South Africa: Libo-libo ang nahihirapang makakuha ng malinis na tubig pagkatapos ng mapanirang biglaang pagbaha sa KwaZulu-Natal
Ang mapaminsalang biglaang pagbaha na naganap noong ika-11 ng Abril sa rehiyon ng eThekwini sa probinsiya ng KwaZulu-Natal sa South Africa ay nag-iwan ng 40,000 katao nang walang tahanan. Marami sa kanila ang pansamantalang naninirahan sa mga paaralan sa komunidad, sa mga simbahan, at sa mga bulwagan nang walang pagkain, mga kagamitang pangluto, mga kutson,kumot, damit, at mga pangunahing kagamitang pangkalinisan. South Africa, 2022. © Sandile Ndlovu
Matapos ang mapaminsalang biglaang pagbaha sa rehiyon ng eThekwini sa probinsiya ng KwaZulu-Natal sa South Africa, nakita ng mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na ang mga mahihinang komunidad at pasilidad pangkalusugan ay may hinaharap na krisis sa pagkakaroon ng maiinom na tubig at sapat na kalinisan. Ang mga pangunahing ospital sa distrito at dose-dosenang klinikang pangkalusugan ay kasalukuyang walang tubig matapos mapinsala ng baha ang mga sistema ng water supply.
40,000 ang nawalan ng tahanan at marami sa kanila ang ilang araw nang naninirahan sa mahigit dalawampung paaralan, mga bulwagan, at mga simbahan sa rehiyon ng eThekwini sa may Durban. Kakaunti lang sa mga ito ang may kuryente, mapagkukunan ng dumadaloy na tubig, at may sapat na kalinisan para sa daan-daang taong nakatira roon. Marami sa nawalan ng tahanan ay nawalan na rin ng mga kagamitan. Kasama sa tinangay ng baha ang kanilang mga gamot para sa mga sakit na gaya ng HIV, TB, diabetes at alta-presyon. Dahil sa tindi ng pinsala sa imprastruktura, at sa mga hamon ng pamumuhay sa araw-araw, kailangan ng ibayong pagsusumikap upang makamit nila ang mga serbisyong pangkalusugan.
Sampung araw pagkatapos ng bagyo, nananatiling nasa krisis ang siyudad. Pangunahin ngayon ang krisis sa water and sanitation—ang pagbibigay nito sa mga ospital, klinika, at komunidad. Kapag di ito naharap nang mabuti, maaari itong mauwi sa isang matinding krisis pangkalusugan, na kabibilangan ng mga sakit na dala ng maruming tubig.Sinusuportahan namin ang 4 sa mga shelter mula pa noong Pasko ng Pagkabuhay, sa pamamagitan ng pagtulong sa pagtugon sa mga kagyat na pangangailangan ng mga residente, tulad ng pagkain, tubig,mga kasangkapang pangluto, mga kumot, kutson, at iba pang mga pangunahing kagamitan.Dr Mani Thandrayen, Medical Team Leader
Namahagi ang Doctors Without Borders ng mga pagkain, kumot at kutson, mga kasangkapang pangluto, at mga pangunahing kagamitang pangkalinisan para sa limandaang tao, at nakapagbigay rin ng appliances para sa kusina ng mga community shelter.
Upang mapigilan ang paglaganap ng sakit pagkatapos ng baha, nagtayo ang Doctors Without Borders ng 25 portable toilet sa tatlong shelter, at nagbigay ng apat na tangke na gagawing imbakan ng tubig.
Dose-dosenang pasilidad pangkalusugan at mahihinang komunidad ang nawalan ng tubig at kakayahang linisan ang kanilang kapaligiran matapos rumagasa ang baha sa maburol na rehiyon ng eThekwini sa probinsiya ng KwaZulu-Natal sa South Africa noong gabi ng Abril 11. South Africa, 2022. © MSF
Noong mga unang pagbisita rito ng Doctors Without Borders, damang-dama ng mga miyembro ng team ang trauma ng mga taong nawalan ng mga mahal sa buhay at ng kanilang mga tahanan, at ang pangangailangan ng mga ito para sa counselling.
Ang mga rehistradong counsellors na nagtatrabaho para sa Doctors Without Borders, pati ang ibang doktor at mga nars na kabilang sa organisasyon, ay sumama sa mga mobile health clinic sa ilalim ng pamamahala ng mga kagawarang pangkalusugan ng probinsiya at ng munisipalidad. Sa mga darating na araw, layunin ng mga team na ito na magdala ng serbisyong pangkalusugan sa lahat ng shelter sa munisipalidad.
“Nabubuhay kami sa pang-araw-araw na trahedya. Sa sobrang dami ng aking iniisip, ni hindi ko maalala ang numero ng telepono ko,” paglalahad ni Nozipho Sithole, isang residente ng Ntuzuma. Nawalan din siya ng tirahan at ngayo’y tumutulong sa pangangasiwa ng shelter sa Ntuzuma Community Hall.
Ang mga doktor, nars, at mga rehistradong counsellor na bahagi ng Doctors Without Borders medical staff ay sumama sa mga mobile health clinic sa ilalim ng pamamahala ng mga kagawarang pangkalusugan ng probinsiya at ng munisipalidad. South Africa, 2022. © MSF
Patuloy na magbibigay ang Doctors Without Borders ng maagap na suporta sa mga klinika at shelter na nangangailangan ng tubig at kalinisan, at makikipagtulungan sa mga awtoridad upang siyasatin ang posibilidad ng paggamit ng mga water treatment solution at ang pagbabarena ng mga community borehole.
Ang Doctors Without Borders ay matagal nang may presensiya sa South Africa kung saan nakapagpatakbo na sila ng maraming proyektong nakatuon sa HIV/TB, Sexual Gender -Based Violence at COVID-19. Sa KwaZulu-Natal, ang Doctors Without Borders ay kasalukuyang nagpapatakbo ng isang proyekto kaugnay ng TB para sa mga nakatira sa Eshowe. Sa ilang pagkakataon, nakatulong na rin ang organisasyon sa probinsiya kapag may mga emergency. Noong nagkaroon ng kaguluhan sa KZN at Gauteng noong Hulyo 2021, nagbigay ang Doctors Without Borders ng emergency support para sa mga komunidad at pasilidad pangkalusugan na naapektuhan ng karahasan. Noon namang kasagsagan ng pandemya, nagpahiram ang organisasyon ng oxygen concentrators sa isang lokal na ospital sa Pietermaritzburg bilang suporta sa mga malalang kaso ng COVID-19.