Di makawala ang mga asylum seekers sa nakapanlulumong pamumuhay sa Gambella, Ethiopia
Si Nyabol (binago ang pangalan) ay dumating sa Pagak noong Pebrero 2021, kasama ang tatlo sa kanyang mga anak at tatlong mga pamangkin. Tumakas sila sa Jonglei State ng South Sudan matapos mamatay ang kanyang kapatid na babae at ang kanyang bayaw sa inter-communal na labanan. Lahat sila natutulog sa labas, at ang 28-taong gulang na babae ay desperado at walang magawa. © MSF/Claudia Blume
Isa sa mga inaalala ng Médecins Sans Frontières ay ang sitwasyon ng libo-libong asylum seekers mula sa South Sudan na ilang buwan nang di makaalis sa nakapanlulumong kalagayan ng pamumuhay sa isang reception center sa rehiyon ng Gambella sa Ethiopia, kung saan di sila nakakakuha ng mga pangunahing serbisyo o pangangailangan tulad ng pagkain. Nangangamba ang MSF na lalala ang sitwasyon nila pagsapit ng tag-ulan.
Halos isang buwang naglakad si Nyaluak Tang*, kasama ang kanyang asawa at anim na anak, mula Jonglei State ng South Sudan hangang sa Pagak, isang pamayanan sa Ethiopian border kung saan dumating sila noong Agosto 2020. “Nilisan namin ang aming tahanan dahil sa matitinding baha sa aming distrito, na naging sanhi ng kawalan ng makakain, “ sabi ng tatlumpung taong gulang na ina. “Isa pang dahilan ay ang aming kaligtasan. Dinukot ang isa naming anak ng isa pang etnikong pangkat, kaya’t nangangamba kami para sa kaligtasan ng iba pa naming mga anak.”
Nagtungo ang pamilya sa Ethiopia sa pag-asang makakatira sila sa isang refugee camp, at doo ’y makakakuha rin ng pagkain, at isang ligtas na lugar kung saan sila maaaring mamalagi.
Mataas ang bilang ng mga asylum seekers at refugees sa Ethiopia. Sa rehiyon ng Gambella lamang ay mayroong mahigit sa 337, 000 refugees na nakatira sa pitong kampo. Ang pagpaparehistro at pagdadala sa ibang lugar ng mga bagong dating ay naantala nang ilang buwan dahil sa banta ng COVID-19, at iba pang mga hamon.
Walong buwan na sina Nyaluak at ang kanyang pamilya sa isang reception center sa Pagak, kahit na dapat, ang lugar na ito’y pansamantalang masisilungan lamang ng mga asylum seekers sa loob ng maikling panahon. Ang lugar na ito’y itinuturing na di nababagay gawing tirahan dahil bahain dito at masyadong malapit sa hangganan ng Ethiopia.
May mga 16,000 asylum seekers mula sa South Sudan, at lahat sila’y mga kabilang sa komunidad ng Nuer. Ang karamihan sa kanila’y mga kababaihan at mga bata. Nakatira sila sa maliliit na espasyo,na nababakuran at nakasiksik sa gitna ng mga pamayanan ng mga dati nang nakatira doon. Nakahihilakbot ang kondisyon ng kanilang pamumuhay.Libo-libong tao ang pinagkakasya sa mahigit-kumulang isang dosenang luma at sira-sirang gusali na mistulang kamalig lang. Karamihan sa kanila ay ni walang kutson o kumot man lang. At sila na ang maituturing na sinuwerte,dahil may daan-daang kababaihan at mga bata,kasama ang mga buntis at mga sanggol,na humihiga na lamang sa labas nang walang kahit na anong sapin o kumot na magsisilbing proteksyon nila mula sa mga elemento.Hindi rin kaaya-aya ang kondisyon ng kanilang kalinisan. Dahil laging puno ang mga palikuran, marami ang kung saan-saan na lang dumudumi.Noong Pebrero at Marso, ginamot ng MSF ang 1,233 na batang may acute watery diarrhea.
Dahil sa di sila rehistrado,ang mga asylum seekers ay walang paraang makakuha ng mga pangunahing serbisyo. Wala pa silang natatanggap na pagkain simula noong dumating sila sa Pagak. Lahat sila’y gutom.
Ang 45-taong gulang na Nyachuol (binago ang pangalan) ay naghahanda ng pagkain para sa kanyang mga anak--mga prutas galing sa kagubatan. Tumakas siya mula sa Upper Nile State ng South Sudan kasama ang kanyang tatlong bunso na mga anak, at nakarating sila sa Pagak noong Agosto 2020. Ang kanyang asawa ay pinatay habang nakikipaglaban. Ang apat pang mga anak niya ay nanatili sa South Sudan. Hindi niya alam kung nasaan sila. © MSF / Claudia Blume
“Nangunguha na lang ako sa gubat ng mga bunga at dahon na maaari kong lutuin para sa aking mga anak,”sabi ni Nyachuol Tut*, isang 45 taong gulang na ina. Sa iba’t ibang bahagi ng reception center, nagluluto ang mga kababaihan ng mga luntiang dahon sa mga ginawa lang nilang lutuan. Para sa marami, ito lang ang pagkain nila sa loob ng ilang buwan. Mayroon ding nangunguha ng mga panggatong na kahoy na naibebenta nila para sa kaunting halaga. Ito ang ipinambibili nila ng ibang pagkain.Pero may kaakibat ding panganib ang pagkolekta ng panggatong. “Minsa’y may nakita kaming mga sundalo mula sa South Sudan na tumawid ng ilog papuntang Ethiopia at binugbog nila kami,“ kuwento ni Nyachuol. Ayon din sa ibang asylum seekers, may dinukot na mga batang naglalaro sa ilog na nasa pagitan ng Ethiopia at South Sudan.
Marami sa mga ina ang di na malaman ang gagawin, tulad ng 28 taong gulang na si Nyabol Lam* na dumating sa Pagak nitong Pebrero. Ang single mother na ito’y tumakas mula sa Jonglei State kasama ang kanyang tatlong anak at tatlong pamangkin pagkatapos mapaslang ang kanyang kapatid at bayaw sa isang away sa pagitan ng mga komunidad. Ang pinakabata sa mga kasama niya ay isang taong gulang pa lang. Natutulog silang lahat sa labas. "Ni wala akong mga gamit na pangluto. Wala kaming makain. Tulog na lang nang tulog ang mga bata dahil wala silang lakas. Wala kaming mga damit,walang kumot. Walang tumutulong sa amin,” sabi niya.
Sa pagdating ng tag-ulan sa katapusan ng Abril, lalong lalala ang sitwasyon kapag wala silang nahanap na solusyon. Ngayon pa nga lang, dahil sa manaka-nakang pag-ulan ay nagmistulang lati na ang kampo. Kapag nagsimula na nang tuluyan ang tag-ulan, di na maaaring matulog sa labas ang mga tao. “Kapag umuulan, lahat kami’y sumisilong sa mga gusali,” paliwanag ni Gatluak Deng*, na bagama’t 67 taong gulang na’y natutulog sa labas kasama ang kanyang mga anak at mga apo.“ Dahil sa sobrang sikip, nakaupo lang kami buong gabi. Walang espasyo para humiga.” Bukod pa rito, dahil sa pag-ulan ay magiging mahirap din para sa kanila ang manguha ng mga panggatong, dahon at prutas mula sa gubat. Imposible ring makapagluto pa sila sa labas.
Dahil sa paminsan-minsang pagbuhos ng ulan, nagiging latian ang ibang bahagi ng site. Ang tubig na hindi umaagos na tubig ay pwedeng maging sanhi ng pagdami ng mga lamok. Ang sitwasyon lalong lalala pag nagsimula ang tag-ulan sa pagtatapos ng Abril. © MSF/Claudia Blume
Marami na ring naiipong tubig-ulan sa kanilang paligid, at dahil di ito dumadaloy, maaari itong pamugaran ng mga lamok.
“Ang malaria ay isa na sa pinakakaraniwang sakit ng mga batang wala pang limang taong gulang,”sabi ng MSF country director na si Audrey van der Schoot. ”Noong Pebrero at Marso, nagkaroon kami ng 593 na pasyenteng may malaria. Sa tingin namin, dadami pa ang mga kaso ng malaria kapag nagsimula na ang tag-ulan,pati na rin ang mga sakit na dala ng maruming tubig, gaya ng acute watery diarrhea.”
Noong Marso,may apat na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pagak reception center. Dahil sa kondisyon ng kanilang pamumuhay, at kawalan ng face masks at tamang infection prevention and control measures, mabilis na kakalat ang COVID-19 at iba pang nakahahawang sakit. Malamang , magiging mas malala pa ang sitwasyon kapag nagsimula na ang tag-ulan at ang lahat ng tao’y nagsisiksikan na sa iilang masisilungan.
"Kailangan nang tugunan ang sitwasyon. Kailangan nang pabilisin ang proseso ng pagpaparehistro ng asylum seekers, at ang pagpapatayo ng isang maayos na reception center sa isang angkop na lugar sa rehiyon, kung saan sila makatatanggap ng pagkain,proteksyon, at iba pang serbisyo," sabi ni van der Schoot. "Samantala, inuudyok namin ang ibang mga organisasyon na dagdagan pa ang pagtulong sa Pagak."
Nagsimula ang MSF ng mga gawaing medikal sa Pagak noong Pebrero 2021, at nagsagawa ng mahigit sa 6,870 medical consultations hanggang sa katapusan ng Marso. Asylum seeker man o dati nang residente ng lugar ay parehong ginagamot ng MSF. Ang lima sa mga pinakakaraniwang sakit ng mga batang wala pang limang taong gulang ay acute watery diarrhoea, upper and lower respiratory tract infection, malaria at eye infections.
*Pinalitan ang mga pangalan