Skip to main content

    Kagalakan sa pagtulong sa kapwa

    An MSF nurse seen with colleagues in Sierra Leone

    Si Eliza Chang kasama ang kanyang mga MSF teammates sa Sierra Leone. © MSF

    Para kay Eliza Chang, 32, walang kapantay ang saya ng pagtulong sa kapwa. Kaya naman hindi nakapagtatakang sumali siya sa Doctors Without Borders/Mèdecins Sans Frontiéres (MSF). 

    An MSF nurse treats a patient in Sierra Leone

    Ginagamot ni Eliza Chang ang isang pasyente ng MSF sa Sierra Leone. © MSF 

    Ayon kay Eliza, madali para sa isang nurse na tulad niya ang magkaroon ng komportableng buhay sa mga tinatawag na first world at developed countries, pero ang gusto niya talaga ay ang makatulong sa mga nangangailangan.  

    "Kahit na pare-pareho naman dapat ang mga pasyente, mas malakas ang hatak sa akin ng mga walang pagkakataong mabigyan ng health care.” 

    "Mas nakahahanap ako ng saysay at kaligayahan sa pagsali sa medical missions at sa pagkakaroon ng pagkakataong makipag-ugnayan sa mga tao,” paliwanag niya. 

    Nagtatrabaho ngayon si Eliza sa South Sudan bilang Nursing Activity Manager ng MSF sa loob ng siyam na buwan. 

    Ayon kay Eliza, kahanga-hanga  ang mga kasamahan niya sa MSF. Ang mga hamon ng pagbibigay ng healthcare services sa mga liblib na lugar ang nag-uudyok sa kanya para abutin ang kanyang humanitarian goals.  

    Kakaibang karanasan para sa alumna na ito ng Universiti Sains Malaysia ang una niyang MSF field assignment sa Sierra Leone, isang bansa sa timog kanlurang bahagi ng West Africa.  

    Bagama’t lumaki siya sa Malaysia, kung saan sama-samang namumuhay ang iba’t ibang lahi, naging hamon pa rin sa kanya ang pakikitungo sa mga tao mula sa iba’t ibang bansa, na may iba’t ibang kultura.  

    "Ang mga bagay na itinuturing nating natural o naangkop ay maaaring hindi tama para sa iba. Dahil dito’y natuto akong mas maging bukas sa pagpapahayag kung anong nasa isipan ko, at sinisikap ko ring huwag umasang mababasa nila ang naiisip ko.” 

    Kinuwento rin niya ang kanyang mga regular na pagbisita sa iba’t ibang klinika at pagpunta sa mga outreach activities na mararating lamang sa pamamagitan ng mabato at maputik na daan. 

    Minsan, ang makakalusot lang sa daan papunta roon ay motorsiklo. 

    "Ang sakit ng mga kalamnan ko at may mga pasa ako kapag pumupunta ako sa mga klinika at sa outreach activities. Inaabot kasi ng apat na oras o higit pa, balikan,” sabi pa niya. 

    Bagama’t nakapapagod pumunta roon, determinado siyang makarating sa komunidad matapos niyang malaman na naglalakad ang mga taga-roon nang ilang oras para makarating sa pinakamalapit na pagamutan. Hindi lahat sa kanila ay umaabot pa. 

    "Doon ko napagtanto na masuwerte ako’t ipinanganak ako at lumaki sa isang bansa kung saan madaling makakuha ng medical care. Isang patunay ito ng kasabihang, ang mga di mo pinapahalagahan ay maaaring ipinagdarasal ng iba.”  

    Nagtrabaho rin si Eliza sa isa sa mga proyekto ng MSF laban sa COVID-19 sa Hong Kong, kung saan nagbahagi sila ng kaalamang pangkalusugan. Tumulong rin siyang mangasiwa ng mental health support at mga workshop. 

    Ang pagmamahal ni Eliza sa humanitarian work ay nararamdaman din ng kakambal niyang si Grace Loo. 

    “Hinihintay na lang ni Grace ang pagtatapos niya sa Australia. Kapag sigurado nang maayos lahat, sasali na rin siya sa MSF sa susunod na taon.” 

    Sina Eliza at Grace ay di pinalaki nang magkasama.  Nagkahiwalay ang kambal mula pa noong ipinanganak sila at pinadala sa dalawang magkaibang lugar. 

    Dahil sa kakulangan sa pera nang sila’y ipinanganak, kinailangan silang ipamigay ng kanilang mga magulang. Si Eliza ay pinadala sa Raub at si Grace naman ay napunta sa isang pamilya sa Singapore. 

    Nagkaroon lang sila uli ng koneksyon nang mahanap nila ang isa’t isa sa Facebook, mga pitong taon na ang nakararaan. 

    "Pareho kami ni Grace na may kagustuhang makapagsilbi sa mga  nangangailangan bago pa man kami nagkakilala. Nangako kami sa isa’t isa na pareho kaming sasali sa MSF at magiging lehitimong 'Twins Without Borders," sabi niya. 

    Categories