Afghanistan: “Mahirap malaman na mababa ang tingin nila sa amin”
Doctors Without Borders' staff walk down the corridor in the female inpatient department at the Doctors Without Borders-supported Boost hospital. Afghanistan, 2022. © Oriane Zerah
Bagama’t ang mga health worker, tulad ng mga nasa staff ng Doctors Without Borders, ay kasalukuyang hindi kasali sa pagbabawal na ito, walang pormal na pahayag mula sa pamahalaan upang makatiyak na sila’y maaaring magpatuloy sa kanilang mga trabaho. Sa konteksto ng kanilang pagsalalay sa suporta ng mga humanitarian at non-governmental organization, ang pakikilahok ng mga babaeng NGO worker ay talagang kinakailangan. Mahigit sa 51% ng medical staff ng Doctors Without Borders sa Afghanistan ay mga babae.
Matapos ikondena ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang desisyon ng Islamic Emirate sa isang press release noong ika-29 ng Disyembre 2022, ilan sa mga babaeng empleyado ng organisasyon ay nagpahayag din ng kanilang mga agam-agam para sa kanilang kinabukasan at ng kanilang pagkasiphayo sa pagbabawal na ito.
Women wait in the triage area of the emergency room at the Doctors Without Borders-supported Boost hospital. Afghanistan, 2022. © Oriane Zerah
"Sa ospital, marami kaming pasyenteng babae. Kapag nagkasakit sila o kailangang manganak, kailangan nila ng mapupuntahan. Kung pipigilan ng Taliban ang mga babae sa pagtatrabaho, wala nang makakapag-alaga sa kanila," sabi ni Farzaneh*, isang babaeng empleyado ng Doctors Without Borders na Afghan. "Ang kalusugan ng isang babae ay nakakaapekto sa kalusugan ng buong pamilya: kung walang paraang makakuha sila ng mgs serbisyong pre-natal at post-natal, maging ang buhay ng kanyang mga anak ay malalagay sa panganib. Hindi lang ang mga babae ang naapektuhan ng mga pagbabawal na ito. Ito’y nakakaapekto sa buong bansa."
Sabi naman ng isa pang Doctors Without Borders staff member: "Kapag ang pagbabawal na ito ay pinatupad din para sa mga health worker, mahihirapan din ang mga babaeng pasyente. Maraming mga pamilya ang hindi papayag na lalaki ang titingin o gagamot sa mga babae. Ang lahat ng ito ay nakakasama sa mga babaeng Afghan, kabilang sa maidudulot nito ay ang pagtaas ng maternal at infant mortality."
Dagdag pa sa pagpapaigting ng mga kasalukuyang isyu sa pagkuha ng humanitarian assistance, ang pagbabawal ng Islamic Emirate ay nagpapalala sa nakababahalang sitwasyon ng lipunan at ekonomiya sa isang bansang paralisado ng kawalan ng trabaho at mga parusang ipinataw ng mga dayuhang pamahalaan partikular na ang administrasyon ng Estados Unidos, na siyang may hawak ng karamihan sa pondo ng Afghan Central Bank. "itong tao sa aking pamilya ang sinusuportahan ko. Kapag nawalan ako ng trabaho, walang susuporta sa pamilya namin," paliwanag ni Benesh, isa pang babaeng staff ng Doctors Without Borders sa Afghanistan. "Maraming mga babae sa Afghanistan ang breadwinner ng kanilang mga pamilya dahil ang mga lalaki’y hindi makapagtrabaho, o kinailangang lumikas mula sa bansa, o di kaya’y namatay na. Araw-araw kong iniisip kung anong gagawin ko kapag hindi na ako pahihintulutang magtrabaho."
Doctors Without Borders' nurses in a consultation room on the women's side of our drug-resistant tuberculosis (DR-TB) hospital in Kandahar city, Kandahar Province. Afghanistan, 2022. © Lynzy Billing
Ang mga babae at ang mga bata ay kabilang sa pinakamahihinang grupo sa Afghanistan, at ang mga saloobin na ipinahayag ng mga babaeng staff ng Doctors Without Borders ay nararamdaman din ng ibang babaeng Afghan. "Ang pagbabawal na ito ay nakakaapekto na sa pag-iisip ng maraming babae at ang kanilang mga pamilya. Araw- araw, nangangamba kami na ito na ang huling araw naming makapagtrabaho. Maging ang pagpunta sa opisina ay pahirap nang pahirap na. Ang mga nasa checkpoint ay naghahanap ng kahit anong dahilan upang mapagbawalan ang mga babaeng kumilos nang may kalayaan. Halimbawa, nang nagkasakit ang kapatid kong babae kamakailan lang at kailangan niyang pumunta sa ospital para magpatingin, hinarangan siya dahil wala raw siyang mahram o kasama. Nakatayo lang siya roon ng mga limampung minuto, sa gitna ng taglamig. Pinayagan lang siyang umalis noong dumating ang kapatid naming lalaki upang samahan siya. Mahirap malaman na mababa ang tingin nila sa amin."
"May isa pa akong gustong sabihin sa mga taong magbabasa nito: huwag ninyong kalimutan ang mga kababaihan sa Afghanistan," sabi ni Soraya, isa pang babaeng Afghan na katrabaho namin. "Walang lipunan na uunlad kung hindi magtutulungan ang mga babae at mga lalaki. Lahat tayo’y kailangang makisangkot sa ating mga komunidad upang mapabuti ang buhay natin."
*Ang mga pangalan ng mga babae sa ulat na ito ay pinalitan para sa kanilang proteksyon.