Peru: Exceptional mortality at ang napipintong pagbagsak ng mga ospital, sanhi ng COVID-19
Sinusuri ng kawani ng Doctors Without Borders ang mga gamot at kagamitan na kanilang natanggap upang suportahan ang kamakailang inilunsad na interbensyon ng COVID-19 sa lalawigan ng Huaura, hilaga ng Lima, Peru. Ang lokal na kapasidad para sa paggamot at oxygen therapy ay hindi sapat upang matugunan ang mga pangangailangan. © Jean-Baptiste Marion/MSF
Isang bago at walang-awang bugso ng COVID-19 ang nagpapahirap sa Peru nitong mga nakaraang linggo, at nagdulot ng pagsisiksikan sa mga ospital, at mataas na bilang ng mga namamatay. Isang malaking hamon pa rin ang pagbabakuna bilang tugon. Sumama ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa mga health authorities sa hilaga ng Lima upang maisaayos ang outbreak management doon.
Isang nakamamatay na bugso ng COVID-19 ang sumasaklot sa Peru, kung saan nahihirapan na ang mga ospital at nasa kritikal na antas na ang kakulangan ng oxygen supplies. Ang infection rates ay umaakyat dahil sa P1 variant, na kilala sa tawag na Brazilian variant. Ayon sa datos ng WHO[1], noong unang linggo pa lang ng Abril, ang Peru, na may populasyon ng higit-kumulang 33 milyon, ay nagtala ng halos 10,000 na bagong kaso at 300 ang namamatay kada araw. Ang bilang ng mga namamatay ay umakyat ng mahigit sa 50 porsiyento mula noong nakaraang linggo. Kaya naman ang bansang ito na ang may pinakamataas na bilang ng excess deaths sa buong mundo nang may pagsaalang-alang sa kabuuang populasyon[2].
Nasasagad na ang medical staff sa abot ng kanilang makakaya at higit pa, habang ang mga gamit sa intensive care ay hindi sapat para matugunan ang mga pangangailangan. Nakakapagpalala pa rito ang kawalan ng paraan upang makakuha ng bakuna: tatlong porsiyento pa lang ng populasyon ang nakatanggap na ng kahit isang turok ng bakuna. ang lahat ng ito ang nakapagpipigil sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan na magsagawa ng nararapat na pagtugon sa outbreak.
Ang biglang taas ng bilang ng mga pasyenteng may COVID-19
Matapos ang pagtatasa noong simula ng taon, nakipagtulungan ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa health authorities ng probinsiya ng Huaura, hilaga ng Lima upang maglunsad ng emergency intervention. Ang regional hospital sa Huacho, ang kabisera ng probinsiya, ,ay kulang na kulang sa staff na mag-aasikaso sa mga pasyenteng may COVID-19.
“May dalawang pangunahing layunin ang intervention na ito”, paliwanag ni Jean-Baptiste Marion, ang Doctors Without Borders head of mission. “Gusto naming makatulong na mapagaan ang pasanin ng Huacho hospital at ng lokal na sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang pantulong na pasilidad kung saan maaari kaming tumingin ng mga pasyenteng may COVID-19 at bigyan sila ng oxygen pag kinakailangan. Sa ngayon, maraming pasyenteng nasa kritikal ang kondisyon ang dinadala sa Huacho hospital, kung kaya’t napupuspos na ang pasilidad. Dagdag pa rito, nakikipag-ugnayan kami sa mga komunidad upang pagbutihin ang maagang pagtuklas ng sakit, at kilalanin ang mga pasyente at bigyan sila ng kinakailangang pangangalaga bago lumala at maging kritikal ang kanilang kondisyon.”
Tugon ng Doctors Without Borders
Sinusuportahan din ng Doctors Without Borders ang intensive care unit sa Huacho, upang maging mas maayos ang pangangasiwa sa mga pasyente at tumulong sa bawat hakbang sa daloy ng mga pasyente.
Ang stratehiya ng Doctors Without Borders ay nakasentro sa pasilidad na may 50 kama para sa in-patient treatment. Ito ay konektado sa Huacho hospital at sa mga health care centres. Kalahati sa mga kamang ito’y magagamit para sa clinically monitored isolation, habang ang kalahati nama’y para sa mga nangangailangan ng oxygen. Kasama na rito ang mga pasyenteng may malubhang kondisyon.
Sa buong bansa ay umabot na ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa 1.7 milyon, at mahigit 57,000 na ang namamatay[3]. sang isyu na naobserbahan ng Doctors Without Borders ay ang pag-aatubili ng mga taong magpatingin sa mga ospital , at sa halip ay pumupunta sila sa mga pribadong duktor, (na maaaring di makapagbibigay ng kinakailangang antas ng pangangalaga), o di kaya’y sinusubukan na lang nilang gamutin ang kanilang sarili. Ang kinahihinatnan nito ay nakapanlulumo: ang mga tao sa maraming siyudad ay magdamag na nakapila at natutulog sa labas para malagyan uli ang kanilang mga tangke ng oxygen, na kailangan upang maalagaan nila ang mga kapamilyang sa bahay lang nagpapagaling.
Nakisali ang Doctors Without Borders sa mga aktibidad na kaugnay ng community outreach ng mga lokal na opisyal upang matiyak na matutukoy nang maaga ang mga positibong kaso, at na nasa tamang direksyon sila sa simula pa lang ng kanilang pagtangggap ng pangangalagang medikal.
“Sa ngayon, prayoridad ang pagpapabuti ng screening at patient management,” pagwawakas ni Jean Baptiste Marion. “Ngunit hanggang di isinusulong ang pagbabakuna, mahirap umasang bubuti ang sitwasyon sa lalong madaling panahon.”
[2] Financial Times, “How excess deaths compare around the world since Covid-19 outbreaks began”. Excess deaths are defined as the number of deaths above the historical average for the period.
[3] Source : Ministry of Health, https://covid19.minsa.gob.pe/sala_situacional.asp