Isang click para sa libo-libong tao: Kung paano nakatulong ang Rohingya sa pag-angat ng kamalayan ukol sa COVID-19
isang screenshot mula sa MSF broadcast para sa R-vision. © R-vision/MSF
Dumating ako sa Malaysia bilang Doctors Without Borders/Mèdecins Sans Frontiéres (MSF) advocacy manager noong Nobyembre 2019, mga dalawang buwan bago nagsimulang maghasik ng lagim ang COVID-19 sa buong mundo.
Sa aming proyekto sa hilagang bahagi ng bansa, nagbibigay kami ng healthcare sa mga refugees at asylum-seekers, partikular na sa mga kabilang sa Rohingya, isang grupong etniko.
Nang dumating ang pandemya sa Malaysia, nakita namin ang mga hamong hinarap ng grupong ito. Marami sa kanila ang nag-atubiling sumailalim sa COVID-19 testing dahil sa stigma, o ang panghuhusga ng mga tao. Naroon din ang takot na sila’y arestuhin at pansamantalang ipiit kapag sila’y magpapagamot. Kasabay nito’y patuloy ang paghahanap nila ng pagkakakitaan upang mapakain ang kanilang mga pamilya. Marami sa kanila ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa mga pagbawal na may kaugnayan sa coronavirus. Dagdag pa rito ang hindi pagsali sa kanila sa mga COVID-19 information campaign.
Kinailangan naming maging malikhain sa paghahanap ng mga paraan para masuportahan sila at matiyak na makakarating sa kanila ang mga impormasyon ukol sa COVID-19.
Salamat sa mismong mga Rohingya, nakahanap kami ng solusyon.
Hindi opisyal na kinikilala ng Malaysia ang refugee status at di rin nila pinirmahan ang 1951 Refugee Convention. Ito ang dahilan kaya umaasa na lamang ang mga refugees at asylum seekers sa suporta ng mga NGOs at ng publiko para sa kanilang mga pangangailangan, kasama ang pangkalusugan.
Ngunit nang nagsimula ang pandemya, maraming pasyente ang nawalan ng pagkakataong magpatingin o kumonsulta dahil sa mga pagbabawal sa pagbiyahe, at dahil hinarangan ng mga awtoridad ang mga daan.
Nagdala ito ng isa pang problema. Nagsimula na ang aming medical teams sa pagbibigay ng health education ukol sa COVID-19, pero nag-aalala kami na maraming tao ang di namin maaabot at di mabibigyan ng mahalagang impormasyon.
Noong una, ang stratehiya namin ay nakasalalay sa mga poster at voice messages na ipapadala namin sa pamamagitan ng messaging apps na ginagamit din ng maraming organisasyon pero ito’y hindi sapat.
Nang magtanong-tanong kami sa komunidad, marami ang di nakakaalam ng aming mga mensahe.
Ang problema
Kailangan naming maunawaan kung bakit di epektibo ang ginagawa namin. Bakit hindi nakakarating ang aming mga mensahe sa komunidad, gaya ng inaasahan?
Nalaman naming hindi pinagkakatiwalaan ng mga tao ang maraming voice messages. Kung saan-saan at kung kani-kanino ito galing, hindi lang mula sa mga NGO, at minsan ay magkakasalungat pa ang binibigay na impormasyon.
Bilang isang humanitarian affairs team, nagsumikap kaming intindihin ang mga pangangailangan at mga inaalala ng komunidad. Inalam din namin ang mga balakid sa healthcare. Makakatulong ito sa pagtataguyod naming mabigyan sila ng proteksyon at pangangalagang medikal. Kinuha namin ang impormasyon mula sa mismong komunidad. Dahil dito, lumawak ang aming karanasan sa pagsasagawa ng survey at pagkuha ng mga testimonya.
Ipinasya naming suportahan ang medical team. Nagtulungan kami sa pagsasagawa ng survey sa aming mga pasyenteng Rohingya, at sa mas malaking komunidad upang mas maunawaan namin kung paano sila maaabot, at malaman kung saan sila kumukuha ng impormasyon.
Walang tiwala
Nalaman naming hindi pinagkakatiwalaan ng mga tao ang maraming voice messages. Kung saan-saan at kung kani-kanino ito galing, hindi lang mula sa mga NGO, at minsan ay magkakasalungat pa ang binibigay na impormasyon.
Hindi na nila alam kung alin ang paniniwalaan. At habang may mga taong masyadong maraming natatanggap na mensahe, may mga walang natatanggap na kahit anong impormasyon.
Posibleng solusyon
Matapos tayong tulungan ng komunidad na maunawaan ang problema,ano ang solusyon?
Marami sa mga nakausap namin ang nagmungkahing gamitin namin ang R-vision sa pagbibigay ng impormasyon. Ang R-vision ay isang online media network kung saan wikang Rohingya ang ginagamit. Kinontak namin ang R-vision upang sila’y kilalanin.
Isang kabanata tungkol sa COVID-19 awareness na ginawa para sa R-vision. © MSF
Sa pamamagitan ng YouTube at Facebook, naaabot ng R-vision ang mga komunidad ng Rohingya sa buong mundo. Ang mga post nila ay nakikita di lang sa Malaysia, ito rin ay pinapanood sa Saudi Arabia, Myanmar at maging sa mga kampo sa Bangladesh, kung saan kahit paputol-putol ang Internet connection ay dina-download ang kanilang mga video para ipakita sa iba.
Sa aming survey, tinanong namin ang komunidad kung ano ang alam nila tungkol sa virus, at kung may partikular silang pinoproblema tungkol sa pandemya. Base sa kanilang mga sinabi, napagpasyahan naming gumawa ng apat na health educational videos tungkol sa COVID-19 na nasa wikang Rohingya, at ito ang ibabahagi namin sa pamamagitan ng R-vision.
MSF sa ere
Ang paggawa ng mga video ay naging posible lang dahil sa malaking papel na ginampanan ng mga Rohingya volunteers sa Malaysia, na gumugol ng ilang oras para isalin sa kanilang wika ang mga scripts, at para magsanay bilang aming news anchors sa harap ng kamera.
Tinalakay namin ang prevention measures, ipinaliwanag ang tamang paghugas ng kamay, isolation at kung paano gumawa ng sariling mask. Inilaan namin ang isang video para sa mental health, at kung paano natin susuportahan ang isa’t isa ngayong pandemya.
Malinaw na ipinapakita nito na kailangan nating makinig lagi sa komunidad na gusto nating suportahan. Sila ang makakapagsabi kung ano ang mga kulang sa kanilang kaalaman, ano ang kanilang mga pangangailangan, at kung paano ipapaabot sa kanila ang ating mensahe.
Sa tulong ng isang videographer na taga-roon, nagtayo kami ng sarili naming “studio” sa bahay ng isa naming kasamahan. Salamat sa suporta ng MSF Amsterdam, nakagamit din kami ng mga larawan at pictograms.
Sa bawat video, kinonsulta namin ang aming mga pasyente para malaman namin kung nailalahad namin ang mensahe nang tama.
Matinding epekto
Paagdating ng Setyembre, inere ang mga video namin sa R-vision. At sa mga sumunod na linggo, nakita namin ang pagdami ng views nito sa YouTube.
Naabot namin ang bilang na gusto naming maabot: humigit-kumulang 5,000 views.
Pero patuloy pa rin itong umakyat hanggang 10,000, at umabot pa ng 25,000 views. Hindi pa kasama roon ang offline views – may mga tao kasing nag-download ng video, at ipinapapanood ito sa iba.
Ibinahagi sa maraming tao ang videos na ito. Nakita pa nga naming ginagamit ito ng ibang organisasyon sa refugee camps sa Bangladesh para sa health education.
Paghahanda ng makeshift studio. © MSF
Sa kanilang mga reaksyon sa YouTube, sinabi ng mga Rohingya kung paano nila nagamit ang kanilang mga natutunan upang protektahan ang kanilang mga sarili. Tinatanong rin nila kung puwede pa kaming gumawa ng iba pang video tungkol sa ibang bagay.
Dahil sa kanilang mungkahi, pinag-aaralan namin ang posibilidad ng paggawa ng panibagong serye ng mga video sa unang bahagi ng 2021.
Ang natutunang aral
Umaasa kaming magiging matagumpay ang aming proyekto, pero higit pa roon ang aming nakamit.
Ang mga volunteer na nasa videos ay nakatanggap ng mga mensahe mula sa komunidad at Facebook requests mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Malinaw na ipinapakita nito na kailangan nating makinig lagi sa komunidad na gusto nating suportahan. Sila ang makakapagsabi kung ano ang mga kulang sa kanilang kaalaman, ano ang kanilang mga pangangailangan,at kung paano ipapaabot sa kanila ang ating mensahe.
Sa mga susunod na hakbang, titiyakin naming pag-iibayuhin pa namin ang pagkonsulta sa kanila at hihingin namin ang opinyon nila tungkol sa mga ginagawa namin. Makakatulong ito sa pagpapabuti ng aming serbisyo.
Sama-sama kami
Sa mga balitang pandaigdigan, walang gaanong mababasa o maririnig tungkol sa Rohingya sa Malaysia. Karamihan sa mga ulat ay tungkol sa Rakhine State sa Myanmar, sa Rohingya Genocide case ng International Court of Justice, o sa pinakamalaking refugee camp sa mundo, ang Cox’s Bazar sa Bangladesh.
Pero umaabot ng 100,000 hanggang 200,000 ang mga Rohingya rito. Lulan ng mga maliit na bangka, tumawid sila sa Andaman Sea at pumarito sa Malaysia. Ibang-iba man ang kanilang pamumuhay rito kumpara sa refugee camp, malaking suporta pa rin ang kailangan nila.
Ang mga marginalised communities gaya ng Rohingya sa Malaysia ang pinakamadaling maapektuhan sa panahon ng krisis, kaya’t kadalasa’y sila ang pinagtutuunan ng mga proyekto ng MSF.
Ngayong may pandemya, huwag natin silang kalimutan, at tiyakin nating kabilang sila sa public health response upang labanan ang pagkalat ng sakit.
Tulad ng nakita natin sa proyektong ito, bagama’t nasa mga organisasyong gaya ng MSF ang mga mapagkukunang-yaman, kailangang ipagsama ang mga ito at ang ekspertong kaalaman ng mismong komunidad upang matiyak nating ang ating gagawin ay magkakaroon ng malaking epekto sa kanila.
Elko Brummelman is currently on assignment as Advocacy Manager with MSF in Malaysia.
Previously, he worked in MSF's office in Amsterdam. Before joining MSF he worked with organisations focusing on inclusive approaches for the humanitarian sector and community engagement.