Skip to main content
    tuberculosis illustration

    TB: Nakakahawa pero nagagamot

    Pumunta sa pinakamalapit na health center upang malaman kung ikaw ay may TB. Pag maagang naagapan, mas mapapabilis din ang gamutan.

    Ano ang tuberculosis (TB)?

    Ang tuberculosis (TB) o minsan ay kilala bilang tama sa baga, ay isang nakakahawang sakit na dulot ng isang bakterya. Madalas itong nakaaapekto ng baga, ngunit posible rin nitong apketuhan ang iba’t-ibang bahagi ng katawan, tulad ng kulani, bato, buto  atbp.

    Ano ang TB

    Mahigit isang milyong Pilipino ay may sakit na TB, at pang-apat ang Pilipinas sa dami ng may TB sa buong mundo. Nagagamot ang sakit na TB, ngunit 70 Pilipino ang namamatay mula rito araw-araw. Karamihan sa mga nahahawaan ay walang nararamdamang sintomas at hindi alam na may sakit sila na TB.

    Subalit, ang TB ay nagagamot, at ito ay maaari ring maiwasan. 
     

    Mga Kadalasang Tanong Ukol sa TB

    Paano naipapasa ang TB?

    Tuwing ang taong may sakit ng TB at hindi naggagamutan ay umubo, dumura o bumahing, maaaring kumalat ang bakterya ng TB sa hangin. Nalalanghap ang hangin na ito ng ibang tao, pumapasok ang bakterya sa kanilang baga, at maaari silang magkasakit.

    May mga kondisyong maaaring mapataas ang panganib na mahawaan ng TB, tulad ng:

    • Diabetes (mataas ang sugar sa dugo)
    • Mahinang resistensya o immune system (hal. may HIV)
    • Malnutrisyon
    • Paninigarilyo

    Paninigarilyo

    Hindi nakukuha ang TB sa:

    • Paggamit ng kubyertos, kama, damit at iba pang gamit ng taong may TB
    • Paghawak o pakikipagkamay
    • Usok ng sigarilyo, alikabok, o polusyon
    • Pag-inom ng alak
    • Pagpupuyat
    • Paghiga sa malalamig at matitigas tulad ng semento o sahig

    Pakikipag hawak-kamay

    Tandaan: ang TB ay nakakahawa, hindi namamana. Ang maagang pagsusuri ay proteksyon sa iyo at inyong pamilya.

    Ano ang mga sintomas ng TB?

    Sintomas ng TB

    Ang mga karaniwang sintomas ng TB ay:

    • Ubo na abot o higit dalawang linggo
    • Lagnat na mas madalas tuwing hapon o gabi at abot o higit sa dalawang linggo
    • Hindi maipaliwanag na pagpapayat o pagbaba ng timbang
    • Matinding pagpapawis sa hapon o gabi

    Maliban dito, maaaring makaranas din ang taong may TB ng mga ibang sintomas tulad ng: pag-ubo ng plemang may bahid ng dugo, panghihina ng katawan, madaling pagkapagod, hingal o hapo, pananakit ng dibdib, kawalan ng gana kumain.

    Ang TB ay maaaring manatili sa katawan ng buwan o taon, at ang mga sintomas na ito ay maaaring dahan-dahang lumabas, mabagal ito umapekto sa isang tao at nagpapahirap sa mga regular na pang-araw-araw na gawain. Hindi napapansin ng mga tao na nagkakasakit na sila dahil nangyayari ito sa mahabang panahon.

    Ngunit marami ring taong may TB ay walang sintomas o hindi masama ang pakiramdam. Napag-aalaman lang na may sakit sila na TB kapag sila ay nagpasuri ng baga gamit ng x-ray o plema, kaya mahalagang magpa-screen kahit na mabuti ang iyong pakiramdam.

    Ang pag-alam na ikaw ay may TB bago magkaroon ng mga sintomas ay nangangahulugang agarang gamutan at paggaling. Ang paggamot para sa TB ay ligtas, mabisa at libre sa mga health center malapit sa inyo. Ang gamutan ay tumatagal ng anim na buwan, at pagkatapos nito ay isang maginhawang buhay na walang TB!

    Paano maiwasan ang pagkalat ng TB?

    Kahit na mabuti ang pakiramdam mo at walang kang sintomas, maaaring magpasuri para sa TB. Nalalaman lang ng ilang tao na mayroon silang TB kapag na-screen sila, at ang maagang pag-alam na may sakit sila ang unang hakbang para maiwasan ang paglala nito at pagkalat sa pamilya at komunidad.

    Kung ikaw ay may mga sintomas tulad ng matagal na ubo, lagnat at hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang, kumonsulta sa iyong lokal na health center. Ang maagang pagpapasuri at gamutan ay maaaring makatulong sa pagbawas ng pagkalat ng TB sa komunidad.Kumonsulta sa health centerKung ikaw ay napag-alamang may TB at sinimulan sa gamutan, mahalagang kumpletuhin ang buong kurso ng paggamot upang maiwasan ang pagkahawa sa iba. Ang isang taong may TB na nakakumpleto ng dalawang linggong gamutan ay hindi na nakakahawa.

     

    Ano ang TB contact tracing at investigation?

    Kailangang magpasuri ang mga kasambahay

    Lahat ng nakasama ng pasyente sa bahay bago magsimula mag-gamutan, lalo na ang mga bata at nakatatanda, ay kailangan mapasuri upang malaman kung nahawaan. Ang mga bata na walang TB ay maaring bigyan ng preventive treatment. Mas mainam na makapag patingin nang sabay-sabay ang magkakapamilya, para maiwasan ang pasalin-salin na hawaan ng sakit.

    Ano ang TB Preventive Treatment (TPT)?

    TB Preventive Treatment

    Ito ay gamot para maibsan ang tyansa na magkaroon ng sakit na tuberkulosis.  Ito ay para lamang sa mga walang sakit na TB.

    Mahalaga na makumpleto ang gamutan at pangalagaan ang kalusugan ng pasyente.

    Kung ang preventive treatment ay nakumpleto,  maliit na tsyansa ang pagkakaroon ng sakit na TB. Pangalagaan ang kalusugan: masustansyang pagkain,  panatiliin ang kalinisan sa katawan at loob ng tahanan  at magpa-checkup sa health center or doktor kung meron sakit.

    Paano nalalaman kung maaring mabigyan ng preventive treatment?

    Ang mga bata 0 hanggang 4 na taon gulang na ay i-eksamin ng doktor. Kung walang TB, maaring bigyan ng TB preventive treatment (TPT). Ang mga bata lima hanggang katorse anyos ay kailangan magpa-xray at i-eksamin ng doktor. Maaring i-skin test ang bata ayon sa atas ng doctor.

    Pagsuri sa bata

    Panoorin kung bakit mahalaga ang pag-inom ng gamot kontra TB

    Ano ang ginagawa ng Doctors Without Borders para sa TB? 

    Iba’t ibang klaseng lugar ang binibigyan ng pangangalagang pang-tuberculosis ng Doctors Without Borders. Kasama dito ang mga bansa tulad ng Papua New Guinea, na may sistemang pangkalusugan na hirap na hirap na; mga urban slums sa Pilipinas, at mga bansang may digmaan tulad ng Afghanistan. 

    Magkakaiba rin ang pinagtutuunan ng mga proyekto: mayroong para pagsamahin ang serbisyo para sa HIV at TB; mayroong mga nangangalaga sa mga pasyenteng may DR-TB; at may iba namang para sa mga populasyong wala gaanong access sa pangangalagang medikal.

    Pilipinas

    Mahigit 650,000 na tao ang nagsisiksikan sa Tondo, na may sukat lang na nine square kilometers sa pagitan ng pantalan at ng business district ng Maynila. Isa ito sa mga mahihirap na komunidad na may pinakamakapal na populasyon sa buong mundo. Sa loob ng halos dalawang taon, lalong naging siksikan ang mga tahanan dahil sa mga istriktong panukala noong pandemya. Nakakulong lang ang mga tao sa kanilang mga tahanan at walang pinapayagang lumabas.

    Doctors Without Borders screening truck in Tondo, Manila. Philippines 2023 © Ezra Acayan

    Sa pakikipagtulungan sa Manila Department of Health, naglunsad ang Doctors Without Borders ng TB "active case finding" project sa Tondo. Mula Mayo 2022, sa pag-ayon at suporta ng mga awtoridad at ng komunidad, naglibot ang isang Doctors Without Borders mobile team sa mga barangay ng Tondo lulan ng isang trak na may dalang radiological equipment. Layunin nitong padaliin ang pagkuha ng screening, sa pamamagitan ng pagdala nito sa mga lugar kung saan nakatira ang mga tao o naghahanapbuhay. Ngunit ito’y di sapat upang maudyukan ang mga taong sumailalim sa screening.

    Papua New Guinea

    Ang Papua New Guinea (PNG) ay isa sa mga bansang may pinakamataas na prevalence rates para sa tuberculosis (TB) sa mundo. 30,000 na mga bagong kaso ang naiuulat dito taun-taon, ayon sa World Health Organization. Dahil dito, nagdeklara na ang kanilang pamahalaan ng state of emergency sa ilang mga probinsiya. 

    Papua New Guinea, 2022. © Leanne JORARI/MSF

    Mula 2014 ay sinusuportahan na ng Doctors Without Borders ang pangangalaga para sa TB sa PNG. Sa pakikipagtulungan sa PNG Ministry of Health, nagbigay ang aming staff ng diagnosis at paggamot para sa mga taong may TB sa Port Moresby sa National Capital District –sa klinika sa Gerehu General Hospital at sa bagong bukas na Six Mile Clinic. Nagpapatakbo rin kami ng isang education outreach program upang pigilan ang paglaganap ng sakit.