Hinihiling ng Doctors Without Borders na protektahan ang mga pasyente, mga pasilidad medikal at ang mga sibilyan pagkatapos ng pagsalakay sa Drodro Hospital
Ang pagpapatuloy ng mga pagsalakay: Ang intensive care unit ng ospital na ito ay nawalan ng tao matapos tumakas ang mga pasyente dahil sa isang armadong pagsalakay limang kilometro lang ang layo mula sa paligid ng ospital, sa probinsya ng Ituri, Democratic Republic of Congo,18 Mayo 2023. © MSF/Michel Lunanga
Bunia, 8 Marso 2024 – Tumindi ang karahasan sa probinsya ng Ituri sa Democratic Republic of Congo, nang sinalakay ng mga armadong kalalakihan ang bayan ng Drodro noong gabi ng Marso 6 hanggang 7. Ayon sa pandaigdigang organisasyong medikal na Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), isang pasyente ang pinatay habang nakaratay sa kanyang kama, nilooban ang ospital, at ninakawan ito ng mga medical equipment. Ninakawan din nila ang isa pang pasilidad medikal sa di-kalayuan.
“Ang nangyari rito ay talagang kahindik-hindik,”sabi ni Stephanie Giandonato, ang Doctors Without Borders programme manager para sa DRC. “Mariin naming kinokondena ang pagpatay sa isang walang kalaban-labang matandang pasyente. Inuudyukan namin ang lahat ng sangkot sa alitan na igalang at protektahan ang mga pasyente, medical staff, mga pasilidad medikal, mga sibilyan, at mga humanitarian aid worker.”
Iniiksyunan ni Francois Idembe, isang nars ng Doctors Without Borders, si Bariki, isang batang pasyente. Nagsusumikap silang mapababa ang mataas na temperatura ng bata at pahupain ang impeksyong nagiging sanhi ng kanyang lagnat. Ospital ng Drodro, Ituri province, Democratic Republic of Congo. 19 Mayo 2023 © MSF/Michel Lunanga
Ang pagdami ng mga insidente ng karahasan sa loob at labas ng Drodro ang nagtulak sa paglikas ng marami mula sa lugar na iyon. Libo-libong mga taong nawalan ng tirahan ang naghahanap ng ligtas na matitirhan sa kampo ng Rho, mga sampung kilometro patungo sa hilagang silangan ng Drodro. Ang kampo, na dinisenyo upang matirhan ng di hihigit sa 30,000 na tao ay pinamamalagian na ngayon ng higit pa sa doble ng bilang na iyon.
Ospital ng Drodro, Democratic Republic of Congo, Hunyo 2023 © MSF
Mula noong sinalakay kahapon ang Drodro, pansamantalang inilikas ng Doctors Without Borders ang staff namin mula sa bayan. Gayunpaman, patuloy pa rin ang aming mga team sa pagbibigay ng pangunahing pangangalagang pngkalusugan, stabilisation care para sa mga kritikal ang kalagayan, sexual and reproductive healthcare, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, at mga serbisyong kaugnay ng water and sanitation para sa mga taong nakatira sa kampo ng Rho. Ngunit nag-aalala pa rin ang MSF na kapag lalo pang lumala ang sitwasyon at dumating sa puntong ubos na ang mga supply, hindi na namin maipagpapatuloy pa ang ganitong mga gawain.
“Nag-aalala kami na ang access ng mga tao sa kanilang mga pangangailangan gaya ng malinis na maiinom na tubig, sapat na pagkain, at pangangalagang medikal ay nanganganib,” sabi ni Boubacar Mballo. “Kaya naman binibigyang-diin namin ang obligasyon ng lahat ng sangkot sa alitang ito na itaguyod ang paggalang sa, at proteksyon ng mga sibilyan, at ng mga misyong medikal sa anumang konteksto.”