Maling impormasyon at stigma, dagdag-pasanin ng mga pasyenteng may COVID-19 sa Papua New Guinea
Ang isang pagsasanay sa ligtas na paggamit ng PPE ay sinagawa sa Port Moresby, para sa mga bagong kawani. Si Fundzile Msibi, nars, ay nagpapakita ng ligtas na pagsuot at pagtanggal ng PPE. © Leanne JORARI
Hindi pantay-pantay na access sa bakuna
Bagama’t nakaiwas sila sa pinakamalalang yugto ng pandaigdigang pandemya noong 2020, tinamaan ngayon ang Papua New Guinea ng malubhang coronavirus outbreak. Bagama’t may mga ipinapatupad na mga patakaran upang maagapan ang paglobo ng bilang ng mga kaso, nahihirapan na sila dahil sa nanghihinang sistemang pangkalusugan. Sa dami ng health care staff ng bansa na kasalukuyang nasa quarantine matapos mag-positibo sa COVID-19, isa pang suliranin na dulot ng pandemya ang lumilitaw: ang di pantay-pantay na access sa bakuna.
"Ang sitwasyon sa Papua New Guinea ay isang halimbawa ng pandaigdigang inequity of access sa bakuna, at iba pang pangangailangang medikal. Nang nagsimulang umakyat ang bilang ng mga kaso rito, di pa rin mabakunahan ang mga health workers, samantalang may mga ibang bansang nag-iimbak ng higit sa kailangan nila”, sabi ni Farah Hossain, medical manager ng Doctors Without Borders.
Mula noong pagpasok ng 2021, napakabilis ng pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Papua New Guinea. Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso sa bansa ay 8,984. 846 ang gumaling na, habang 69 naman ang binawian ng buhay sa siyam na probinsiya. Pinakamaraming namatay sa Port Moresby, ang kabisera ng bansa.
Ang mga dalubhasa sa medisina ay nagpahayag na ng pag-aalala sa epekto ng biglang pagdami ng kaso sa sistemang pangkalusugan ng bansa. Ang mga medical staff na nagdurusa na nga sa dami ng trabaho, ay nababawasan pa dahil sa karamihan sa kanila’y nagpopositibo at naka-quarantine. Dagdag pa rito ang kakulangan ng medical supplies, at talagang baldado na ang mga ospital at klinika sa buong bansa.
Tugon ng Doctors Without Borders
Mula noong Oktubre 2020, nagbigay-suporta na ang Doctors Without Borders sa pamamagitan ng serbisyo ng isang lab technician at pagbibigay ng cartridges na ginagamit sa pagsusuri ng mga sampol na galing sa mga PCR test para sa COVID-19. Ngunit dahil sa biglang paglobo ng mga kaso, kailangang dagdagan ang tauhan at ang mga medical supplies.
Nang buwan ding ito, nagsimula ang pagsuporta ng Doctors Without Borders sa COVID-19 treatment facility sa Port Moresby. Ito’y pinangangasiwaan ng National Capital District’s Provincial Health Authority (NCDPHA), at may kapasidad ng 43 kama para sa mga pasyenteng moderately to severely ill.
Kumuha ang Doctors Without Borders ng mga bagong Papua New Guinean medical practitioners noong Abril, at binigyan ang mga ito ng pagsasanay, partikular na sa mga kailangang gawin sa emergency situations, at kung paano tumugon nang mabilis sa mga ganitong sitwasyon. Kasama rin sa mga itinuro sa kanila ang tamang pagsuot ng personal protective equipment (PPE), oxygen therapy, at kung paano gamutin ang acute pneumonia.
Pagsasanay sa ligtas na paggamit ng PPE ay sinagawa sa Port Moresby
Ayon sa Project Coordinator na si Shah Khalid, makakatulong ito sa kanila di lamang sa kasalukuyang sitwasyon na dulot ng COVID-19, kundi maging sa hinaharap. “Ang pagsasanay sa aming staff ay kinakailangan upang matiyak ang kaligtasan nila,at ng kanilang pasyente. Ang mga pinag-aaralan nila ay magagamit sa lahat ng pangangalagang pangkalusugan, sa kahit anong panahon, may pandemya man o wala.”
Isa pang mahalagang paksa na kanilang pinag-aaralan ngunit kadalasa’y di nabibigyan ng pansin ay ang patient education and counselling. Ito ay para matiyak na hindi napapabayaan ang kalusugan ng kaisipan at emosyon ng mga pasyente.
Ang huling nabanggit ay isang paksa na di binibigyan ng halaga sa buong bansa. Ang mga pasyenteng nagpopositibo ay binubukod at nakararanas ng stigma dahil sa kakulangan ng kaalaman tungkol sa COVID-19. Dahil din sa stigma, marami ang ayaw sumailalim sa mga test kahit na sila ay nagpapakita na ng sintomas.
Ayon kay Fundzile Msibi, ang patient education and counselling manager ng mga proyekto, “Mahalagang maintindihan na ang mga taong nagpopositibo sa COVID-19 ay maraming iba’t ibang nararamdaman. Nag-aalala sila sa kanilang sakit at di sila nakatitiyak na sila’y gagaling lalo pa kapag nakita nila ang dami na ng mga taong namamatay dahil sa virus sa buong daigdig. Kailangan din nilang bumukod mula sa kanilang mga kapamilya at kaibigan. Ang lahat ng hamong ito ay may sikolohikal na epekto sa kanila, kaya’t tutulungan namin silang harapin ang kanilang sitwasyon. Makatutulong ang pagdinig sa mga pahayag ng mga pasyente tungkol sa nararamdaman nila at ipaalam na may makukuha silang suporta habang pinagdadaanan nila ito.”
“Gusto naming mapigilan ang mga sakit na tulad ng depression.”
Balak ng staff na magkaroon ng mga regular na counselling sessions ang mga pasyente sa iba’t ibang yugto ng kanilang pamamalagi sa ospital, at tinitingnan na rin nila kung paano haharapin ang mga isyung ito sa mga komunidad.
Maraming taon nang nagtatrabaho ang Doctors Without Borders sa PNG, kung saan sila’y nagpapatakbo ng mga tuberculosis programs at nagpapatuloy ng diagnosis at treatment sa Port Moresby (NCD) at Kerema (Gulf Province).