Skip to main content
    illustrations of mental health

    Hindi Ka Nag-iisa:

    Pagsuporta sa Kalusugang Pangkaisipan ng mga Migranteng Manggagawa

    Magkasamang humaharap sa mga hamon, binabasag ang stigma ng kalusugang pangkaisipan.

     

    Kalusugang Pangkaisipan at Migrasyon

    Ang kalusugang pangkaisipan ay kasinghalaga ng pisikal na kalusugan.  Kadalasan, ang mga migranteng manggagawa ay nahaharap sa mga hamon sa lipunan, ekonomiya, at sa kapaligiran na nagdudulot ng negatibong epekto sa kanilang kalusugang pangkaisipan. Ang mga isyu ng pagiging malayo sa kanilang mga mahal sa buhay, mga pagkakaiba sa wika at kultura, di pantay na estado sa lipunan, di mabuting kapaligiran sa pagtatrabaho, at mga di kanais-nais na kondisyon ng pamumuhay ay maaaring magdulot ng mga damdaming gaya ng pagkakabukod, pagkabalisa o matinding pagkalungkot na makadadagdag sa panganib ng pagkakaroon ng mga kondisyong kaugnay ng kalusugang pangkaisipan.

    Mga Bagay na Dapat Mong Malaman Ukol sa Kalusugang Pangkaisipan 

    Tulad ng pisikal na kalusugan, ang kalusugan ng isip ay mahalaga para sa pangkalahatang kagalingan.

    Ang lahat ng tao— anuman ang kanilang edad, kalagayan, o hanapbuhay— ay maaaring makaranas ng mga hamon sa kalusugang pangkaisipan. Ang pangangalaga sa iyong kalusugang pangkaisipan ay mahalaga para sa pagkakaroon ng makabuluhang buhay.

    MAINAM NA MAPAG-USAPAN ITO

    Ang kalusugang pangkaisipan ay isang paksang di natin dapat iwasang pag-usapan. Ang pagbabahagi ukol sa mga nararamdaman, mga pinagdaaranang pakikibaka, at iba pang mga nararanasan sa mga pinagkakatiwalaang kaibigan, kamag-anak o mga mental health professional ay mahalagang bahagi ng pagpapanatili ng kalusugang pangkaisipan. Ang pagbabahagi ay makatutulong sa pagbawas ng pakiramdam ng pagkabukod. 

    Illustration of emotions

    Mga Karaniwang Sintomas ng mga Isyu Kaugnay ng Kalusugang Pangkaisipan 

    • Nakararamdam ng matinding pagkalungkot o kawalan ng pag-asa nang walang malinaw na dahilan, at nararamdaman ng matagal ang mga damdaming iyon.
    • Pakiramdam na ikaw ay walang kuwenta o nababagabag ang konsensya.
    • Nababalisa o nag-aalala tungkol sa mas maraming bagay kaysa ibang tao
    • Pakiramdam na ang iyong mga kaisipan ay kontrolado ng iba, o nawawalan ka ng kontrol sa iyong mga naiisip
    • Malimit na nakakaramdam ng galit, madalas na pag-iyak, o pagkakaroon ng matinding reaksyon sa mga pangyayari
    • Matinding pagkatakot—pagkatakot na hindi makatuwiran o mas matinding takot ang nararamdaman kaysa ibang tao
    • Lubhang nababahala ukol sa mga pisikal na sintomas o kaanyuan
    • Pag-iwas sa pakikisalamuha  o pag-iwas sa mga relasyon
    • Pagbabago (kawalan o sobra) ng  gana sa pagkain, pagbabago (pagbaba o pagtaas) ng timbang, o pagbabago sa uri ng tulog (sobra o kulang).

    Mga kondisyong kaugnay ng kalusugang pangkaisipan

    Mga Karamdaman ng Pagkabalisa
    Kasama sa mga karamdaman ng pagkabalisa ang mga di nawawalang takot, pag-aalala, at tensyon na maaaring makahadlang sa pang-araw-araw na pamumuhay at sa pangkalahatang kagalingan. Ang mga damdaming ito ay maaaring magdulot ng makahulugang pagkabagabag at maaari nitong maapektuhan ang kakayahan ng isang taong kumilos nang maayos. May iba’t ibang uri ng karamdaman ng pagkabalisa, gaya ng generalized anxiety disorder, kung saan ang mga indibidwal ay nakararanas ng palagiang pag-aalala; panic disorder, kung saan nakararanas ng biglaang matinding pagkatakot (mga panic attack); social anxiety disorder, kung saan nakararamdam ng takot sa mga sitwasyong kailangang makihalubilo sa ibang tao; at separation anxiety disorder, kung saan nakararamdam ng matinding takot na malayo sa mga mahal sa buhay.
     
    Sa kabutihang-palad, mayroong mga epektibong sikolohikal na lunas para sa mga ito, at sa ilang kaso, nakatutulong rin ang mga gamot, depende sa edad ng pasyente at kung gaano kalala ang kanyang kondisyon.
    Depresyon

    Ang depresyon ay higit sa paminsan-minsang pagbabago ng mood o mga pansamantalang pagtugon sa mga hamon ng buhay. Para sa mga migranteng manggagawa sa Taiwan, ang pagiging malayo sa pamilya, ang pangangailangang makibagay sa ibang kultura, at ang pagharap sa stress sa trabaho ay maaaring mauwi sa depresyon. Kapag nangyari ito, ang isang tao ay maaaring makaramdam ng hindi nawawalang kalungkutan, kahungkagan, o pagiging iritable. Maaari rin siyang mawalan ng interes sa mga aktibidad na dati’y nagpapasaya sa kanya sa loob ng halos isang araw o hindi bababa sa dalawang linggo. Ang iba pang mga sintomas ay hirap sa pagtutok, nakapupuspos na pakiramdam ng pagkakasala o mababang pagtingin sa sarili, kawalan ng pag-asa para sa kinabukasan, pagbabago sa tagal ng pagtulog o gana sa pagkain, at matinding pagkapagod. Ang depresyon ay maaari ring mauwi sa panganib ng pagnanais na magpatiwakal.

    Ngunit, mayroon namang maaaring makuhang tulong. Ang mga sikolohikal na lunas ay maaaring maging epektibo, at sa ilang kaso, maaari ring irekomenda ang pagpapainom ng gamot nang naaayon sa pangangailangan ng pasyente at sa kalubhaan ng mga sintomas.

    Post-Traumatic Stress Disorder (PTSD)
    Ang mga migranteng manggagawa na nakaranas ng mga traumatikong kaganapan, bago man o sa gitna ng kanilang paglalakbay, ay maaaring magkaroon ng PTSD. Ang kondisyong ito ay nagdudulot ng muling pagkabuhay ng kanilang traumatikong karanasan sa pamamagitan ng mga flashback, bangungot, at di nawawalang takot na nakasasagabal sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Ang pag-iwas sa anumang makapagpapaalala ng trauma at ang gising na gising na kamalayan ukol sa panganib ay mga karaniwan ding sintomas. Ang PTSD ay maaaring gamutin sa pamamagitan ng mga psychological therapy na makatutulong sa mga pasyenteng magkaroon muli ng pakiramdam ng kaligtasan at pagkakaroon ng kontrol.

    Ano ang maaari mong gawin?

    Ang pangangalaga sa iyong kalusugang pangkaisipan ay mahalaga, lalo na sa mga panahong puno ng stress. Narito ang ilang mga simpleng gawain na maaari mong simulan ngayon:

    illustration of emotions

    Bigyang-pansin ang iyong mga Nararamdaman

    Bigyang-pansin ang iyong nararamdaman. Okay lang na makaramdam ng stress, pagkabalisa, o galit—ang pagkilala sa iyong mga nararamdaman ay ang unang hakbang sa pagharap sa mga ito.

    illustration of communication

    Kausapin ang mga Taong Iyong Pinagkakatiwalaan

    Ang pagbabahagi sa iyong mga kaibigan, kamag-anak, o sinumang pinagkakatiwalaan mo ay makatutulong sa paggaan ng iyong dinadala. Hindi mo kailangang pagdaanan ang mga ito nang mag-isa.

    illustration of exercising

    Mag-ehersisyo!

    Ang pisikal na aktibidad, kahit palakad-lakad lang o pag-uunat, ay makatutulong upang pabutihin ang iyong mood at makadagdag sa iyong enerhiya. Ito rin ay mainam na paraan upang matanggal ang stress.

    Illustration of thankfulness

    Tukuyin ang mga Bagay na Dapat Mong Ipagpasalamat

    Ang pagpapasalamat ay maaaring makapagpabago ng iyong kaisipan. Kada araw, subukang mag-isip ng isa o dalawang bagay na ipinagpapasalamat mo, kahit na maliliit lamang ito. Ang mga pagsasanay sa pagsasaalang-alang at pagpapasalamat ay makatutulong sa iyong manatiling kalmado.

    illustration of journaling

    Gumawa ng Talaarawan 

    Ang pagsusulat ng mga naiisip mo at nararamdaman ay makatutulong sa pagproseso ng iyong mga emosyon at sa paglinaw ng iyong kaisipan. Ang pagkakaroon ng talaarawan ay isang simple ngunit makapangyarihang instrumento para sa pangangalaga ng sarili at magsisilbing gabay sa iyong mga iniisip.

    illustration of expressing yourself

    Ipahayag ang Sarili sa Pamamagitan ng Pagguhit at Pagkulay

    Ang mga malikhaing gawain gaya ng pagguhit at pagkulay ay mahusay na mga paraan upang maipahayag mo ang iyong nararamdaman. Ang sining ay magandang paraan upang maipahayag ang iyong mga emosyon kapag hirap kang makahanap ng mga salita. Gumuhit, magpinta, o magkulay upang dumaloy ang iyong pagiging malikhain at matanggal ang stress.

    Activity book How Do You Take Care of You? Filipino

    Gamit ang mga hakbang na ito, lumikha kami ng Wellness Activity Book na puno ng mga nakatutuwa at madaling gawing mga pagsasanay na binuo upang mapabuti ang kagalingan ng iyong kaisipan. Maaari mong i-download o i-print ito, o di kaya’y gamitin ang mga halimbawa sa activity book sa iyong sariling talaarawan!                 

    Ang mga hindi dapat gawin

    Ang pangangalaga sa iyong kalusugang pangkaisipan ay mahalaga, ngunit minsan, may mga ginagawa tayong lingid sa ating kaalaman ay maaaring makapagpalala ng sitwasyon. Narito ang ilang mga dapat iwasan kapag nahaharap sa mga hamon sa kalusugang pangkaisipan:

    illustration of negative coping mechanism

    1
    2
    3

    Huwag Masanay sa mga hindi Makabubuting Paraan ng Pagharap sa Suliranin

    Ang pag-inom ng alkohol, ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot, o iba pang di makabubuting paraan ng pagharap sa stress ay magdudulot lamang ng mas maraming suliranin sa pangmatagalan. Maaaring pansamantala nitong mapabuti ang iyong pakiramdam, ngunit hindi ito ang solusyon para sa pinag-uugatan ng iyong suliranin.                       

    Huwag Ibukod ang Iyong Sarili

    Kapag ika’y nalulumbay, kadalasa’y gusto mong mapag-isa, ngunit ang pagbubukod mo sa iyong sarili mula sa mga kaibigan at mga mahal sa buhay ay maaaring makapagpalala pa sa sitwasyon. Panatiliin ang pakikipag-ugnay sa mga tao, kahit sa pamamagitan lamang ng tawag sa telepono o pagpapadala ng maikling mensahe.             

    Huwag Ikumpara ang Iyong Sarili sa Iba

    Ang paglalakbay ng bawat isa sa atin ay naiiba. Ang pagkumpara sa iyong sitwasyon sa iba ay maaaring lalong makapagpasama sa iyong nararamdaman. Pagtuunan ang sarili mong kagalingan, at gumawa ng maliliit na hakbang sa sarili mong bilis upang bumuti ang iyong pakiramdam.