Skip to main content

    Nagsimula ang Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) sa Pilipinas noong 1984. Mula noon, nagtrabaho kami sa Luzon, Visayas at Mindanao, upang tumulong sa gitna ng mga kalamidad, at upang labanan ang tuberculosis, HIV/AIDS, at COVID-19.  
     

    Timeline: Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) sa Philippines

    • 1984: Ang mga unang proyekto sa Pilipinas ay nagbigay ng tulong medikal bilang tugon sa mga pangangailangang pangkalusugan, dala ng mga emergencies at natural na kalamidad. 
    • 1989 hanggang 1995: Isang proyekto para sa pagkontrol ng tuberculosis ang inilunsad sa Davao City.
    • 1992: Isang proyekto sa Metro Manila ang naglayong mabigyan ang mga batang lansangan ng medical, psychosocial at socio-legal assistance. 
    • 1996 hanggang 1999: Naglunsad kami ng STI/HIV/AIDS prevention and control project sa Davao City. 
    • 1998: Nagbigay kami ng karagdagang suporta sa health care project para sa mga batang lansangan, water and sanitation at pharmacy cooperative projects.  
    • Hulyo 2000: Nagsimula kami sa pagbibigay ng tulong sa mga populasyong naapektuhan ng kaguluhan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).  
    • 2012: Sa pakikipagtulungan ng Department of Health, nagpadala kami ng mobile clinics sa mga naapektuhan ng bagyo sa Cagayan de Oro at Iligan City.  
    • 2013: Nagbigay ang MSF ng tulong pagkatapos ng pananalanta ng bagyong Haiyan.  
    • 2015: Pumirma ng kasunduan ang MSF at ang Department of Health upang mabigyan ng reproductive health services ang mga nakatira sa slums ng Maynila. 
    In Tondo, Manila, MSF worked with local NGO Likhaan. This photo was taken in 2019, before the pandemic. ©Melanie Wenger

    Sa Tondo, Manila, nakipagtulungan ang MSF sa Likhaan, isang lokal na NGO. Ang larawang ito’y kuha noong 2019, bago ang pandemya. © Melanie Wenger 

    • October 2016: Nakipagtulungan kami sa Likhaan, isang lokal na NGO, sa pagbibigay ng integrated sexual and reproductive health care and services sa Maynila.  
    • October 2017: Nagsimula kaming magbigay ng suporta sa Department of Health sa Marawi City, matapos ang sagupaan.  
    • 2018: Nagsagawa kami ng humigit-kumulang 18,000 na konsultasyon. Kabilang rito ang mahigit 12,000 tungkol sa kontrasepsyon, pangangalagang medikal para sa 65 biktima ng karahasang sekswal at 1,700 na konsultasyon bago at pagkatapos manganak.  
    • 2020: Sinuportahan ng MSF ang contact tracing sa komunidad, at tumulong sa pagsasatupad ng IPC measures sa mga pasilidad na pangkalusugan na nagbibigay ng pangangalaga sa mga pasyenteng may COVID-19.  
    • Hunyo hanggang Oktubre 2020: Nagsimula kaming magbigay-suporta sa San Lazaro Hospital sa Maynila sa pamamagitan ng pagbibigay ng human resources, PPE, biomed equipment at ng pharmacy.  
    • Hulyo 2020: Nagsagawa ang MSF ng COVID-19 mobile information drive kung saan nagpalaganap kami ng mga mensaheng pangkalusugan sa mga malapit sa panganib na populasyon ng Marawi. Nagbigay rin kami ng pagsasanay sa mga taong nagsasagawa ng COVID-19 surveillance.
    • November 2020: Dalawang magkasunod na bagyo ang tumama sa Pilipinas. Nagsagawa kami ng pagsasanay sa infection prevention and control (IPC) kaugnay ng COVID-19. Nagbibigay din kami ng personal protective equipment (PPE) sa mga nasa evacuation centres. 
    • December 2020: Pagkalipas ng limang taon, ang mga gawain sa Lila Clinic ay ipinasa na namin sa Likhaan.   
    SRH project, Philippines, 22 June, 2019 © Melanie Wenger

    Si Nicole, 18, at ang kanyang anak sa kanilang tahanan sa District 121, Tondo, Manila. Kakakuha lang niya ng contraceptive implant sa Lila Clinic, na pinapatakbo ng lokal na NGO, Likhaan, sa isang partnership kasama ang Doctors Without Borders. Pilipinas, 2019 © Melanie Wenger

    • 2021: Sa pakikipagtulungan sa Manila Health Department, inilunsad namin ang isang proyekto para sa tuberculosis (TB) sa Tondo, upang tugunan ang mga hamon sa screening at paggamot na pinalubha ng pandemyang sanhi ng COVID-19.  
    • Enero hanggang Marso 2022: Nagbigay kami ng mga tulong medikal at humanitarian sa mga komunidad sa mga liblib na isla ng Dinagat, Siargao at iba pang karatig-lugar, na siyang pinakanaapektuhan ng bagyong Rai (na kilala sa Pilipinas bilang bagyong Odette).  
    • 2022: Sa Tondo sa Maynila, pinalawak namin ang aming mga aktibidad para sa paghahanap ng mga kasong isasama sa aming proyekto para sa TB sa tulong ng computer-aided diagnostics. Upang harapin ang stigma at mga maling akala tungkol sa sakit na ito, nagpatupad ang proyekto ng mga aktibidad para sa pagsusulong ng kalusugan at edukasyon ukol sa tuberculosis. Ang mga pasyenteng kumpirmadong may TB ay sumailalim sa paggamot sa mga health center ng pamahalaan.   
    A grandmother watches as Doctors Without Borders TB doctor, conducts a medical evaluation of her grandson. Philippines, 2023. © Ezra Acayan

    Tinitignan ng doktor na si Trisha Thadhani ang isang batang lalaki. Ang lola nito ay may TB. Marso 2023 © Ezra Acayan

    Pagsuporta sa sexual at reproductive health services para sa mga dukha ng Maynila 

    Noong 2015, pinag-ibayo ng pamahalaang Pilipino ang pakikibaka sa cervical cancer. Binigyan nila ang prayoridad ang mga kababaihan mula sa mga pinakamahirap na rehiyon ng bansa. Kinumpirma ng isang pag-aaral na ginawa ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ang pangangailangan para sa sexual and reproductive healthcare sa mga mahihirap na komunidad sa Tondo sa Maynila, ang kabisera ng Pilipinas. 

    Noong 2016, nakipagtulungan kami sa Likhaan, isang lokal na non-government organisation (NGO) upang suportahan ang isang klinika na nagsasagawa ng screening para sa cervical cancer at cryotherapy, pati na rin mga ibang serbisyong para sexual health at family planning. Namahagi din kami ng impormasyon na may kaugnayan sa sexual health tulad ng mga kaalaman tungkol sa sexually transmitted infections. Nagsagawa rin kami ng konsultasyon at libreng panggagamot.  

    Mula 2016 hanggang 2020, halos 12,000 na babae ang sumailalim sa screening, kabilang na ang 6,400 na dinanas ito sa kauna-unahang pagkakataon. Sa tulong ng Manila City Health, inilunsad ang unang pagbabakuna noong Pebrero 2017. Mahigit 25,000 na batang babae edad 9 hanggang 13 ang nabakunahan. 

    Noong 2019, sa ilalim ng proyektong ito, isinagawa ang 35,600 outpatient consultations at 1,120 antenatal consultations. Dagdag pa rito ang 15,049 family planning sessions at ang screening ng 4,352 na kababaihan.

    Sa loob ng limang taon, sinuportahan ng proyekto ang San Andres at Tondo, dalawa sa may pinakamalaking populasyon sa mga naghihikahos na komunidad sa Maynila. Sa pagtatapos ng 2020, inilipat na sa Likhaan ang pangangasiwa ng proyekto.  

    A session on sexual violence level in the Lila Clinic, Manila. ©Melanie Wenger

    Isang sesyon tungkol sa karahasang sexual sa Lila Clinic, Manila. © Melanie Wenger

    Kuwento ng pasyente: Pagsagip ng mga di-nakikitang buhay  

    "Napapanood natin sila sa telebisyon, ang mga namamatay nang maaga dahil sa kanser sa matris," paliwanag ni Mary Jane. 

    Pinag-ibayo ng pamahalaan ang pagsusumikap upang magapi ang cervical cancer sa mga bayang rural, pero ang Tondo ay nasa Maynila,na sentro ng ekonomiya ng bansa. Kaya naman parang di nakikita si Mary Jane. 

    Pinapunta ni Mary Jane ang kanyang anak at pamangkin upang mabakunahan. Dahil alam na nila ang tungkol sa nakamamatay na sakit, alam nilang kahit nakakatakot ay kailangan nilang magpabakuna.  

    Noong unang pagkakataon daw, kinabahan ang pamangkin ni Mary Jane. "Hindi ako makatingin sa karayom. Nakatingin lang ako sa nanay ko." 

    Pagbibigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan pagkatapos ng paglusob sa Marawi 

    Noong Mayo 2017, isang grupong konektado sa IS ang lumusob sa Marawi, sa timog na bahagi ng bansa. Nagsagupaan ang grupo at ang hukbong sandatahan ng Pilipinas. Tumagal ang kaguluhan ng limang buwan at mga 370,000 na residente ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan.  

    Nang humupa na ang tensyon, tiniyak ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) na ang mga lumikas ay may access sa libre at malinis na tubig, na mahalaga sa pagpapanatili ng kalinisan upang mapigilan ang paglaganap ng sakit. Nag-organisa ang mental health counsellor ng psycho-social activities para sa mga nababagabag sa mga nasaksihang karahasan. Ang stress ay nakaapekto rin sa mga bata, kaya’t nag-organisa ng mga play therapy sessions upang maramdaman uli nila na sila’y mga bata pa rin.   

    Supporting mental health after the Marawi siege ©Melanie Wenger

    Pagsuporta sa mental health pagkatapos ng paglusob sa Marawi. © MSF 

    Mula noong natapos ang kaguluhan noong Oktubre 2017, nagkaroon ng outbreak ng tigdas, dengue at polio. Pagkatapos ng paglusob, nagbigay agad ang MSF ng medical human resources at supplies sa siyudad ng Marawi. Mula noong huling bahagi ng Oktubre hanggang sa katapusan ng Disyembre 2018, umabot sa 2,300 ang mga pasyenteng napangalagaan ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF). 

    Pagkalipas ng mahigit  tatlong taon, may mga 70,000 pa ring namumuhay sa mga pansamantalang masisilungan na hindi kanais-nais ang kondisyon, at itinatayang may 50,000 na nakikitira sa mga kamag-anak nila.  

     Sa kasalukuyan, sinusuportahan namin ang tatlong health centers sa lugar sa pamamagitan ng pagbibigay ng mental healthcare, paggamot ng mga di-nakakahawang sakit, at pagbigay ng libreng gamot.  

    Primary healthcare in Marawi ©Veejay Villafranca/MSF

    Pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa Marawi. © Veejay Villafranca/MSF

    Kuwento ng Pasyente: Displaced 

    Buong buhay niya, nasa Marawi si Sobaida Comadug, 60.  Inilarawan niya ang mga hamong hinaharap nila araw-araw: ang kakulangan ng tubig; ang layo ng pansamantala nilang tirahan sa palengke; at ang mataas na halaga ng mga pagkain. Ang lahat ng ito’y tumutulak sa mga taong bumili na lang ng ready-to-eat meals, kahit na ang rekomendasyon ng mga doktor ay mga sariwa at masustansyang pagkain ang dapat isabay sa paggamot ng mga di- nakakahawang sakit. 

    "Mas mahirap magluto ng masustansiyang pagkain. Malayo kami sa mga naglalako ng mga gulay at prutas. At kahit na makabili kami, wala naman kaming malinis na tubig para mahugasan ang mga iyon," kuwento ni Sobaida. 

    Ang pagdating ng medical teams isang araw matapos ang pananalanta ng Bagyong Haiyan  

    Noong 2013, dahil sa bagyong Haiyan—isa sa mga pinakamalakas na bagyong naitala sa kasaysayan—mahigit 6,300 ang kumpirmadong nasawi at apat na milyong tao ang nawalan ng tahanan. Ang mga imprastruktura ay napinsala o di kaya’y tuluyang nawasak, at ang mga emergency supplies ay tinangay ng baha. Napakaraming pangangailangang medikal, at malaki ang tsansang magkaroon ng outbreak ng nakakahawang sakit.  

    A health worker treats a paediatric patient. ©MSF

    Ginagamot ng isang health worker ang isang batang pasyente. © MSF 

    Isang araw matapos tumama sa lupa ang bagyo, nakapagpadala na agad ang Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières ng mga tao sa mga apektadong lugar. 

    Ito ang mga nagawa at naipamahagi ng MSF: 11,624 surgical interventions; 29,188 na bakuna laban sa tetano, tigdas, polio at hepatitis; 27,044 mental healthcare at counselling sessions; 2,445 na sanggol ang ipinanganak;133 na lugar ang nagkaroon ng mobile clinics; isang semi-permanent hospital ang naitayo; pitong ospital ang naayos; 71,979 relief kits, 50,000 food packs, at 14,473,500 na litro ng tubig ang naipamahagi.

    Sa kabuuan, nakapagpadala kami ng 1,855 tonelada ng cargo at halos 800 relief workers sa bansa.  

    Kuwento ng Pasyente: Kapag Nawala ang Lahat 

    "Nang tumama ang bagyo sa lupa, pumunta kami sa bahay ng mga magulang ko,” sabi ng nanay ng limang buwang sanggol na si Niño Padernos. "Sa sobrang lakas ng hangin, tinangay nito ang bubong ng bahay. Basang basa si Niño. Hindi namin siya mabalot nang maayos, o mapatuyo dahil nabasa lahat ng gamit namin.  Walang-wala kami.  Nawala lahat.” 

    Nanalanta ang bagyong Haiyan sa Guiuan, isang bayan na may populasyon na 45,000 sa silangang bahagi ng isla ng Samar. Mahigit isang linggo pagkatapos ng bagyo, sina Niño at ang kanyang pamilya ay nakatira sa isang istrukturang binuo nila gamit ang  mga pira-pirasong kahoy mula sa labi ng kanilang nawasak na tahanan.  

    "Mahigit sa dalawang araw na siyang may lagnat, hindi nawawala,” sabi ng nanay ni Niño. "Sobra na akong nag-aalala.  Wala nang libreng health centre malapit sa amin, winasak na ng bagyo. Nagtanong-tanong kami kung saan namin puwedeng patingnan ang anak namin. Wala kaming pera para sa pagpapagamot, kahit na isa pa lang ang anak namin. Pinapunta kami ng komunidad dito sa Guiuan. Sabi nila, nagbibigay raw ang MSF ng libreng pangangalaga, at maari nila kaming matulungan." Naglakbay sila mula Buabua, isang bayan na isa’t kalahating oras sakay ng motor ang layo sa Guiuan.  

    Tinanggap ang sanggol sa MSF tented hospital sa Guiuan, kung saan siya’y ginamot. 

    Stories from the field: Pagkatapos ng bagyo 

    Sampung araw matapos dumaan ang bagyo, inilarawan ni  Emergency Coordinator Caroline Seguin ang malalaking hamon sa paghahatid ng emergency aid.  

    Bringing services and supplies to distant towns ©MSF

    Pagdala ng mga serbisyo at supplies sa mga liblib na bayan. © MSF

    "Nagawa naming magpasok ng mahigit 150 na tao at daan-daang tonelada ng supplies sa bansa.  Hindi biro ang dami ng kinakailangan para sa pangangalagang pangkalusugan, lalo na’t dahil ang kondisyon ng kanilang mga tinitirhan ay hindi pa ganoon kalinis o kaayos.  Maaari silang magkaroon ng respiratory tract infections, pulmonya, at mga waterborne diseases.  

    Sa karamihan ng mga lugar na pinupuntahan namin, ang mga sistemang pangkalusugan ay napatid ng kalamidad, kaya’t kami’y nakatuon sa pagbabalik ng de-kalidad na pangunahing pangangalagang pangkalusugan at hospital services.  Sa Guian, isang tent hospital ang itinayo sa lote ng gumuhong ospital. Sa Tacloban naman, magbubukas ng inflatable hospital para sa lahat ng serbisyong medikal, katulad ng emergency room, inpatient department, at operating theatre.  

    Magtatayo ang mga MSF ng maternity, obstetrics at gynaecology units. Malaki ang pangangailangan para sa mental health services. Isa itong napakahalagang aspeto ng aming tugon, at madaling ipatupad kung ikukompara sa ibang mga serbisyo." 

    Tugon sa COVID-19 

    Pagbigay ng suporta sa San Lazaro Hospital

    Noong Enero 2020, ang unang kaso ng COVID-19 sa bansa ay iniulat sa  San Lazaro Hospital (SLH), isang Special National Hospital Medical Centre for Infectious Diseases sa Maynila.  

    Staff get swabbed for COVID-19 after their deployment at San Lazaro Hospital. ©Veejay Villafranca/MSF

    Ang mga staff ng MSF ay sumailalim sa testing para sa COVID-19 nang ipinadala sila sa San Lazaro Hospital. © Veejay Villafranca/MSF 

    Noong una’y may dalawang COVID-19 Intensive Care Units at tatlong wards ang SLH. Pinabuti ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières ang testing, data management, at case management capacity ng San Lazaro Hospital sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga biomedical equipment, medical supplies, personal protective equipment, pagsasanay para sa infection prevention and control, at pagpapaayos ng mga imprastruktura. 

    ©Veejay Villafranca/MSF

    © Veejay Villafranca/MSF

    Sinuportahan din namin ang SLH sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga taong tutulong sa Departments of Laboratory and Epidemiology, at mga doktor at nars para sa mga COVID-19 wards at triage, at sa tuberculosis ward.  

    Proteksyon laban sa virus sa mahihirap na komunidad 

    Ngayong may epidemya, mahirap protektahan ang malaking populasyon sa mga komunidad ng urban poor sa Maynila, kung saan ang bilang ng tao sa isang barangay (ang pinakamaliit na yunit ng pamamahala sa Pilipinas) ay 55,000 hanggang 61,000.  

    Sa maikling panahon noong 2020, pinayagan ng pamahalaan ang home isolation. Sa mahihirap na komunidad sa Tondo, nagbigay kami ng suporta sa pamamagitan ng pamamahagi ng 2,000 hygiene kits. At dahil hindi makapaghanapbuhay ang mga nasa quarantine, nakipagtulungan kami sa isang lokal na grupo upang mamigay ng mga food packs ayon sa pangagailangan. Tumanggap din sila ng mental health at psychosocial support. 

    Sa mga barangay health centers, pinabuti namin ang infection prevention and control (IPC) measures, sa pamamagitan ng pagsasanay, pagbigay ng mga personal protective equipment, handwashing stations, mga kagamitang panglinis at mga kaalaman tungkol sa virus. Tumulong rin kami sa contact tracing. 

    Upang maprotektahan ang barangay health emergency response staff, binigyan namin sila ng face masks, face shields, alkohol at sabon. Gumawa rin kami ng risk communication video materials. 

    Stories from the field: Ang hamon ng isolation sa mahihirap na komunidad 

    Kapag maliit ang bahay na tinitirhan mo, isang hamon ang home isolation. Paliwanag ni Lyka Lucena, isang social worker, "Napakahirap ng home isolation, halos imposible ito para sa mga nakatira sa mahihirap na komunidad.  Bihira ang may nakahiwalay na kuwarto para lang sa pasyente. Marami ang nakatuon sa pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya, lalo pa’t marami ang nawalan ng hanapbuhay o ng pagkakakitaan ngayong may pandemya." 

    Dagdag pa rito ang mental health issues. "Marami sa mga naka-home quarantine ang nakararanas ng pagkabalisa at matinding kalungkutan. Nag-aalala silang makahawa ng iba, lalo na ng mga mahal nila sa buhay. Takot din silang magkasakit at mahawa uli. Maraming pasyente ang nakakaranas ng lungkot sa pagkakawalay sa kanilang mga pamilya. Marami rin sa kanila ang nakakaramdam ng galit at pinanghihinaan ng loob sa kawalan ng kakayahang baguhin ang kanilang sitwasyon." 

    Kuwento ng pasyente: Higit pa sa gamot at masks 

    Kadalasan, higit pa sa mga gamot at mga kalakaran ang naibibigay ng mga healthcare workers. Kuwento ni Nurse Rhomina Suan, “Pagpasok ng pasyente, nag-aalala siya para sa kanyang mga anak. Noong una, ang mga sintomas lang niya ay lagnat at namamagang lalamunan. Ang resulta ng swab test niya, kahit pagkatapos ng isang linggo sa ospital, ay positibo. Pagkaraan ng ilang araw, bumagsak ang kanyang oxygen saturation at kinailangan niya ng Non-Rebreather Mask (NRM). Binigyan din namin siya ng antibiotics. Mas lalo siyang naging balisa.” 

    “Nakikilala niya ang boses ko tuwing pumapasok ako sa kuwarto. Sasabihin niya, ‘Mina, masayahin ka ‘no?’ Sagot ko naman, ‘Siyempre, ma’am! Gusto kong mahawa ka sa pagkamasayahin ko. Tandaan mo, gusto nating umakyat ang oxygen levels mo, para puwede na nating tanggalin ang NRM.’" 

    Di nagtagal at bumuti ang kalagayan ng pasyente. Lumabas na siya ng ospital matapos ang ilang araw.  

    Lampas sa mga hangganan ng archipelago 

    Marami kaming field workers at staff mula sa Pilipinas, na nagtatrabaho sa aming mga proyekto at misyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo.  

    Sa Lebanon, ikinuwento ng  Pilipina anaesthetist na si Karina Aguilar ang kanyang trabaho sa isang ospital sa Bar Elias. 

    Ano ang ginagawa ng isang Pilipinong Finance Coordinator sa Yemen? Basahin ang kuwento ni Melvin Kaibigan.