Skip to main content
    Ukraine Re-taken Areas (2)

    Between enemy lines

    Ang pagkasira ng mga pasilidad pangkalusugan sa Ukraine

    Isiniwalat ng pandaigdigang organisasyong medikal at humanitarian na Médecins Sans Frontières/Doctors Without Borders (MSF) ang matindi at malawakang pagkasira ng mga pasilidad pangkalusugan sa Ukraine, at ang mga malalaking balakid sa pangangalagang medikal sa ilalim ng pananakop ng mga Ruso. 

    Inuudyukan ng Doctors Without Borders ang lahat ng mga grupong magkatunggali na kumilos ayon sa pandaigdigang batas na humanitarian, tuparin ang kanilang mga obligasyong protektahan ang mga sibilyan at ang mga istrukturang sibilyan at tiyaking walang balakid sa pagkuha ng mga gamot na makakasagip ng buhay at medical supplies ang mga taong nangangailangan nito. 

    Kasunod ng paglala ng digmaan noong Pebrero 2022, tinasa ng mga MSF team ang mga pangangailangang medikal at humanitarian ng mga tao mula sa 161 na bayan at barangay sa mga rehiyon ng Donetsk at Kherson upang makapagbigay ng medical assistance sa mga nakatira malapit sa mga frontline. Kahit na may mga humihingi ng tulong mula sa magkabilang panig, maaari lang kaming kumilos sa mga lugar na nasa ilalim ng pamumuno ng Ukraine at limitado ang aming obserbasyon sa mga nasabing lugar. 

    Nasaksihan ng aming mga team kung paanong napulbos ang mga tirahan, tindahan, palaruan, mga paaralan, at mga ospital. Sa ilang mga bayan at barangay kung saan kami nagtatrabaho, malawakan ang pagkasira. May ilang bahagi ng 1,000 na kilometro na frontline sa Ukraine ang natanggal na sa mapa.
    Christopher Stokes, Head of Programmes

    Hindi ligtas ang mga ospital

    Sa kalagitnaan ng 2022, nasaksihan ng mga medical worker ng Doctors Without Borders ang pagsalakay sa mga imprastraktura para sa pangangalagang pangkalusugan. Sa dalawang magkahiwalay na insidente, sa Mikolaiv noong Abril at sa Apostolove noong Hunyo, nasaksihan nila ang epekto ng mga cluster munition sa mga ospital. Dahil dito, naaantala ang mga gawaing medikal nang ilang araw, kung kaya’t napagkaitan ng pangangalagang medikal ang mga pasyente. Sa tatlong magkakaibang pagkakataon naman noong Oktubre 8,11 at 15, 2022, natuklasan ng mga MSF team na may mga landmine sa loob ng mga ospital sa mga lugar na dating nasa ilalim ng mga Ruso sa mga rehiyon ng Kherson, Donetsk at sa Izyum.

    "Malawakan ang paggamit ng mga landmine sa mga frontline, ngunit nakagigimbal ang makita ang mga ito sa loob ng mga pasilidad medikal. Isa itong kapuna-punang pagkilos na hindi makatao. Naghahatid ito ng isang malinaw na mensahe sa mga naghahanap ng gamot o lunas: hindi ligtas ang mga ospital," sabi ni Vincenzo Porpiglia, Project Coordinator ng Doctors Without Borders sa rehiyon ng Donetsk.

    Natuklasan din ng mga medical team ng Doctors Without Borders na nagkaroon ng pandarambong sa ilang pasilidad medikal sa mga lugar na dating okupado ng Russia sa mga rehiyon ng Kherson at Donetsk. Mayroon ding mga sasakyang medikal, gaya ng mga ambulansiya, na winasak. Sa loob ng dalawa sa mga pasilidad na ito’y may nahanap silang mga sandata at mga pampasabog.

    Ukraine re-taken areas

    Nasirang ospital sa Lyman, Donetsk Oblast. © Colin Delfosse/MSF

    Pangangalagang pangkalusugan sa ilalim ng pananakop

    Ayon sa mga health care worker at pasyenteng nakaranas ng buhay sa ilalim ng pananakop ng mga Ruso, matindi ang paghihigpit sa pagkuha ng mga kinakailangang medisina, paggamot, o access sa mga pasilidad medikal. Lumabas din ito sa mga ipinahayag sa mga medical record ng Doctors Without Borders ayon sa 11,000 na konsultasyong naganap mula Nobyembre 2022 hanggang Pebrero 2023. Madalas, kailangang gamutin ng mga Doctors Without Borders medical team ang mga chronic na kondisyon na hindi nabigyang lunas nang ilang buwan.

    Ayon sa aming mga pasyente, hindi nakakuha ang mga tao ng pangangalagang pangkalusugan dahil sa mga paghihigpit sa paglakbay, malawakang pagkasira ng mga pasilidad pangkalusugan, o bilang resulta ng hindi matantiyang asal ng ilang Ruso. Dagdag pa ng mga pasyente, ninakawan ang mga natirang pasilidad medikal at botika, at walang sistematikong pagtiyak ang mga mananakop na hindi mauubusan ng supply ng gamot. Ang resulta ng mga panayam ay umaayon sa medical diagnosis ng  karamihan sa mga pasyente ng Doctors Without Borders na nagpapakitang hindi sila nagamot nang ilang buwan.

    Nais ipaalala ng Doctors Without Borders sa mga grupong magkalaban ang kanilang mga obligasyong protektahan ang mga sibilyan at mga imprastrakturang sibilyan. Kailanma’y hindi dapat puntiryahin ang mga ospital at iba pang pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan. Kailangan din nilang pahintulutan ang pagkuha ng mga gamot na makasasagip ng buhay, mga medical supply at magbigay ng ligtas at walang balakid na daan sa independent humanitarian assistance para sa mga nangangailangan.  

    Nagsimulang magtrabahao ang Doctors Without Borders sa Ukraine noong 1999. Noong ika-24 ng Pebrero 2022, malaki ang dinagdag namin at binago sa oryentasyon ng mga gawain namin upang matugunan ang mga pangangailangang bunga ng digmaan sa Ukraine. Sa kasalukuyan, kumikilos ang Doctors Without Borders sa Apostolove, Dnipro, Fastiv, Ivano-Frankivsk, Kharkiv, Konstiantynivka, Kropyvnytskyi, Kryyih Rih, Kyiv, Lviv, Lyman, Mykolaiv, Odessa, Pokrovsk, Sloviansk, Ternopil, Uzhhorod Zaporizhzhia, at Zhytomyr. Kasama sa mga serbisyong medikal na binibigay namin ay ang paggamot ng tuberculosis, emergency surgery, paggamot sa mga biktima ng karahasang sekswal, physiotherapy at mga serbisyong kaugnay ng kalusugang pangkaisipan. Nagpapatakbo rin kami ng mga ambulansiya, at mga medical evacuation train na ginamit sa paglikas ng 2,558 na pasyente noong 2022 – 700 sa kanila ay may trauma injuries.