananatili dahil sa takot nilang lumabas. Democratic Republic of Congo, Pebrero 2025. © Daniel Buuma
Daan-daang libong mga taong nawalan ng tahanan at kasalukuyang naninirahan sa mga kampo sa loob at sa paligid ng siyudad ng Goma, sa probinsiya ng North Kivu ng Democratic Republic of Congo, ay sobrang naapektuhan ng matinding karahasan nitong nakaraang dalawang linggo. Marami sa kanila ang umaalis na sa mga kampo, ayon sa mga team ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF). Sa pagbilis ng paglisan ng mga tao sa kampo, nananawagan ang Doctors Without Borders na gawing boluntaryo ang paglikas ng mga tao at bigyan sila ng humanitarian assistance kung saan ito kinakailangan.
Mula noong humupa ang mga labanan sa Goma, at ngayong ang ibang bahagi ng rehiyon ay kontrolado na ng M23/AFC (Alliance Fleuve Congo), marami sa mga paggalaw ang naobserbahan sa mga kampo ng mga nawalan ng tirahan, at sa mga daan. May ilang mga kampo na mabilis na nawawalan ng mga tao, napakarami sa kanila ang pumupunta sa mga karatig-lugar, o di kaya’y bumabalik sa kanilang mga pinanggalingan. Naobserbahan din ng staff ng Doctors Without Borders ang pagpunta ng mga taong nawalan ng tahanan sa siyudad ng Goma, habang ang ilan sa mga nawalan ng tirahan sa mga kampong nawasak ay papunta na sa mga natitirang kampo sa kanluran ng Goma.
"Itong linggong ito, may ilang mga kampong halos nasimot sa loob lamang ng ilang oras," says Thierry Allafort-Duverger, Head of Doctors Without Borders Emergency Programmes in Goma.
“May mga taong umaalis na dala ang kanilang kaunting mga gamit. Hindi namin alam kung ano ang mga kondisyon sa kanilang paglalakbay pauwi sa kanilang mga tahanan, o kung ano ang maabutan nila roon. Ngunit ang mahalaga ay boluntaryo ang kanilang mga paggalaw, at ang mga kondisyon ng pagtanggap sa kanila ay ligtas," pagpapatuloy niya.
May iba’t ibang dahilan kaya umaalis ang mga tao sa kampo. Marami sa mga residente ang nagbabanggit ng mga kautusan para sa paglikas na ayon sa kanila’y bigay ng mga miyembro ng M23, samantalang ang iba naman ay nakatanggap ng mga opisyal na mga mensahe na salungat dito. Ang iba nama’y nais na umalis matapos ang ilang taon ng pamumuhay sa ilalim ng mga desperadong kondisyon. Ngunit may ilan naman sa kanila na pinipiling manatili sa mga kampo, dahil hindi sila tiyak sa mga kondisyon ng seguridad at kung ano ang maaari nilang maabutan sa kanilang tahanan.
Ang mga mensahe ay nananatiling nakalilito at hindi malinaw, ngunit ang tiyak ay ang pag-aalala ng mga tao, paikot-ikot sa mga usap-usapan at sa katotohanan. Ang mga pamilya ay lubhang mahina. Matindi ang pangangailangan ng humanitarian aid para sa mga aalis at para sa mga nananatili. Sa kasamaang-palad, nakikita namin na ang ilang mga NGO ay di makayang simulan muli ang kanilang mga aktibidad o di kaya’y sinuspindi ang kanilang mga serbisyo, at tinanggal na ang kanilang mga istruktura sa mga kampo.Thierry Allafort-Duverger,Emergency Head
Ang pagiging mahina ng populasyon at ang kanilang pangangailangang matulungan ay mailalarawan ng katotohanan na nitong mga nakaraang araw, nasaksihan ng mga team ng Doctors Without Borders ang ilang mga tao na naglalansag ng mga pasilidad na humanitarian at nangunguha ng kahit anong maaari nilang magamit: mga upuan, metal sheeting, tarpaulin, mga lubid at iba pa. May iba naman sa kanila ang nagsumikap na protektahan ang mga istruktura ng Doctors Without Borders mula sa pandarambong.
"Nangyari ito sa ilang mga lugar kung saan nagtatrabaho ang Doctors Without Borders gaya ng Lushagala, kung saan ang isang klinika ng Doctors Without Borders at ang isang cholera treatment centre ay naglaho sa loob lamang ng ilang oras noong Lunes," sabi ni Allafort.
Para sa mga taong umaalis sa mga kampo, inaalala ng Doctors Without Borders ang antas ng kanilang makukuhang serbisyong pangkalusugan kapag sila’y makabalik sa kanilang mga pinanggalingan. Pagkatapos ng ilang taon ng digmaan, maraming mga pasilidad ang ninakawan o inabandona. Hindi na magagamit ang mga ito upang makapagbigay ng sapat na pangangalagang medikal, ngayon man o sa pangmatagalan.
Iniiwan ng mga pamilya ang mga kampo ng Lushagala at Bulengo, pasan-pasan ang kanilang mga kagamitan sa kanilang mga likod o ulo. Ang ilan sa kanila’y naglalakad lamang, at sinasabi sa kanilang mga sarili na hindi naman malayo ang kanilang destinasyon, at mas mabuti pa iyon kaysa ang mamatay sa kampo. Democratic Republic of Congo, Pebrero 2025. © Daniel Buuma
Nitong nakaraang tatlong taon, ang mga kondisyon ng pamumuhay sa mga kampo sa paligid ng Goma ay desperado, at matatawag pa ngang nakakaiskandalo. Ngunit ang sitwasyon sa kanilang mga lugar na binabalikan ay malamang magdudulot din ng parehong antas ng pinsala kung ang mga NGO, ahensya ng UN at ang mga awtoridad ay hindi makapagbibigay ng mababang antas ng mga pangunahing serbisyo. Dapat garantiyahan ang mga organisasyong humanitarian ng access sa lahat ng lugar na babalikan, sabi ng Doctors Without Borders. Ang mga returnee ay dapat makakuha ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan, gaya ng suporta para sa mga survivor ng karahasang sekswal. Ang pagkabigo sa pagbibigay ng mga serbisyong ito ay maaaring makapagpalala sa mga pangangailangang pangkalusugan ng mga tao.
Upang matiyak ang kahit na pinakamababang antas ng pangangalagang pangkalusugan para sa mga taong nawalan ng tirahan sa mga lugar na kanilang babalikan, nagbukas ang Doctors Without Borders ng mga mobile clinic sa mga daan palabas sa Goma papuntang silangan at hilaga. Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagsasagawa ng mga pagtatasa sa lugar kung saan bumabalik ang mga tao.
Habang ang sitwasyon sa loob at sa paligid ng Goma ay mabilIs na nagbabago, ang mga team ng Doctors Without Borders ay patuloy na nagbibigay ng mahahalagang pagtulong sa mga taong nakatira pa rin sa mga kampo. Kabilang rito ang pagbibigay ng pangangalagang medikal, paggamot para sa malnutrisyon, paggamot sa cholera at ng pangalaga para sa mga survivor ng karahasang sekswal. Ang Doctors Without Borders ay namamahagi rin ng malinis na tubig at pagkain at nagpapatibay ng sanitasyon sa mga kampo. Samantala, ang mga medical team ng Doctors Without Borders sa Kyeshero at Virunga Hospital sa Goma ay nangangalaga para sa mga taong nasugatan dahil sa karahasan.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.
Related articles