Mali: Sa pagtindi ng karahasan, nalalagay sa seryosong panganib ang mga tao
Inilipat ng Doctors Without Borders team ang isang emergency patient sa Mopti regional hospital. Mali, 2023. © Lamine Keita/MSF
Ang tunggalian sa pagitan ng mga partidong sangkot sa alitan ay nagiging sagabal sa access ng mga tao sa pangangalagang pangkalusugan. Noong linggo ng Nobyembre 27, 2023, kinailangang ilikas ng Doctors Without Borders ang mga team nito mula sa Nampala sa bayan ng Niono sa rehiyon ng Ségou, dahil hindi na maseguro ng organisasyon ang kanilang kaligtasan.
Ipinagbigay-alam sa amin ng mga miyembro ng lokal na komunidad, mga pasyente at mga kasamahan sa trabaho na may mga namatay at sugatan sa mga barangay at nayon ng Toulé at Toladji. Ang Doctors Without Borders ang huling organisasyong medikal na tumatakbo pa sa bayan ng Nampala.
Ang hukbong Malian, na sinusuportahan ng kanilang mga kakamping Ruso, ay nakikipaglaban sa mga armadong grupong di taga-roon sa estado, sa gitnang at hilagang Mali. "Nitong mga nakaraang linggo, kinailangan naming ilikas ang ilan sa aming mga team at ipagpaliban ang ilan sa aming mga aktibidad medikal sa mga rehiyon ng Ségou at Timbuktu. Kadalasan, ang Doctors Without Borders ang huling organisasyong nagtatrabaho sa mga sensitibong lugar,“ sabi ni Aissami Abdou, operations coordinator.
“Kapag nagdesisyon na ang Doctors Without Borders na lisanin ang isang lugar, ito’y dahil naging kritikal na ang sitwasyon doon. Inaalala namin ang mga taong wala namang kinalaman sa alitan, ngunit nakararanas pa rin ng karahasan, at nakompromiso na ang kanilang access sa pangangalagang pangkalusugan. Noong nagsisimula pa lang kami sa Toulé at Toladji, sabi ng ilang mga tao sa ami’y pitong taon na silang hindi nakakapagpadoktor, “ paliwanag ni Aissami Abdou, operations coordinator.
Nitong mga nakaraang buwan, may mga insidente rin ng karahasan na naging hadlang sa mga taong makakuha ng pangangalagang pangkalusugan.
Sa malnutrition ward ng Douentza Hospital, ipinapaliwanag ng team ng Doctors Without Borders ang medical dosage sa ina ng isang batang pasyente. Mali, March 2023. © Lamine Keita/MSF
Mula Agosto hanggang Disyembre 2023, pinigilan ng Jama'at Nusrat al-Islam wal-Muslimin, JNIM, isang armadong grupong walang kaugnayan sa estado, ang pagpasok ng mga produkto at mga pangunahing pangangailangan sa Timbuktu. Ang siyudad at ang mga lugar sa paligid ay halos hindi na mapasok kahit saan ka man dumaan – sa lupa man o sa ilog. Dahil sa iba’t ibang pagsalakay at pagbabanta, nagtalaga ang mga awtoridad ng curfew, at umakyat ang gastos sa pamumuhay habang ang rasyon naman ng pagkain at gasolina ay binawasan.
“Ang pagkakabukod ng bayan ay may epekto rin sa mga aktibidad ng Doctors Without Borders,” paliwanag ni Jean Jacques Nfon Dibie, ang project manager ng Doctors Without Borders sa Timbuktu.
"Dahil sa hirap ng access at kakulangan ng seguridad, kinailangan ng Doctors Without Borders na limitahan ang mga aktibidad at paggalaw, ilikas ang iba sa kanilang staff, at harapin ang mga problema sa supply ng mga gamot, logistical equipment, at gasolina. Pansamantala ri'ng sinuspindi ang ilan sa mga medical supervision. Ito’y nagkaroon ng epekto sa aming mga aktibidad.”
Sa Niafounké, sa rehiyon ng Timbuktu, ang mga team ng Doctors Without Borders at Ministry of Health ay gumamot ng 29 na sugatan, kasama ang dalawang babae, sa emergency department ng ospital. Ito’y nangyari matapos salakayin ang isang kampo ng militar noong Biyernes, Nobyembre 24. Upang gamutin ang mga sugatan, kinailangan ng Doctors Without Borders na tumulong sa triage, at bigyan ng prayoridad ang mga gagamutin ayon sa kanilang kondisyon.
Noong Setyembre, isang sasakyan ng Doctors Without Borders na may lulang isang medical referral mula Hombori papuntang Douentza ang binaril sa Mopti. Ang pasyente’y nagdadalang-tao. Dahil sa mga kumplikasyon sa kanyang pagbubuntis, isinangguni siya sa Douentza hospital. Kasama ng nagdadalang-tao ang kanyang ina, na napatay dahil sa insidente. Ang pasyente at dalawa pang pasahero ang nasaktan.
Padalas na rin nang padalas ang mga nakamamatay na aksidente sa paggamit ng mga pasabog. Mula noong gabi ng Oktubre 22, Sabado, hangggang sa Linggo, Oktubre 23, tatlong sasakyang pabalik mula sa palengke ay pinatamaan ng mga kagamitang pangsabog na ipinuwesto sa tatlong magkakaibang lugar sa kalsada ng Gossi-Hombori sa sentrong Mali. Walong tao ang namatay agad, may mga 40 naman ang nasaktan, kabilang rito ang 11 na may natamong malubhang pinsala. Ang lahat sa kanila’y tinanggap sa Hombori community health centre kung saan nagtatrabaho ang mga team ng Doctors Without Borders.
Ang pangkalahatang sitwasyon ng seguridad sa gitna at hilagang bahagi ng bansa ay nagdudulot ng pag-aalala. Ang karahasan ay nakaapekto sa populasyon at sa Doctors Without Borders.
Pinapapaalala namin sa lahat ng partido na kabilang sa alitan na ang aming mga staff, ambulansiya, at ang aming mga istrukturang pangkalusugan ay kinakailangang igalang at huwag nang idamay sa kaguluhan. Ang aming misyon ay aming ipinapatupad ayon sa medical ethics, na nagtatalaga ng katungkulan na magbugay ng pangangalagang hindi nakakasakit at alalayan ang kahit sinong nasa panganib sa paraang makatao, nang walang kinikilingan, at nang may paggalang sa medical confidentiality. Dapat mapanatili ang aming mga aktibidad medikal. Ang mga bata, mga nagdadalang-tao, at ang mga nasaktan ay kailangang bigyan ng medikal na atensyon.Aissami Abdou, operations coordinator
Mula 1985, nasa Mali na ang Doctors Without Borders. Noong 2022, nagsagawa ang Doctors Without Borders ng 552,800 outpatient consultations, tumanggap ng 68,000 na pasyente, nagsagawa ng 1,830 na mga surgical operation, at nagbigay ng lunas para sa 900 na taong sinadyang gawan ng pisikal na karahasan, at mga sugat mula sa pakikidigma. Kabilang sa aming mga serbisyo ang maternal care (mga konsultasyon, pagpapaanak, at mga Caesarean section), paediatrics, neonatology, kalusugang pangkaisipan, pagpigil sa mga sakit (pagbabakuna at health promotion), cancer screening at paggamot nito, proteksyon, pagtulong sa mga taong nawalan ng tirahan (pamamahagi ng mga non-food kit, access sa tubig, at pagtatayo ng mga palikuran), pagtatayo at rehabilitasyon ng pasilidad pangkalusugan, at pagsasangguni ng mga pasyente sa naangkop na pasilidad pangkalusugan