Ang Paghilom ng Mga Sugat na Dala ng Karahasang Sekswal sa Central African Republic
Ang mga manika na ginamit ng mga bata sa Tongolo service, sa hospital sa Bangui, CAR, upang ipakita kung saan sila naantig. Ang Tongolo ay nangangahulugang 'bituin' sa Sango, ang lokal na wika. Napili ito bilang isang pangalan ng pag-asa para sa proyekto ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) na tumutugon sa karahasang sekswal at family planning. Ang proyekto ay nakalagay sa tatlong magkakaibang lokasyon sa kabiserang lungsod, isa sa mga ito ang ospital ng pamayanan. Larawan mula sa Nobyembre 30, 2020. © Adrienne Surprenant / Collectif ITEM
Sa isang bansang dumaan sa ilang taon ng digmaang sibil at may kinakaharap na pangmatagalang krisis, ang panggagahasa ay ginagawa di lamang ng mga kabilang sa mga armadong grupo; kadalasan, ito’y ginagawa ng dati nang kakilala ng biktima. Sa pagdaan ng mga taon, bumuti na ang kakayahan ng mga biktimang makakuha ng pangangalagang medikal at sikolohikal. Gayunpaman, hindi pa rin sapat ang ginawang pagtugon kung ihahambing sa laki ng pangangailangan.
Pagkatapos akong gahasain, gusto ko nang magpakamatayCharlotte*, survivor, edad 18
Si Charlotte ay mula sa Bangui, ang kabisera ng CAR. Nang namatay ang kanyang ina, inabandona siya ng kanyang ama kaya’t napilitang makitira si Charlotte sa kanyang tita at tito. Isang araw, nang umalis ang lahat maliban sa kanyang tito, pinagsamantalahan nito si Charlotte. Nang sinumbong niya ito sa kanyang tita,hindi siya pinaniwalaan nito. Sa kanyang pag-iisa, pakiramdam niya ay wala siyang karamay. Lumapit siya sa mga pulis, ngunit wala silang naitulong. Pagkatapos makausap ang kanyang pinsan na itinuturing na niyang kapatid, nagdesisyon siyang maghanap ng makatutulong sa kanya.
Nang dumating si Charlotte sa Tongolo support centre, kitang-kita ang panghihina ng kanyang katawan at kalooban. Ang centre ay pinatatakbo ng Médecins Sans Frontières/Doctors Without Borders (MSF). Tongolo ang tawag sa bituin sa wikang Sango, at tumutukoy rin sa pag-asa, gaya ng pagkislap ng bituin sa madilim na langit. Isa si Charlotte sa mahigit 6,000 survivors ng karahasang sekswal na nakatanggap mula sa MSF ng pangangalagang medikal, sikolohikal, at psychosocial mula nang sinimulan ang proyektong Tongolo sa Bangui noong 2017.
Si Célestin (di totoong pangalan) ay nag-pose para sa isang larawan sa Tongolo center noong ika-27 ng Nobyembre 2020. Si Célestin, isang bulag na tao, ay tumugon sa isang lalaki na humingi ng tulong. Nang mag-isa sila sa bahay isang gabi, ginahasa at binugbog siya ng lalaki. Umalis siya sa lalong madaling panahon, at nagtungo sa Tongolo center, na nabalitaan niya sa radyo.
Wala sa hinagap ni Célestin*, isa pang survivor mula sa Bangui, na mararanasan niya ang isang sitwasyong nagdulot sa kanya ng matinding trauma. Inalok lang niya ng masisilungan ang isang taong akala niya’y kilala niya, hanggang dumating ang isang gabing hindi niya malilimutan.
“Natutulog na ako no’n, at bigla na lang siyang sumulpot. Halatang may masama siyang intensyon,” paglalahad ni Célestin. “Lasing siya, ay pinuwersa niya akong gumawa ng mga bagay na ayaw kong gawin. Nakaramdam ako ng panic. Takot na takot ako. Binugbog niya ako, pero nagawa kong tumakas.
Noong una’y nakabahay ang centre sa dalawang magkaibang istruktura sa Bangui, ang Bédé-Combattant at ang Hôpital Communautaire, hanggang sa binuksan ng Doctors Without Borders ang Tongolo centre noong Agosto 2020 malapit sa Parc du Cinquantenaire sa pamayanan ng Lakouanga. Napupunan ng bagong centre ang mga pagkukulang ng mga lumang istruktura, at nakalaan ang kabuaan nito sa mga survivor ng karahasang sekswal.
Mga kababaihan at menor de edad, mga grupong pinaka-naaapektuhan ng karahasang sekswal
Karamihan sa mga survivor ay nakatira rin sa Bangui, isang siyudad kung saan nakatira ang 890,000 sa 4.5 milyong Central Africans. Ngunit isa sa bawat apat na pasyente rito ay galing sa labas ng siyudad, at ang maliit na porsiyento nito, na patuloy na tumataas, ay mula sa mga liblib na pook sa mga ibang probinsiya sa bansa.
“Sinisikap ng proyektong Tongolo na makapagbigay ng de-kalidad at libreng programa ng kumpletong pangangalaga para sa lahat,” paliwanag ni Bilge Öztürk, ang project coordinator. Dagdag pa niya, ginawa nilang angkop ang mga serbisyo para sa mga lalaki, mga bata,at mga kabataan.
Bagama’t ang karamihan sa mga pasyente ay mga kababaihan (mahigit 1,900 noong 2020, o 95 porsiyento ng kabuuang bilang), may 111 din na lalaking humingi ng tulong sa programa noong nakaraang taon. 52 porsiyento ng survivors ay mga menor de edad, na ayon sa medical adviser ng Tongolo na si Axelle Franchomme, ay nakababahala, lalo pa’t naniniwala silang ang mga datos na nakakalap sa Tongolo ay kumakatawan sa problema ng karahasang sekswal sa ibang mga bahagi ng bansa.
Ang mga menor de edad ang pinakamalapit sa panganib, at nangangailangan ng pinakasensitibong pangangalaga dahil unti-unti pa lang nilang binubuo ang kanilang pagkakakilanlan araw-araw,batay sa kanilang mga karanasan. Kapag di sineryoso, ang mga naranasan nilang karahasan ay mag-iiwan ng bakas sa kanilang buhay at magdudulot ng pangmatagalang epekto sa kanilang kinabukasan.
Si Nanette ay nagpose para sa isang larawan sa Bangui, CAR, noong ika-11 ng Disyembre 2020. Umuwi siya sa kanyang bayan upang siyasatin ang karahasan noong 2014. Doon, nakita niya ang mga baboy na kumakain ng mga bangkay, at ang mga katawan ng kanyang mga magulang sa isang ilog. Kumukuha siya ng mga tala at imahe, dahil alam niyang na mahalaga na idokumento ito. Nang siya ay napalibutan ng isang pangkat ng mga kalalakihan, nasapawan siya at ginahasa nila siya.
Ang grupo ni Nanette, National Association for the Support of Free Women and Girls (ANAP), ay gumagawa ng reinsertion ng panlipunan at pang-ekonomiya para sa mga survivor, at nag-aalok ng suporta sa psycho-social at pinapagaan ang sanggunian sa Tongolo center ng Doctors Without Borders. Habang nag-iipon ng mga kwento at file ng mga nakaligtas, sinusundan din ni Nanette ang kanilang mga kaso sa mga Karapatang Pantao at mga organisasyong hustisya na aktibo sa Central African Republic. © Adrienne Surprenant / Collectif ITEM
Isang talamak na krisis na pabor sa karahasang sekswal
Dahil ang CAR ay ilang taon nang winawasak ng sibil na digmaan, at ang mga alitan ay naging mas matindi pa mula noong Disyembre, ang mga mamamayan nito’y paulit-ulit na napipilitang lisanin ang kanilang mga tirahan. Paulit-ulit din silang nakararanas ng matinding karahasan at pang-aabuso ng kanilang mga karapatang pantao. Dahil dito’y naging usapin ng pampublikong kalusugan ang karahasang sekswal.
Noon, ang kadalasang tinutukoy ng mga survivor na lumapastangan sa kanila ay mga armadong lalaki. Pero ngayon, sa pagbubukas ng programa sa mas malaking sektor ng lipunan, karamihan sa mga tinutukoy na salarin ay mga taong malapit sa biktima—mga kaibigan, kapitbahay, o kamag-anak. Noong 2020, 56 porsiyento ng mga kumonsulta sa Doctors Without Borders staff ay nagtapat na kakilala nila ang lumapastangan sa kanila. Sa muling pagsiklab ng karahasan sa bansa noong Disyembre 2020, napalitan ang takbo ng mga pangyayari at ang mga armadong personalidad na naman ang mga salarin.
Kahit na tapos na ang mismong akto ng karahasang sekswal, nagpapatuloy pa rin ang kalbaryo ng biktima.
“Para sa kanilang pamilya, kapag kamag-anak ang tinukoy na salarin ng biktima, ang may kasalanan ay ang inabuso. Hindi nila naiisip na maaaring inaabuso din sila,” paliwanag ni Aimé-Césaire, isang mental health counsellor. “Lagi nilang sinisisi ang taong inabuso, kahit na ito’y nahihirapan na sa sitwasyon at walang kakayahang maipagtanggol ang kanilang sarili laban sa lumapastangan sa kanila.
Mapapansin din ito sa paraan ng paglalahad ng mga pasyente ng kanilang mga karanasan. Sa ilang mga wika sa Central Africa, di ginagamit ang salitang ‘rape’ dahil itinuturing itong kahiya-hiya at di dapat sinasabi.
Ayon kay Gisela Silva, mental health supervisor, `“Ang pananatiling walang imik ay nauuwi sa mga wasak na ambisyon, watak -watak na pamilya, pagkakaroon ng sakit, mga hindi maayos na ugnayan, at pagkasira ng buhay.”
“Karapat-dapat na bigyan ang survivor ng respeto at suporta ng kanilang pamilya,subalit kadalasa’y di ito nangyayari,” dagdag ni Aimé-Césaire.
Si Aimé Césaire Likosso ay tagapayo sa kalusugang pangkaisipan sa proyekto ng Doctors Without Borders na Tongolo, sa Bangui, CAR. Tinuturo niya ang mga detalye sa mga guhit na ginawa ng mga nakaligtas sa sekswal na pag-atake sa bata. Ang mga bata at kababaihan ay ang mga grupong pinaka-mahina laban sa karahasang sekswal sa bansa. Larawan mula ika-30 ng Nobyembre 2020. © Adrienne Surprenant / Collectif ITEM
Mga di-nakikitang galos
Kabilang sa mga di-nakikitang kinahihinatnan ng mga karanasan ng karahasang sekswal ang post-traumatic stress disorder, pagkabalisa, at matinding kalungkutan. May mga nakakaisip din, at may mga nagtatangka pang magpakamatay. Samantala, di pa rin ito pinag-uusapan , at sa karamihan ng mga kaso, ang mga survivor ay pinagbabawalang magsalita tungkol sa kanilang pinagdadaanan dahil sa kahihiyang dadalhin nito sa pamilya.
Kadalasa’y mapayapang nareresolba ang problema sa komunidad,o sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya , at kinakalimutan na ang aspeto ng pagiging medical emergency ng nangyari.
Para sa mga survivor na lalaki, mas kumplikado ang sitwasyon. Marami ang natatakot magsalita at kakaunti lang ang nangangahas na pumunta sa mga pasilidad ng Tongolo. Nag-aalangan silang humingi ng tulong dahil sa pangambang huhusgahan sila ng komunidad.
Sa ganito kasalimuot na kapaligiran, ang pagkuha ng psychosocial support ay mahalaga upang mapigilan o mabawasan ang posibilidad ng pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip at paghihirap ng kalooban dahil sa mga karahasang sekswal. Ang mga survivor na nagpapakita ng sintomas ay kinakailangang kumonsulta agad sa isang sikolohista o sa isang psychiatrist.
Dahil ang kalusugan ng katawan at isip ng mga survivor ay hindi maihihiwalay sa kanilang mga ugnayan sa mundong ginagalawan nila, kinakausap din sila ng isang social worker.
Layunin nating samahan sila sa kanilang paglalakbay tungo sa paggaling, at tulungan silang malutas ang kanilang mga problema at magkaroon ng sapat na lakas para balikan ang kanilang buhay.Axelle Franchomme, medical adviser
Mahalagang humingi agad ng tulong
Matapos ang panggagahasa, kailangang mabigyan ang biktima ng gamot laban sa HIV at iba pang sexually transmitted infections, at ng mga bakuna kontra-hepatitis B at tetanus nang di lalampas sa tatlong araw pagkatapos ng pangyayari. Ngunit noong 2020, 26 porsyento lang ng mga pasyenteng sinuri ng Doctors Without Borders ang dumating nang hindi sosobra sa 72 oras matapos silang gahasain. Ang pagbibigay-kaalaman ng health workers at mga patalastas sa radyo ay mga paraan ng pagpapataas ng kamalayan ng mga komunidad sa pangangailangang ito.
"Narinig namin sa radyo na kailangan naming pumunta sa Tongolo centre sa lalong madaling panahon, upang malutas nila ang aming mga problema," sabi ni Celestin.
"Ang mga biktima ay nagkaroon na ng trauma bago pa man sila lumapit sa amin, kaya mahalagang mapagaan namin ang ibang isyu na maaari nilang maranasan kaugnay ng kanilang kalusugan," sabi ni Franchomme.
Kapag nabigyan na ng mga gamot ang pasyente, kailangan silang papuntahing muli upang matiyak na sumsunod talaga sila sa dalas at dami ng iniinom na gamot, at makaiwas sa posibleng side effects o mga kumplikasyon. Ang mga babaeng pasyente’y binibigyan din ng emergency contraception upang maiwasan ang pagbubuntis, at binibigyan din sila ng impormasyon sa mga maaaring gawin kaugnay ng family planning upang maiwasan ang stigma na kaakibat ng isang supling na bunga ng panggagahasa.
Si Didier Mango ay social worker na nagtatrabaho sa ward ng Tongolo sa ospital ng Bangui. Bilang isang social worker, palagi niyang sinasabi sa mga tao ang kahalagahan ng pagpunta sa loob ng tatlong araw mula sa isang sekswal na pag-atake upang maiwasan ang karamdaman at mga hindi ginustong pagbubuntis. Susi din para sa kanya na "makita kung paano tayo magbabago, at magbigay ng kontribusyon sa social reinsertion ng biktima." Kuha ang larawan noong ika-30 ng Nobyembre 2020. © Adrienne Surprenant / Collectif ITEM
Mga natuklasang pangangailangan
Bagama’t ang paghingi agad ng tulong at ang pagbahagi ng nakapanlulumong karanasan sa mga espesyalista sa mental health ay parehong mahalaga sa paghilom ng mga nakikita at di-nakikitang sugat na likha ng karahasang sekswal, ang pagtataguyod ng kinabukasan ng biktima pagkatapos ng masamang pangyayari ay isang gawaing di-biro dahil sa mga pangangailangang legal at socioeconomic.
Iilan lang ang mapagkukunan ng serbisyo sa ganitong larangan sa bansa, at may problema ng walang kaparusahan para sa karahasang sekswal. Dagdag pa rito, ang mga paglilitis ay nagaganap lang sa kabisera.
Sa Tongolo centre, may inilaang espasyo para sa mga lokal at pandaigdigang organisasyon na ang kadalubhasaan ay nasa legal protection, edukasyon, at socioeconomic support. Maaaring makakakuha ng tulong rito ang mga survivor, at nasa isang lugar lang ang lahat ng mga serbisyong maaaring kailanganin nila. Ang pagtutulungan ng iba’t ibang grupo ay pagtitibayin pa ngayong taon.
Ang iba pang mga hamon ay ang pansamantalang curfew at mga paghihigpit sa paglalakbay na itinakda ng pamahalaan dahil sa mga kaguluhan sa pulitika. Halimbawa, kung dati’y nakakapunta ang mga survivor sa Hôpital Communautaire sa gabi para umiwas sa stigma, mula Enero 2021 hanggang sa mga dadating na buwan ay di na ito maaari.
Mahaba pa ang daang ating tatahakin upang matukoy, mabigyang lunas, at mabigyan ng suporta ang lahat ng survivor ng karahasang sekswal sa CAR.
***
Ang Doctors Without Borders ay nasa CAR na mula noong 1997, kung saan nagsagawa sila ng 13 proyekto sa Bangui, Bria, Bangassou, Bambari, Kabo, Batangafo, Paoua, Bossangoa at Carnot. Ang karahasang sekswal ay ginawa nang bahagi ng lahat ng proyekto. Ang Tongolo team, kasama ng emergency mobile team na Eureca, ay nakikisangkot na rin sa ibang mga lugar sa bansa na nakararanas din ng karahasan, kasama na ang karahasang sekswal. Ang pinakahuling lugar ay ang Liton , noong Enero 2020.
*Pinalitan ang mga pangalan ng mga pasyente upang sila’y maprotektahan.