Skip to main content

    Myanmar: Ang pag-angat ng kamalayan ukol sa karahasang sekswal at access sa pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng digital health promotion

    Doctors Without Borders Health Promotion Supervisor delivers sexual and reproductive health education lessons to patients at a new sexual reproductive healthcare clinic in the Bhamo area of Kachin state. Myanmar, August 2023. © Zar Pann Phyu/MSF

    Nagbahagi ang isang Health Promotion Supervisor ng Doctors Without Borders ng mga aral ukol sa sexual and reproductive health sa mga pasyente ng isang bagong sexual reproductive healthcare clinic sa  Bhamo, isang bayan sa estado ng Kachin.
    Myanmar, Agosto 2023. © Zar Pann Phyu/MSF

    Mas malaki ang epekto ng mga armadong  labanan sa mga kababaihan, matanda man o bata. Nalalagay sila sa panganib ng karahasang sekswal at karahasang batay sa kanilang kasarian. Ang mga kababaihang napuwersang lumikas ay mas malamang na makararanas ng intimate partner violence. Ito ang realidad para sa mga kababaihan ng Myanmar, na kamakailan lang ay naiulat na ika-165 sa 177 na kabilang sa women’s global health and security index.

    Ang pag-akyat ng mga insidente ng karahasan sa Myanmar ay naging sanhi ng paglikas ng panibagong grupo ng mga nawalan ng tirahan sa kanilang sariling bayan. Mga 200,000 ang nadagdag sa dati nang malaking bilang, at napagkakaitan ang maraming kababaihan ng mga pangunahing serbisyo at ng impomasyon ukol sa sexual health, sexual and intimate partner violence, gender-based violence at sa pagbubuntis. Kamakailan lang, iniulat ng mga lokal na mamamahayag ang pagpanaw ng isang nagdadalantao sa Rakhine nang di siya umabot sa ospital dahil sa paghadlang sa kanila sa isang military checkpoint.

    Ang International Day for the Elimination of Violence against Women noong Nobyembre 25 ay ang simula ng labing-anim na araw ng aktibismo laban sa karahasan na batay sa kasarian. Ito ay isang kampanya ng UN at ng civil society na dinisenyo upang iangat ang kamalayan at udyukan ang pagpapatuloy ng pagsusumikap na wakasan ang karahasan laban sa mga kababaihan sa mundo. Habang isinasagawa ang kampanya, gagamitin ng Doctors Without Borders Myanmar ang bago nitong digital health promotion campaign na dinisenyo upang magkaroon ng kamalayan sa mga kahihinatnan ng karahasang sekswal  at ng intimate partner violence, at upang matulungan ang mga survivor na makakuha  ng access sa mga klinika ng  Doctors Without Borders na nagbibigay ng pangangalagang medikal at mga serbisyong psychosocial.
     

    Ang pag-akyat ng kamalayan online

    Bukod sa nahahadlangan ng mga alitan ang mga pasyente sa pagkamit ng pangangalagang pangkalusugan,nagiging mahirap para sa Doctors Without Borders staff na maabot ang mga pinakamahinang pasyente at maghatid ng pangangalaga sa komunidad. Kahit ang mga health worker na nakatira at nagtatrabaho sa mga komunidad ay di laging nakakarating sa mga nasa pinakamalayong sulok ng mga project area kung saan wala silang gaanong kaalaman na ang mga karahasang sekswal at intimate partner violence ay may matitinding epekto sa kalusugan, at na ang pangangalaga para sa mga isyung ito ay maaaring makuha mula sa Doctors Without Borders.

    Sabi ni May Phyu*, isa sa aming mga nars sa para sa sexual and intimate partner violence sa Shan: “Napakalimitado ng kaalaman ng mga pasyente ukol sa [SV-IPV]. May mga taong araw-araw inaabuso, ngunit di nila naiisip na inaabuso sila. May ilang mga pasyenteng pumupunta sa aming klinika nang walang kasama. Alam lang nilang kailangan nila ng atensyong medikal pagkatapos ng karahasang kanilang naranasan.”

    Ang sentimyentong ito ay narinig din namin mula sa sexual violence response programme supervisor ng Doctors Without Borders sa Rakhine na nagsabing kapansin-pansin na may paniniwala ang marami, na ang karahasan, lalo na kapag sangkot ang isang romantikong karelasyon, ay “normal”.

    Upang makumbinsi ang mga pasyenteng humingi ng pisikal at sikolohikal na tulong para sa karahasang sekswal at intimate partner violence, kinailangan munang ipaliwanag ng aming mga team kung ano ito, pagbutihin ang pag-unawa ng komunidad sa mga epekto nito sa kalusugan, ang lunas na maaaring makuha, at kung paano makakamit ang mga serbisyo ng Doctors Without Borders.  

    Para sa health education [HE] o edukasyong pangkalusugan, namamahagi kami ng mga babasahin. May mga di nakakabasa, kaya’t nag-oorganisa rin kami ng HE sessions sa komunidad. Wala pang gaanong gumagamit ng social media noon. Ngayon, ang lahat ay gumagamit ng mobile phone, kaya’t mainam kung makapagbahagi kami ng kaalaman tungkol sa (SV-IPV) sa pamamagitan ng social media.
    May Phyu*, nurse

    Nitong nakaraang sampung taon, lumobo ang paggamit ng Internet sa Myanmar. Mula 908,000 na users, ngayon ay mayroon nang  23.9 milyong users sa bansa. Labinlimang milyon sa kanila ay aktibo sa social media, karamihan ay sa Facebook.

    Dagdag pa rito, sa kabila ng mababang ranggo nila sa pinakahuling Women, Peace and Security Index, ang paggamit ng cellphone ng mga kababaihan sa Myanmar ay umakyat mula 67.3% noong 2017, ito’y naging  90% na. Higit na mataas ito kung ikukumpara sa mga karatig-bansa tulad ng Laos, Cambodia at Bangladesh na nasa 81%, 79% at 75%, ayon sa pagkakasunod-sunod.

    Ginagamit ng Doctors Without Borders ang kinahihiligang ito. Sa pamamagitan ng Facebook, nagpapalaganap kami ng kaalaman tungkol sa kalusugan, at lumilikha ng kamalayan tungkol sa women’s reproductive health, karahasang sekswal, at intimate partner violence. Ang kampanya ng Doctors Without Borders Myanmar ay naglalayon ding maipaabot sa mas marami kung anong mga serbisyo ang ibinibigay ng Doctors Without Borders at gawing madali para sa mga taong mahanap ang aming mga klinika. Ang mithiin nami’y dumami ang mga matutulungan naming mga taong nasa mga active conflict zone.

    Sa kalaunan, gagamit ang proyekto ng mga messaging tool upang mabigyan ang mga pasyente ng pagkakataong direktang makipag-ugnayan sa tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan online.

    A patient attends the new clinic in Bhamo, Kachin state to receive antenatal care throughout her second pregnancy. Myanmar, August 2023.

    Pumunta ang isang pasyente sa bagong klinika sa Bhamo, sa estado ng Kachin, upang tumanggap ng antenatal care sa kanyang ikalawang pagbubuntis. Myanmar, Agosto 2023. © Zar Pann Phyu/MSF

    Isang pamamaraang nakabase sa komunidad

    Bagama’t ang Facebook at ang online health education services ng Doctors Without Borders ay makukuha sa maraming lugar, mahaba pa ang daang tatahakin upang maisulong ang accessibility ng pangangalaga sa isang bansang maraming paghihigpit at delikado. Inilarawan ni Dr. Noor Rijnberg, isang sexual reproductive health implementer, ang mga ambisyon ng SV-IPV team sa Myanmar ay “ilapit ang pangangalaga sa mga tao, at sa ganoong paraan, matitiyak ang pangangalaga ng mga kababaihan na kadalasa’y walang access. Ito rin ang magbibigay-daan upang magawang akma ang mga programa para sa komunidad, kung ano ang pinakamabuting paraan ng kanilang pagtanggap ng pangangalaga.”

    Sa lahat ng mga klinika ng Doctors Without Borders sa Myanmar, kabilang sa mga serbisyo ang para sa sexual reproductive health at para sa mga  survivor ng karahasang sekswal at intimate partner violence. Sa bayan ng  Bhamo, nagbukas kami kamakailan lang ng bagong klinikang nakatuon sa sexual and reproductive health, karahasang sekswal at intimate partner violence, upang masolusyonan ang mataas na antas ng mga pangangailangang di natugunan, partikular na sa mga displaced na tao sa lugar na iyon. 

    Ang pagpapanatili ng pamumuhunan sa mga ganitong programa ay mahalaga bilang pagtugon sa karahasang sekswal at intimate partner violence sa gitna ng mga nangyayaring krisis sa Myanmar.