Sa Lebanon, nagbibigay ang MSF ng pangangalaga sa gitna ng patong-patong na krisis
Sina Dayana Tabbarah, MSF health promoter, at si Hala Hussein, MSF nurse, sa mga kalye ng Burj al-Barajneh camp, Beirut. Magkasama nilang binisita sa kani-kanilang mga tahanan ang mga pasyenteng pumayag na makilahok sa shielding approach na gagamitin ng MSF sa kampo. © Diego Ibarra Sánchez
Mula pa noong patapos pa lang ang 2019, kinakaharap na ng Lebanon ang kanilang pinakamalalang krisis sa ekonomiya, kaguluhan sa lipunan, at maging sa kanilang pamunuan. Dumagdag pa rito ang pagdating ng pandemyang dulot ng COVID-19 sa simula ng 2020, na sinundan naman ng pagsabog na naganap sa Beirut, ang kabisera ng Lebanon noong Agosto rin ng nakaraang taon. Dahil sa patong-patong na krisis, libo-libong mamamayan ang nalugmok sa kahirapan. Ang lahat ng ito ay nangyayari sa isang maliit na bansa na may pinakamalaking bilang ng refugees per capita sa buong mundo.
Nagsusumikap ang public health system, na dati nang nanghihina dahil sa kakulangan ng gamot at medical supplies sanhi ng krisis na pinansiyal, na maagapan ang lumalaking bilang ng mga kaso ng COVID-19. Isang araw bago naganap ang pagsabog, wala pang 200 kaso kada araw ang natatala. Ngunit pagdating ng Disyembre 2020, tumalon ang bilang ng kaso sa humigit kumulang 1,500 kada araw. Sa ngayon, itinatayang may mahigit sa 199,000 na kaso na ng COVID-19 sa bansa.
Inaalam ni Hala, isang MSF nurse, ang blood pressure level ni Mousera bilang bahagi ng karaniwang ginagawa sa isang shielding visit. Si Mousera, isang73-year-old Lebanese, ay may hypertension, hika, at pananakit ng likod. Siya ay itinuturing na nasa high-risk group, na nangangahulugang madali siyang kakapitan ng COVID-19. Mag-isa lang siya sa kanyang tirahan sa Burj al-Barajneh camp, Beirut. © Diego Ibarra Sánchez
Mula noong Agosto 2020, pinag-ibayo ng MSF ang kanilang mga ginagawa upang labanan ang COVID-19. Sinuportahan nila ang national health system ng Lebanon sa pagharap nito sa mga hamong dala ng pandemya. Pansamantalang ginawang COVID-19 facility ang ospital ng MSF sa Bar Elias, sa Bekaa Valley. Nagbigay din ang organisasyon ng suporta sa isolation centre sa Sibline, na nasa timog na bahagi ng Lebanon.
Pagkatapos ng pagsabog
Si Thérèse, 85, ay nakatira sa Karantina, isang lugar na lubhang naapektuhan ng malakas na pagsabog noong ika-apat ng Agosto, 2020. Bagama’t siya ay nagtamo lamang ng mga sugat, napinsala rin ang kanyang tirahan. Ang pinakamasakit dito ay ang pagkawarak ng kanyang makinang panahi, na tanging gamit niya sa paghahanapbuhay.
Si Thérèse, 85, ay residente ng Karantina, Beirut, Lebanon. Nawarak ang kanyang makinang panahi na tanging gamit niya sa paghahanapbuhay. © Karine Pierre/Hans Lucas
“Nang naganap ang pagsabog, nabasag ang lahat ng bintana sa apartment ko. Nasa balkonahe ako noong nangyari iyo, at bumagsak ako sa sahig. Dumugo ang ulo ko, at nasugatan ang binti ko sa mga nakakalat na bubog. Dahil sa pagkakabagsak ko, lumala rin ang dati ko nang pananakit ng likod. Nasira ang kama ko at ilang mga estante. Kaya ngayon, sa sofa ako natutulog, sa sala. Itinambak ko muna ang mga nasirang kagamitan sa kuwarto ko. Nagtatahi pa rin ako gamit lang ang kamay, gumagawa ako ng kurtina para mapalitan ang mga nasira.”
Mula noon, ang dating mananahi ay umaasa sa tulong ng kanyang komunidad, at ng mga humanitarian na grupo para mapunan ang kanyang mga pangangailangan. “Bago ng pagsabog, tumatanggap pa ako ng mga ipinapatahi, kahit na nananakit na ang likod ko at lumalabo na ang mata ko. May konting naipon naman ako, at nakakatanggap ako ng ayuda mula sa isang international na organisasyon. Dinadalhan din ako ng isang lokal na asosasyon ng pagkain nang ilang beses sa isang linggo. Halos di na ako makalakad, at bihira na akong lumabas, pero malaking tulong ang binibigay ng mga kapitbahay ko. May mga dati ring nagpapatahi sa akin na dumadalaw minsan para kumustahin ang lagay ko. Sa pangkalahatan, nakakaya ko pa naman.”
Hindi dito nagtatapos ang mga problema ni Therese. “Sabi ng duktor mula sa Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF), may diabetes daw ako. Tumaas din ang blood pressure ko. Tingin ko, may koneksyon ito sa pagsabog. Iniingatan ko ang sarili ko sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot araw-araw at pagkain ng tama dahil di ko kayang magbayad sa ospital kapag nagkaroon ako ng malubhang sakit.”
Gayunpaman, patuloy pa rin siyang umaasa. “Lahat naman tayo, hirap sa mga nangyayari. Pero matanda na ako, at pakiramdam ko’y naging maganda naman ang buhay ko. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa mga susunod na henerasyon. Kailangang manalig tayo.”
Pangangalaga sa panahon ng krisis
Isa ang Filipinang duktor na si Karina Aguilar sa mga tumitingin sa mga pasyenteng tulad ni Therese sa Lebanon. Si Karina ang Medical Activity Manager ng ospital sa Bar Elias, at inilarawan niya ang kanilang mga ginagawa. “Dati, ang mga ginagawa namin sa ospital ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) sa Bar Elias ay mga non-urgent surgery para sa mga kaso ng luslos (hernia), almoranas (hemorrhoids) at cysts. Gumagawa rin kami ng gynaecological surgery, at nagbibigay ng post-wound care,katulad ng mga pinsala sa paa na dulot ng diabetes at mga sugat dahil sa ulcer.”
“Noong kalagitnaan ng Setyembre 2020, binago namin ang aming mga ginagawa rito upang tugunan ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa Lebanon. Ngayon, nagpapatakbo kami ng ospital na kayang tumanggap ng 20 na kumpirmadong COVID-19 patients. May limang kama kami sa ICU at 15 naman sa inpatient department. Bukod sa medical care, binibigyan din ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ang lahat ng pasyenteng may COVID-19 ng physiotherapy at mental health services. Mayroon din kaming health promotion team na nagbibigay ng kaalaman ukol sa pagpigil sa pagkalat ng virus, sa kahalagahan ng shielding, at sa mga sintomas at senyales ng COVID-19.”
Dahil sa pandemya, sa krisis sa ekonomiya, at sa naganap na pagsabog, napakaraming pasyente ang kinailangang ma-ospital. Kuwento ni Karina, “Noong nagsisimula pa lang ang proyekto sa Bar Elias noong 2017, marami sa mga taong humihingi sa amin ng tulong ay mga Syrian at Palestinian refugees at migrant workers na nakatira malapit sa ospital, o di kaya’y mga inirekomenda ng ibang pagamutan sa bansa. Pero ngayon, dahil may krisis ng ekonomiya sa Lebanon, parami nang parami ang mga taong nangangailangan ng aming tulong. Maraming tao, kasama ang mga Lebanese, ang di na kayang magbayad para sa medical care. At lalo itong naging isang realidad ngayon dahil sa COVID-19. Iba-ibang tao na ang nakasalamuha ko: mga Lebanese, Syrians, Palestinians. May mayaman, mahirap, middle class. Marami sa kanila’y nangangambang mawala ang kanilang mga mahal sa buhay nang di man lang nila nakikita dahil bawal dumalaw sa ospital. Tinitiyak naman namin sa kanila na gagawin namin ang lahat sa abot ng aming makakaya, at na lagi namin silang babalitaan kung ano na ang lagay ng pasyente. Ang mismong pasyente nama’y madalas nakakaramdam ng pangungulila, kaya’t binibisita sila ng aming mental health team araw-araw, para ipadama sa kanila na hindi sila nag-iisa.”
Mula 2012 ay kabilang na si Karina sa Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF). Tulad ni Therese, sa gitna man ng malalagim na pangyayari’y hindi nawawalan ng pag-asa si Karina. “Naniniwala ako na ang bawat tao ay may karapatang mabigyan ng mahusay na medical at surgical care. Dahil sa Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF), nakatutulong ako sa mga may pinakamalaking pangangailangan, nang di nakokompromiso ang kalidad ng serbisyo. Nakapunta ako sa mga lugar na di man lang naiisip puntahan ng iba upang mapangalagaan ang mga taong maglalakad ng ilang araw para lamang kumonsulta sa duktor. Mahalaga ito lalo na sa ganitong panahon, kung kailan may pandemya, at sa isang bansang nasa gitna ng krisis sa ekonomiya. Masayang isipin na ang mga taong malamang ay nabawian na ng buhay dahil wala silang pambayad para sila’y mapagaling mula sa COVID-19 ay may pagkakataong magpagamot nang libre sa aming ospital.”
Dagdag pa niya, “Ang makita ang mga mukha ng mga pasyente kapag sila ay pinayagan nang umalis sa ospital, at ang marinig ang kanilang pasasalamat para sa aming serbisyo ay nakakataba ng puso.”
Karina Marie Vera Aguilar has been working with Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) since 2012. She has worked in projects from Pakistan and Yemen to Haiti and Afghanistan. In 2020 she finished her mission for Doctors Without Borders Bamenda project in Cameroon, where she served as Medical Activity Manager. After that, she worked in Lebanon.