Niger: Nanganganib ang buhay ng mga migrante dahil sa deportation
Safi Keita finishes eating lunch in a tent set up for pregnant women and their families in Assamaka. Safi has two children and is four months pregnant with her third. © Mariama Diallo/MSF
Si Safi Keita, na mula sa Mali, ay naghahanapbuhay sa Algeria sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga pampalasa. Ang kanyang dalawang anak ay naiwan sa Mali, kasama ang kanyang ina. Apat na buwan nang nasa sinapupunan niya ang kanyang pangatlong anak nang dumating ang mga pulis sa kanilang tahanan. “Giniba ng mga pulis ang pinto,” kuwento niya. “Kinuha nila ang lahat, pati pera at mga telepono. Pagkatapos ay dinala nila ako sa istasyon ng mga pulis.”
Nang sumunod na araw, isinakay si Safi sa isang trak at dinala sa detention centre. “Siksikan sa mga trak. Marami kaming isinakay, at walang nakasuot ng mask.” Pagdating sa kanilang destinasyon,pinatalon siya upang makababa mula sa trak. “ Dahil buntis ako, sumakit ang tiyan ko.”
Apat na araw siyang di pinaalis sa detention centre. Hindi malinis ang centre, at tinapay lang ang pinapakain sa kanila. “Bagama’t buntis ako, pareho lang ang pagtrato nila sa akin,” sabi niya. “ Walang pagmamalasakit sa akin o sa aking kondisyon ang mga bantay.”
Nang pinakawalan na siya, dinala si Safi at ang ibang mga migrante sa hangganan sa pagtatn ng Algeria at Niger, at basta na lang sila iniwan sa disyerto.
Hindi tumigil ang sistematikong pagpapatalsik kahit may COVID-19
Ayon sa huling tala noong kalagitnaan ng Abril 2021, 4,370 na migrante na ang pinatalsik mula Algeria papuntang Niger ngayong taon. Kasama sa mga ito ang isang may sugat mula sa pagkakabaril, at isang may bali sa binti. Ang mga deportation na ito ay isang paalala na kahit na isinara ang mga hangganan ng mga bansa dahil sa COVID-19, ang sistematikong pagpapatalsik ng migrante ay di tumigil.
Ayon sa mga datos na kinalap ng mga taga-Médecins Sans Frontières/Doctors Without Borders (MSF), 23,175 migrante ang dumating noong 2020 sa maliit na bayan ng Assamaka, malapit sa hangganan ng Niger at Algeria.
Ang bilang na ito’y medyo mas mababa lang sa 29,888 na pagpapatalsik na itinala ng Doctors Without Borders noong 2019, pero lubhang mataas ito kung iisipin na ang hangganan ng Niger ay nakasara mula pa noong March 2020 dahil sa COVID-19. Noong 2020,ang bilang ng mga outpatient consultations na binigay ng Doctors Without Borders ay higit pa sa mga konsultasyon noong nakaraang taon. 41,801 ang isinagawang konsultasyon noong 2020, at 39,889 naman sa 2019.
Marami sa mga pasyente ng Doctors Without Borders ang naglahad na sila’y nakaranas ng karahasan, kasama rito ang pagpapahirap, o torture. Noong 2020, nagbigay ang Doctors Without Borders ng pangangalagang medikal sa 989 na migranteng apektado ng karahasan. 21 sa mga ito ay nagsabing sila ay nakaranas ng pagpapahirap. May 1,914 na migrante rin ang ginamot ng mga Doctors Without Borders teams para sa mga problema sa kalusugan ng isipan.
Inabandona sa ‘Point Zero’
Ang Doctors Without Borders teams sa Agadez ay may kinolektang daan-daang patotoo mula sa mag migranteng tinulungan o sinagip ng Doctors Without Borders matapos silang patalsikin mula sa Algeria. Marami ay mula pa sa West Africa at South Asia, at kasama rito ang mga kalalakihan, kababaihan, mga bata’t matatanda. May mga tumira sa Algeria nang ilang taon bago napabilang sa mga nakaranas ng deportation, ang iba nama’y naglalakbay lamang sa bansa bago pumunta sa Europa.
Ayon sa kanilang mga pahayag, inaresto ang mga migrante at pinuwersang mamalagi sa mga detention centre ng ilang araw, linggo, o buwan, bago sila pinasasakay sa bus o trak ng mga security forces ng Algeria at ibinaba sa isang lugar na kilala lang bilang ‘Point Zero’, isang lugar sa gitna ng kawalan, sa disyertong nasa pagitan ng Algeria at Niger, kadalasan sa hatinggabi.
Walang laman ang kanilang mga bulsa, wala silang mga dalang mapa at walang binigay sa kanilang direksyon. Ngunit kailangan nilang maglakad ng 15 kilometro patungo sa pinakamalapit na pamayanan ng Assamaka. May ilan sa kanilang nawawala sa daan, at di na nahahanap.
Hinubaran at ninakawan
Anim na taon nang nagtatrabaho bilang pintor sa Algeria si Traoré Ya Madou ng Mali bago siya inaresto, at pinauwi. "Nakatira kami sa mismong lugar na aming pinagtatrabahuhan," kuwento niya. “Noong umagang iyon, dumating ang mga pulis. Kadalasan, pag nangyayari ito’y inaabutan lang namin sila ng pera, o papalag kami hanggang sa umalis sila. Pero noong gabing iyon, dalawampung pulis ang dumating. Pinuwersa nila ang pinto at biglang pumasok. Pinosasan kami at dinala sa istasyon. 24 oras ako doon nang walang pagkain.Kinakapkapan kami at tinanggalan ng panloob na damit—hindi makatao ang ginawa nila. Kinuha nila ang lahat ng pera kong dala, na naghahalagang 2,500 euros. Pagkatapos, binugbog nila ako. Sa tindi ng pambubugbog, kinailangan kong maospital.”
Bilang parusa sa pagpalag ni Traore sa kanyang pagkakaaresto, dinala siya sa ibang bahagi ng disyerto, mas malayo kaysa karaniwang pinagdadalhan sa mga migrante. Apat na oras siyang naglakad bago nakarating sa Assamaka.
Pang-aabuso sa karapatang pantao
Ang mga kuwento ng dalawang migranteng ito ay mga sulyap lamang sa nangyayari sa hangganan ng Algeria at Niger.
Mula noong rebolusyon sa Libya noong 2011, ang rutang dumadaan sa Niger papuntang hilaga sa Libya o Algeria ang naging daan na tinatahak ng mga migranteng pupunta sa Europe. Kahit na may mga patakarang naglalayon na pigilan ang daloy ng tao, patuloy pa rin ang paghahanap ng mga tao ng ligtas na tirahan. Ang naging resulta lang ng mga patakarang ito ay ang pagdagdag ng panganib sa mga migrante,dahil itinuturing na kriminal ang kanilang mga ginagawa at isinasawalang-bahala ang kanilang mga karapatang pantao.
Sa 2015 Valletta Summit, nanindigan ang mga bansa ng Europa at Africa na gawing mas matibay ang kanilang border control system. Sumang-ayon din silang asikasuhin ang pagbabalik, boluntaryo man o hindi, ng mga migranteng itinuturing nilang illegal. Kaya naman patuloy na nakararanas ang mga migrante ng di-makatwirang pag-aaresto, pagmamalupit, at puwersahang pagpapabalik sa kanila sa mga bansa kung saan maaari silang usigin.
"Ang mga pag-aaresto, detensyon, at pagpapatalsik ng pamahalaan ng Algeria ay salungat sa pangunahing prinsipyo ng non-refoulement at sumasalungat sa international human rights law at international refugee law,” sabi ng Doctors Without Borders head of mission na si Jamal Mrrouch. “Kailangang isaayos ang mga patakaran at garantiyahan ang makataong pagtulong at proteksyon para sa mga migranteng lumilikas, at tiyakin na ang mga lokal na pasilidad sa mga dadaanang bansa tulad ng Niger ay tutugon sa pangangailangan ng lahat."
Ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho sa rehiyon ng Agadez mula pa noong 2018, kung saan nagbibigay sila ng medikal at makataong pagtulong sa mga babae, lalaki, at mga batang nangangailangan. Nagbibigay ang Doctors Without Borders ng pangangalagang pangkalusugan, psychosocial support, emergency medical evacuations, at kumikilos din sila sa pamamagitan ng paghahanap at pagsasagip ng mga nawawala o inabandona sa disyerto. Nagbibigay rin ang Doctors Without Borders sa mga migrante ng kinakailangang relief items tulad ng mga kulambo, kumot, hygiene kit at panloob na kasuotan.