Bagong International President ng Doctors Without Borders (MSF) na si Dr. Javid Abdelmoneim, nagsimula na sa kanyang panunungkulan
SI Dr. Javid Abdelmoneim sa Aquarius, isang barkong pang search and rescue, nung 2016. Central Mediterranean Sea, July 2016 © Alva Simpson White/MSF
3 Setyembre 2025, Geneva – Napili ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) si Dr. Mohamed Javid Abdelmoneim upang maging bagong International President ng organisasyon. Sinimulan na niya ang kanyang tatlong taong termino pagkatapos siyang mahalal ng mga kinatawan ng pinakamataas na lupong tagapamahala ng Doctors Without Borders, ang International General Assembly, na idinaos noong Hunyo 27 sa Colombo, Sri Lanka.
Si Dr. Javid ay isang Sudanese Iranian emergency medicine doctor na may malawak na karanasan sa National Health Service ng United Kingdom at sa Doctors Without Borders. Ipinanganak sa Cambridge, UK, nagtapos siya ng medisina sa University College London. Mayroon din siyang diploma mula sa London School of Hygiene and Tropical Medicine, at siya rin ay Fellow ng Royal College of Physicians.
Naging bahagi siya ng Doctors Without Borders noong Setyembre 2009 bilang isang emergency doctor sa Basra, Iraq. Pagkatapos noon, ginampanan niya ang mga responsibilidad na medikal, at tinupad ang mga gawain kaugnay ng pagsasaayos ng mga programa ng Doctors Without Borders sa Haiti, Ethiopia, South Sudan, Syria, Chad, Ukraine, UK, sa Mediterranean search and rescue, at sa Sierra Leone, West Africa noong panahon ng epidemya ng Ebola. Ang mga pinakahuling tungkulin niya sa Doctors Without Borders ay ang pagiging medical team leader sa Gaza, Palestine, at sa Omdurman, Sudan, hanggang noong Pebrero ng taong ito.
Nanilbihan din si Dr. Javid sa board ng Doctors Without Borders sa UK mula Mayo 2015, at hinirang na presidente nito noong 2017, isang posisyong kanyang hinawakan hanggang sa taong 2021.
Dr Javid Abdelmoneim, International President ng Doctors Without Borders. Geneva, Switzerland, Setyembre 2025 © Pierre-Yves Bernard/MSF
Bukod sa kanyang mga gawaing humanitarian at medikal, si Dr. Javid ay isa ring batikang tagapagtanghal sa telebisyon. Nakakuha siya ng nominasyon sa Emmy at sa BAFTA Awards para sa kanyang pagtatanghal sa dokumentaryong pang-agham at sa isang seryeng pangtelebisyon ukol sa kalusugan na ipinalabas sa Netflix, BBC, HBO, Channel 4, at sa Al Jazeera English.
“Binabati namin si Javid sa kanyang pagkakahalal at malugod namin siyang tinatanggap sa kanyang pagsisimula bilang International President,” sabi ni Christopher Lockyear, ang Secretary General ng Doctors Without Borders International. “Ang kanyang malawak na karanasang medikal at humanitarian, at ang kanyang mga kasanayan bilang dalubhasang tagapagsalita sa publiko, ay magagamit niya nang husto sa pagiging kinatawan ng Doctors Without Borders at upang pamunuan ang aming mga pagkilos sa susunod na tatlong taon.”
Si Dr. Javid ang hahalili kay Dr. Christos Christou, na kakatapos lang ng ikalawa sa pinahihintulutang dalawang termino ng panunungkulan bilang International President ng Doctors Without Borders, isang posisyong kanyang hinawakan simula noong Setyembre 2019.
“Kahanga-hanga ang serbisyong ibinigay ni Christos bilang International President ng Doctors Without Borders, at ang kanyang walang kapagurang paninindigan sa loob ng anim na kadalasa’y mapaghamong taon,” sabi ni Lockyear. “Tinupad niya ang kanyang tungkulin at naging kinatawan ng Doctors Without Borders na may walang humpay na dedikasyon sa sangkatauhan, at nagtawag-pansin sa ilan sa mga napabayaang krisis sa mundo."