Takot at kawalan para sa mga taong tumatakas sa karahasan sa Cabo Delgado
Sa nagdaang ilang araw, daan-daang mga tao ang dumating sa kabisera ng lalawigan ng Pemba, Cabo Delgado, tumatakas mula sa karahasan sa Palma noong nakaraang linggo. Mozambique, 2021. © Amanda Furtado Bergman/MSF
Ang mga pag-atake sa Palma, lalawigan ng Cabo Delgado sa hilagang-silangan ng Mozambique, nung pagtatapos ng Marso ay nagdulot ng libu-libong tao mula sa kanilang mga tahanan. Ang mga taong tumakas ay nagtungo sa Afungi - may 25 kilometro ang layo - at gayundin ang Pemba. Ngayon, marami pa rin ang nagigipit sa takot, na walang balita tungkol sa kung nasaan ang kanilang mga mahal sa buhay. Maraming pamilya ang nagkahiwalay noong ang mga tao ay inilikas mula sa Afungi, dahil binigyan ng priyoridad ang mga kababaihan, bata, matatanda at may kapansanan at ang mga malubhang nasugatan.
Tinatayang 90 porsyento ng mga tao na nakarating sa Pemba ay naninirahan sa mga kamag-anak at kaibigan. Ngunit maraming walang matuluyan, at sila'y nangangarap makasama muli ang mga naiwan. Ang mga tauhan ng Doctors Without Borders kamakailan ay tumulong sa dalawang kababaihan na nahuli sa krisis, at narito ang kanilang mga kwento.
- Margrete: “Takot kami habang nasa Palma. Nabubuhay kami nang may pangamba.”
© Amanda Furtado Bergman/MSF"Gusto kong mahanap na ang aking asawa para makapagsimula kaming muli at makita namin kung paano uusad ang aming mga buhay," sabi ni Magrete, na lumikas mula sa kanilang tahanan noong sinalakay ang Palma kamakailan. Sa kasalukuyan, siya ay nakatira sa isang pansamantalang masisilungan sa isang stadium sa Pemba, ang kabisera ng probinsiya ng Cabo Delgado sa Mozambique.
"Bandang alas-tres ng hapon noong ika-24 ng Marso nang nakatanggap ako ng tawag mula sa asawa ko," pahayag ni Magrete. "Binalaan niya ako na masama na ang sitwasyon, at kailangan ko na raw lisanin ang aming bahay kasama ang aming mga anak at makipagtagpo sa kanya sa kanilang opisina. Pero di pa kami nakakaalis ng bahay, narinig na namin ang mga nagpuputukang mga baril. Nagtakbuhan kami papunta sa opisina ng asawa ko, at nagtago kami kasama ng iba pang mga tao sa kanilang bakuran. Napagtanto agad naming di kami ligtas sa aming kinaroroonan, kaya’t naghanap ng paraan ang asawa ko na maitakas kami ng mga anak ko. Tinulungan niya kaming sumampa sa bakod, at ayun, nagtakbuhan na kami. May ilang hindi nakatakas. Di namin alam kung namatay sila, o nadakip."
"Nagawi kami sa bandang labas ng Palma,sa may tabing-dagat. Doon kami namalagi ng dalawang araw. Sa pangatlong araw, kinailangan naming tumakas na naman dahil natunton nila kami. Nagtakbuhan kami sa baybayin papuntang Afungi; ang iba sa ami’y lumusong sa dagat, at di na umahong muli. Ilang araw kaming walang makain. Umiinom lang kami ng tubig sa maliliit na sapang nadaanan namin."
“Dumating kami sa Afungi nang sama-sama: ako, ang aking asawa, at ang dalawa naming anak. Pero pagdating ng bangkang magliligtas sa amin, sinabihan kaming kailangang maiwan ang asawa ko at kinabukasan pa maisasakay ang mga kalalakihan—prayoridad ang mga babae at mga bata. May mobile phone naman ang asawa ko, pero di ko siya makontak mula nang dumating kami rito. Hindi ko alam kung nasaan na siya o kung ano ang kalagayan niya."
"Takot kami habang nasa Palma, at namuhay kami nang may pangamba. Alam naming sinalakay na rin ang ibang mga pamayanan, dahil nawalan ako ng komunikasyon sa mga magulang kong nakatira sa Quinina, sa distrito ng Nangade (na ilang beses nang sinasalakay mula noong 2018). Yung isa kong pamangkin, kinidnap sa Palma. Di na namin alam kung nasaan siya. At ngayo’y maski ang asawa ko, di ko na makontak."
"Maghihintay ako rito nang ilang araw pa. Pero, pag di ko pa rin makontak ang asawa ko, kailangan ko ng tulong na makarating sa Mueda. Susubukan kong mahanap ang mga kamag-anak namin doon, baka sakaling mayroong may balita tungkol sa asawa ko. Gusto ko ring humingi ng tulong para sa mga taong naiwan sa Afungi. Kailangan silang madala rin dito. Gusto kong mahanap na ang aking asawa para makapagsimula kaming muli at makita namin kung paano uusad ang aming mga buhay."
- Zainabo: “Nawala ang lahat sa akin, pati ang panganay kong anak.”
© Amanda Furtado Bergman/MSF
Tatlo ang anak ni i Zainabo, isang inang kabilang sa maraming taong nawalan ng tirahan at kasalukuyang naninirahan sa isang stadium sa siyudad ng Pemba, ang kabisera ng probinsiya ng Cabo Delgado sa Mozambique. Dahil sa pagsalakay ng mga rebelde sa bayan ng Palma nitong nakaraang Marso, napilitan siyang tumakas upang mabuhay. Iniwan niya ang lahat, maging ang kanyang panganay na lalaki.
Habang tinatahak ko ang kalawakan ng stadium, kung saan nagbibigay ang mga MSF teams ng pangangalagang medikal, tinawag ako ni Zainabo. Sabi niya, "May karamdaman ako. Masakit ang aking puso." Nang tinanong ko kung anong nangyari, ito ang kinuwento niya sa akin.
"Noong 2006, nilisan ko ang Nampula at lumipat sa Mocimboa da Praia," kuwento ni Zainabo. "Nagtayo ako ng maliit na negosyo, nagbenta ako ng mga pagkain at inumin. Pero nang sinalakay ang Mocimboa da Praia [noong 2020], napagdesisyunan kong lumipat sa Palma. Ipinagpatuloy ko ang aking negosyo doon, at nagkaroon naman ng maayos na kabuhayan. Ngunit dahil sa naganap na pagsalakay doon, nawala ang lahat sa akin, pati ang panganay kong anak na lalaki. Nagkahiwalay kami, at di ko na alam kung nasaan siya ngayon."
"Magkakasama kami noong nangyari ang pagsalakay. Noong narinig namin ang putukan, nataranta kami at nagtakbuhan papunta sa iba’t ibang direksyon. Natumba ako sa bakuran, kung saan naroon ang dalawa kong nakababatang anak."
"Nilisan namin ang Palma, at pumunta sa Afungi [mga 25 kilometro ang layo].Takot kami pero umaasang may matatanggap na tulong sa Afungi. Ang lakad pa lang papunta doo’y napakahirap na, isang milagro na lang na nakaya namin iyon. Tuwing nakakarinig kami ng putok ng mga baril ay nagtatatakbo kami. Sa kabutihang-palad, nakarating rin kami.”
"Dumating kami ng bunso ko rito [sa Pemba], lulan ng helicopter. Sumunod ang anak kong babae sakay ng bangka. [Nang sinabi kong naiwan pa ang panganay ko], sinabihan akong kailangan na naming umalis, at sila na lang raw ang maghahanap sa kanya. Kinunan nila ako ng larawan at sinabing kapag nahanap na siya’y ipapakita nila ang larawan, at malalaman niya kung nasaan kami, Binigyan nila ako ng numerong matatawagan upang makibalita kung natagpuan na siya. Pero wala naman akong telepono."
"Di ko na alam ang gagawin ko. Walang-wala ako. Wala akong pamilya sa Nampula, kung saan ako ipinanganak. Matagal na akong umalis doon. May mga anak pa akong inaalagaan, at nag-aalala ako dahil wala pa kaming matitirhan. Sa ngayon, dito kami namamalagi. Pero kailangan ko ng tulong."
"Hindi ko kayang bumalik sa Palma. Nakita ng sarili kong mga mata ang karahasan. Nawalan ako ng pamangkin, pinugutan siya ng ulo. Di na ako makababalik doon."
Maraming pamilya ang nagkawatak-watak noong nilikas ang mga tao mula sa Afungi. Binigyan ng prayoridad ang mga babae, bata, matatanda, mga may kapansanan, at ang mga lubhang nasaktan sa mga engkuwentro. Ang resulta nito’y maraming mga ina, asawa,at kapatid na babae, ang nag-iisa. Wala rin silang nakukuhang balita tungkol sa mga mahal nila sa buhay,dahil putol ang mga linya ng komunikasyon sa Palma at Afungi.*
Tinatayang nobenta porsiyento ng mga taong nawalan ng tirahan dahil sa naganap na pagsalakay sa Palma at nakarating sa Pemba ay nakikitira sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan. Pero ang mga walang kakilala roon ay tila walang patutunguhan, at nabubuhay sa pag-asang magkikitang muli ng kanilang mga iniwang mahal sa buhay.
Patient Stories
Sina Margrete at Zainabo ay dalawang babaeng tumakas sa Palma. Naalagaan sila ng Doctors Without Borders sa Pemba.